Chanel No. 5,

Literary: Hawak

2/14/2020 09:16:00 PM Media Center 0 Comments




Hawak ko ang kamay mo sa isa kong kamay, habang ang mga rosas na ibibigay ko sana sa iyo ay tangan ko sa kabila.

Sa lahat ng pinagdaanan natin, ito ang pinakamatagal, pinakatahimik, pinakamasakit, ngunit pinakaayaw kong matapos.

Naglalaban ang aking isip at damdamin.

Ayaw pa kitang umalis. 'Wag mo akong iwan, masyado kitang mahal. Kung hahayaan mo ako, gagawin ko ang lahat para sa iyo. Bigyan mo muna ako ng oras para bumawi. Bigyan mo ako ng oras para sulitin ang lahat ng meron tayo. Bigyan mo ako ng oras bago bumitaw.

Ngunit.

Sa kabilang banda.

Hindi mo na ako mahal.


Lumunok ako, at dahan-dahang kumalas ang kamay ko sa iyo.

Mahal nga kita, at lahat kaya kong gawin para sa iyo. Kung hindi mo na ako mahal, pakakawalan kita kung iyon ang magpapasaya sa iyo. Magiging malakas ako, kahit masakit, bibitaw ako.

Tumayo ka at naglakad papalayo.

Magiging malakas ako, kahit masakit. Ngunit pwede pa namang maging mahina sa huling pagkakataon 'di ba?

Tumayo ako at hinabol ka. Niyakap kita mula sa likod, sabay sa pagbuhos ng aking mga luha ay ang pagbuhos ng pagmamahal ko sa'yong nababalot ng pamamaalam.

Ito. Itong yakap-yakap ko ngayon. Ikaw na nasa aking mga bisig, gitna ng aking dibdib at puso, hinding-hindi kita malilimutan.

Hindi totoo ang sinasabi nila. Hindi masakit magmahal. Masakit lang kapag alam mong dapat ka nang bumitaw.

Hawak pa rin ang mga rosas, nakayakap pa rin sa iyo, bumulong ako.

"Happy Valentines."

You Might Also Like

0 comments: