Showing posts with label Ukiyo. Show all posts

Literary: Ang Tunay na Ako





Maskara
“Ang dami na namang likes ng recent Instagram post ko,” sabi ko habang may ngiting tagumpay sa labi.

Kaka-post ko lang ng litrato kanina. Siguro wala pang isang oras ang nakakalipas, lagpas isang libo na ang natamo kong likes.

Hindi naman sa pagmamayabang, ngunit mayroon akong lagpas apat na libong followers sa Instagram. Madalas akong mag-post ng aking mga litrato dito. Mapa-OOTD man ‘yan o selfie, damang-dama ko ‘yung saya kapag sunod-sunod na dumarating ang mga notification mula sa mga nagla-like ng posts ko. Kaya madalas sa isang araw ay nakakadalawa hanggang tatlong post ako sa aking account.

At ngayon, naghahanda ako muli upang kumuha ng panibagong litrato kong ipo-post ko mamaya. Suot ang aking bagong fitted dress na talaga namang humuhubog sa hugis ng aking katawan. Katapat ang salaming mas matangkad pa sa akin, nagsimula na akong kumuha ng mga litrato. Nang masiyahan na ako sa mga litrato ko, inihanda ko na ‘tong i-edit para i-post.

Hindi kagandahan ang hugis ng aking katawan at kondisyon ng balat ko, pero dahil sa kakayahan ng pag-eedit, madali kong nababago ang itsura ko sa larawan. Gamit ang mga photo editing apps, nababago ko ang hugis ng aking katawan, mas ginagawa ko itong sexy. Dahil sa ganoong paraan mas maraming nagla-like ng posts ko at dumarami ang followers ko. Sa tulong din ng kolorete, natatakpan ko ang aking ‘di kagandahang balat, marami kasi akong acne scars, kaya lagi akong gumagamit ng kolorete sa mukha upang matakpan ang mga ito.

Dahil sa pag-eedit at patong-patong na kolorete, tiyak ako na matutuwa ang aking mga follower. Basta maganda at makinis na mukha, samahan mo pa ng magandang hubog ng katawan, siguradong maraming likes ang ang larawang iyon.

Nang matapos na ako sa pag-eedit ng aking litrato, agad ko itong pinost sa Instagram account ko. Tulad ng sa aking inaasahan, ilang minuto pa lamang ang nakakalipas, mayroon na agad itong isang daang likes at iilang komento na nagsasabi na ang ganda ko sa litratong ‘yun. Kahit na ang iba dito ay hindi ko kilala, nakakaramdam pa rin ako ng saya dahil pinupuri nila ako.

Nawala ang ngiti ko nang mabasa ko ang isang komento.

“Sus, puro edit/filter lang naman ‘yan. Sa IG ngayon, puro pakitang tao na lahat. Mga nagkukunwari at peke. Malamang pag nakita niyo siya sa personal, ‘di niyo makikilala. Nakasusuklam, mapanlinlang ka.” komento ng taong di ko naman kilala.

Agad ko namang tiningnan ang account ng nagkomento, kakaunti lang ang followers nito pero pina-follow niya ako.

“Nag-follow ba siya para lang magsulat ng ganitong komento sa post ko?” inis kong sabi.

Dahil sa inis, agad kong bli-nock ang nagkomento nito, at inalis ang komento niya. Baka mamaya kung ano ang isipin ng iba kong followers at sumang-ayon sila sa nagkomento.

Realidad
Upang hindi maisip ang nabasa kong komento, tumayo ako upang kumuha ng maiinom.

Nang tumayo ako para pumunta sa kusina, nadaanan ko ang aking salamin na nakasabit sa pader. Napahinto ako at lumapit dito. Pinagmasdan ko nang maigi ang aking mukha. Puno ito ng tigyawat, hindi makinis. Napunta naman ang tingin ko sa aking katawan. Hindi ako gaanong kapayat kagaya ng mga nakikita ko sa Instagram. May mga peklat sa aking mga binti, may mga stretch mark, hindi ako sobrang puti, at ang pinakaayaw ko sa lahat, hindi hugis hourglass ang aking katawan. Bumalik sa aking isipan ang mga salitang sinabi nung nagkomento sa aking larawan.

Nakasusuklam at mapanlinlang. ‘Yan ang mga salitang kanyang ginamit. Aamin ko, nasaktan ako sa kanyang mga sinabi. Wala naman sa aking intensyon na manlinlang ng kahit sino.

Binuksan ko uli ang aking telepono upang tingnan ang kanyang komento. Ngunit napahinto ako nang makita ko ang aking larawan. Makinis ang aking mukha at puno ng kolorete, maganda ang hugis ng aking katawan, at hindi kita ang mga marka sa aking mga binti.

Halos hindi ko na makilala ang aking sarili. Ibang-iba ang aking itsura sa personal.

Tumingin uli ako sa salamin. Napahawak ako sa aking mukha at bigla na lang naluha. Hindi ko na alam kung ano ang tunay kong mukha o ang tunay kong katawan. Ginaya ko ang mga nakikita ko sa social media, ginaya ko kung ano ang sa tingin nilang kaaya-ayang mukha at perpektong katawan. Wala namang mali sa aking ginawa diba? Binago ko ang aking itsura upang umayon sa kung ano ang gusto nila. Marami akong natamong mga papuri dahil sa aking itsura, maraming followers at likes. Ngunit bakit ganito ang aking nararamdaman? Bakit parang may mali? Dapat masaya ako dahil gusto nila ako, gusto nila ang kanilang nakikita. Sa mata ng iba ako ay perpekto. Pero sa nakikita ko ngayon sa salamin, napakarami kong pagkukulang, napakarami kong mali.

Tama ang nasa komento, nakasusuklam ako. Kung ako ay makikita nila sa personal, hindi nila ako makikilala.

Isa lang ang aking nasabi habang humahagulgol sa iyak.

“Nakakahiya ka.”

Lumipas ang ilang linggo mula noong tumigil muna ako sa pagkuha ng mga larawan at pagpo-post sa Instagram. Hindi ko kayang baguhin muli ang aking itsura. Ni hindi ko na kayang tingnan ang aking sarili sa salamin. Hindi ko na rin alam kung sino ako.

Matagal na akong walang kasama sa bahay, ngunit ngayon ko lang naramdaman ang ganitong lungkot. Wala man lang sa followers ko ang naghahanap sa akin. Hindi ba sila nalulumbay dahil wala ako? Akala ko ba gusto nila ako?

Muli akong nalungkot at nanlumo. Sinubukan kong ibaling ang aking atensyon sa iba sa pamamagitan ng pag-scroll sa ibang social media apps.

“Ay, ito Facebook! Baka makahanap ako rito ng mga nakakatawang post,” aniya ko.

Pagbukas ko ng Facebook ay hindi nakakatuwang posts ang bumungad sa akin kundi isang larawan ng babae. Hindi ko kilala kung sino siya, hindi naman siya artista o sikat na personalidad. Isa lang siyang ordinaryong tao. Ngunit maraming natamong likes at reaksyon ang kanyang post. Tinignan ko ang kanyang post at nakita ko ang kanyang larawan na nagpapakita ng kanyang mukha at katawan. Makikita sa larawan ang mga stretch marks sa kanyang hita, ang kanyang mukha ay hindi makinis at wala itong mga kolorete sa mukha, at hindi hugis hourglass ang kanyang katawan. Kahit na ganun ang itsura niya, siya ay nakangiti.

Masaya siya at masaya rin ang mga tao para sa kanya. Napahanga ako sa kanyang i-pinost. Nagpakatotoo siya sa sarili niya at sa lahat. Hindi gaya ko na namuhay sa kung ano ang gusto ng iba o kung ano ang sa tingin ng lipunan na kaaya-aya.

Napangiti ako habang pinagmamasdan ang kanyang larawan. Mas lumaki ang aking ngiti nang mabasa ko ang kasabihan na nakasulat sa caption ng kanyang post, “You are imperfect, permanently and inevitably flawed. And you are beautiful.”Amy Bloom

Humanga ako sa kaniyang tapang at kumpiyansa sa sarili. Hindi niya binigyang importansya ang kung ano man ang sasabihin ng iba. Dahil sa post na iyon, nag-iba ang pananaw ko sa aking sarili.

Tinanggap ko lahat ng wala ako at pinahahalagahan ko kung ano ang meron ako. Wala naman talagang perpekto sa buhay. Nagkakaroon lamang ng mga pamantayan sa kung ano dapat ang hitsura o pamumuhay ng isang tao dahil sa binubuong pamantayan ng lipunan. Napagtanto ko rin na ang mga kolorete at mga filter ay ginawa upang tulungan tayong magkaroon ng lakas ng loob sa sarili ngunit dapat tandaan na hindi ito permanente. Ang tunay na kagandahan ay hindi nasusukat sa pisikal na itsura, ito ay nababase sa panloob na kabutihan. Ang pagiging totoo sa sarili at sa iba at ang pagkakaroon ng lakas ng loob at pagmamahal sa sarili, iyon ang mga katangiang nagpapatunay sa kagandahan ng isang tao. Isa ako sa mga nagtago sa ilalim ng maskara, ngayon, oras na upang maging totoo ako sa aking sarili at sa iba.
 
Binuksan ko ang aking telepono at kinunan ang sarili ng litrato. Wala akong suot na kolorete at filter sa mukha. Hindi ko rin ito i-eedit o babaguhin. Sa aking paningin, ako ay maganda at sapat. Pinindot ko ang Instagram at pinost ang litratong iyon. Panahon na upang makita nila ako. Walang edit, walang pagbabago sa mukha, at walang panlilinlang. Panahon na upang makita nila ang tunay na ako.


Literary: Tahanan





Bahay
Lugar kung saan pamilya ang kasama ko
Para sa akin, napakahalaga ng lugar na ito
Dito ko naipakikita kung sino talaga ako

Pamilya

Sila ang laging nariyan upang sa akin ay mag-aruga
Tuwing kasama ko sila, ang bawat oras ay mahalaga
Sa bawat pangarap ko, tuloy ang kanilang pagsuporta

Paaralan
Dito ko natagpuan ang aking mga kaibigan
Dito natuto ako ng maraming bagay na sa bahay ay ‘di ko natutunan
Kahit pansamantala, naramdaman ko rito ang kasiyahan

Kaibigan
Madalas kong kasama, sa kasiyahan man o kalungkutan
Sa mga problema ko, sila ang madalas kong sinasabihan
Mapalad akong mabatid, tunay silang mapagkakatiwalaan

Tahanan
Dito naramdaman ko ang halaga ng isang pamilya at kaibigan
Kahit magkaiba ang papel na sa buhay ko’y kanilang ginampanan
Sila pa rin ang bumuo sa lugar na tinatawag kong tahanan


Literary: Sa Huli




Ang balat ko’y nakadikit sa matigas at malamig na aspalto. Matinding sakit at paghihirap ang tanging nararamdaman ko ngayon. Parang may nakapatong na napakabigat sa aking dibdib.

Sobrang sakit ng aking katawan lalo na ang kanang parte ng aking tiyan. Hindi ko malilimutan ang pakiramdam ng pagtarak ng matulis na kutsilyo rito, ang unti-unting pagbaon nito mula sa aking balat papunta sa aking kalamnan, napakasakit at napakahapdi.

Ramdam na ramdam ko ang init ng pag-agos ng dugo sa parteng ito. Kahit nanghihina ay dali-dali ko itong tinakpan gamit ang aking kamay, baka sakaling mabawasan man lang ang pagdurugo.

Sinusubukan kong magsalita para humingi ng tulong ngunit walang kahit anomang salita ang lumalabas sa aking bibig. Sobrang tahimik ng lugar na ‘to at ang dilim ng gabi kaya’t tila imposibleng makahingi pa ako ng tulong. Unti-unti na akong nawawalan ng pag-asa.

Gusto ko pang mabuhay, hindi ko pa pwedeng iwan ang pamilya ko, hindi ko pa natutupad ang mga pangako ko sa kanila. May mga pangarap din ako para sa aking sarili na hindi ko pa naabot. Ngayon pa ba mangyayari ‘to, kung kailan unti-unti nang natutupad ang mga pangarap ko sa buhay? Sobrang malas ko naman kung ganoon. Bente-sais anyos pa lang ako, gusto ko pang magkaroon ng sariling pamilya at bahay at lupa, pero ngayon, sa tingin ko ay imposible nang mangyari ang lahat ng ito...

“Hanggang dito na lang ba talaga?” tanong ko sa aking isipan.

Bakit ganito ang tadhana? Natutuwa ba silang paglaruan ang buhay ng tao? Isinusumpa ko ang tadhana!

Parang pelikula na naglaro ang mga alaala sa aking isipan, mula pagkabata hanggang pagtanda. Ang masasayang ngiti ng aking mga magulang at kapatid ang tumatak sa ’king isipan. Paano na sila? Naramdaman ko ang mainit na luha sa sulok ng aking mata papunta sa aking sentido, hindi ko na mapigilan ang aking sarili. Halo-halong emosyon ang aking nararamdaman, lungkot, takot, at galit.

Nalulungkot at naaawa ako sa aking sarili, bakit kailangan ko maranasan ang mga bagay na ito?

Ano ang mangyayari sa pamilyang maiiwan ko, sina Mama at Papa? Ayokong may mangyaring masama sa kanila dala ng emosyon kung hanggang dito na lang nga talaga ako. Hindi ko kayang makitang umiiyak sila Mama at Papa. Naiisip ko pa lang ay parang pinipiga na ang aking puso.

Paano na si Ana? Nangako ako sa kanyang pagtatapusin ko siya ng kolehiyo para maabot niya ang kanyang mga pangarap. Hindi na nga ako makapaghintay na maging isa siyang ganap na chef. Sabi niya pa’y magluluto siya ng masasarap na putahe na talagang ako lang ang makatitikim. Hindi ko tuloy maiwasang matawa at maiyak sa isiping ito. Matitikman ko pa kaya ang mga luto niya?

Mamamatay na ba talaga ako? Natatakot ako, ano ba ang mayroon sa kabilang buhay? Takot pa akong mamatay, hindi pa ako handa.

Gusto ko pang mabuhay, hindi ko pa sila kayang iwan. Hindi ko matanggap na ito ang tadhana ko. Sa dinami-rami ng tao sa mundo, bakit ako pa?! Ano ba ang nagawa kong mali para maranasan ang lahat ng ito? Hindi pa ba sapat na ako’y naging mabuting anak at kapatid sa aking pamilya?

Alam kong masama pero nagagalit ako sa Diyos, isa ba itong parusa? Sadya bang ginawa niyang maikli ang buhay ko?

Dala yata ng emosyon, dahan-dahang uminit ang katawan ko. Hawak ko pa rin ang saksak sa aking tagiliran, ngunit ayaw pa ring tumigil ng dugo sa pagdaloy palabas ng aking katawan at lumalaon ay lalong sumasakit at humahapdi ang aking nararamdaman. Nanghihina na ako, nauubusan na ako ng dugo, at sa tingin ko ay mawawalan na ako ng malay.

Lalong bumibigat ang aking paghinga, ngunit wala na akong nararamdaman na kahit anong sakit. Namamanhid na ako. Naramdan ko ang matinding pagtibok ng aking puso, parang gusto nitong lumabas mula sa aking katawan, at lalo akong nanghina sa aking nakita. Dugo! Umubo ako ng dugo! Napatingin na lang ako sa madilim na langit.

“Hindi ko na kaya…”

Parang kanina lang ay ang saya-saya ng pamilya namin. Kasama ko sila sa isang restawran. Dahil nakatanggap ako ng promotion sa trabaho ay naisipan ko silang i-treat. Hindi ko alam, ‘yun na pala ang magiging huling alaalang kasama ko sila. Kung hindi lang sa kamalasang holdaper ang drayber ng taxi na nasakyan ko… Hindi sana mangyayari ang lahat ng ‘to.

Unti-unti nang bumibigat ang mga talukap ng aking mga mata. Kahit gusto ko itong imulat ay hindi ko na magawa at nanlalabo na ang aking paningin.

Kahit nahihirapang makakita ay hindi ako nabigong maaninag ang isang aninong papalapit. Aninong napakaitim at hugis tao, unti-unti nitong tinatahak ang daan papunta sa akin. Alam kong masyado na akong nanghihina para makaramdam pa ng takot pero hindi ko maiwasang kilabutan.

“Si Kamatayan na yata, sinusundo na ako,” huli kong sambit sa kawalan, gamit ang natitira kong lakas.

Dama ko ang kakaunting luhang kumawala sa aking mata. Kung ito na nga ang katapusan ng aking buhay, ano pang magagawa ko?...

Sa huli, tuluyan na ngang pumikit ang aking mga mata at para akong nilamon ng antok na sa tingin ko ay hindi na ako magigising pa.

Literary: Kahulugan, Kahalagahan, Kaibigan



Para sa'yo, ano ang isang kaibigan?
Siya ba ang lagi mong kakwentuhan?
Madalas mong kasama sa eskuwelahan?
At pagdating sa problema'y, iyong maaasahan?
Sa iyong sikreto, siya ba ang lagi mong sinasabihan?
Yung sinasabihan mo kasi alam mong siya ay mapagkakatiwalaan?


Pagkakaibigan, kaygandang samahan
Ano nga ba ang iyong depinisyon?
Gusto ko sanang malaman

Hindi ko masasabi ang ibig sabihin
Ng bawat araw na nais kong ulitin
Sa bawat tawanang walang pagkalalim
Sa usapang hanggang madaling-araw iisipin
Simpleng pagtagpo at pagpiling kilalanin
Hindi namalayang tsansang alamin
Ang sinasabi nilang pagbigay ng bituin
Ng ninanais ng bawat isang mithiin
Tunay na kasama sa lahat ng haharapin
Mukhang tuwing titingnan ay tila aking salamin
Hawak ang kamay na handa akong patatagin
Gayunding pangako, ako’y ‘di bibitiw saan man makarating
Sa bawat alapaap na itim, ako’y nasa ilalim
Bukal ng ginhawa sa mga gabing madilim
Walang araw na daraang hindi ka aalalahanin
At sa oras na kapayapaa’y tayong lilisanin
Panatang sa puso ko’y palagi kang patatawarin
Sapagkat bihirang himala sa taong malasin
Ng isa pang walang-takot kang yayakapin
Nasa’n ka ma’y ika’y aking hihintayin
Maging sa labas ng silid ng ating mga aralin
O sa bagong landas na ating tatahakin
Habambuhay, ating pagkahabi ang pipiliin
Sadya ng kapalarang mundo nati’y pag-isahin
Ito lamang ang masasabi ko:
Ako’y pinagpala na ika’y kaibiganin.

Literary: Sa itim o sa puti?



Isang guro
At estudyante
Sa silid ng paaralan
Dalawang lata ng pintura
Sa kanilang harapan.
Iniutos ng gurong
Ipakita ang imahe
Ng kasamaan at kabutihan

Pinulot ng bata ang pampintura
At sinimulan ang iniatas
Minuto lamang ang lumipas
Bago matapos.
Isang dating blangko at buong kuwadrong
Nakatapat sa kanila
Ngayo'y may malinaw na hati
Itim at puti
Isang manipis na linya lamang ng pagtatagpo
Sa gitna.

Tiningnan ng guro
At hinanap sa bata ang kulay-abo.

"Posible po ba talaga ‘yon?"

Sa mundong nababalot ng kadiliman
Mayroon pa ring sumisilip na sinag ng liwanag
Hindi man nakikita ng mga mata
Alam kong taglay ng karamihan

Kabutihan
Kaygandang katangian
Maaaring mabalot ng kadiliman
Pero hindi pa rin mapipigilan
Nagsisilbing liwanag ng bawat isa
Gabay natin tungo sa mapayapang kapaligiran
Kahit ang mundo’y nababalot ng kaguluhan

Sa dulo'y nasa atin pa rin ang sagot
Sagot sa mahalagang katanungan
“Posible bang magkaroon ng mabuti sa isang mundong puno ng kasamaan?”
Dahil tayo ang may hawak ng ating desisyon,
Desisyon sa kung ano ba ang paiiralin
Ang kasamaan ba o kabutihan?

Literary: Sa uulitin, Elijah




“Trisha, Trisha, tara, doon tayo.”

Nakangiti niya akong hinila papalapit sa tsubibo na may mga umiikot na kabayo, napatawa ako nang mapansin kong para siyang bata. Nang makaupo na kami ay nagsimula na itong umikot. Ang mabagal na ikot ay unti-unting bumilis.

“Trisha, okay ka lang ba? Namumutla ka, teka, sasabihin ko kay kuya na itigil na yung ikot.”

“Parang mas namumutla ka pa nga kaysa sa akin e,” sabi ko na may halo ring pag-aalala pero hindi niya ako pinansin.

“Kuya! Pakitigil na po yung ikot, nahihilo na kasi ‘tong kaibigan ko,” sabi niya.

Hindi ko matanggal ang titig ko sa kanya, para siyang magnet na humihila sa akin papunta sa kanya. Sinusundan ko lang siya ng tingin, napansin ko na parang may mali sa kanya. Kinalabit niya ako kaya napabalik ako sa huwisyo.

Tatanungin ko na sana kung masama ba ang pakiramdam niya pero naumid ang dila ko nang marinig ko ang sinabi niya.

“Huy Trisha! Baba na, bakit titig na titig ka sa akin? May gusto ka yata sa ‘kin e,” sabi niya na may kasamang tawa.

Sandali akong natigilan, hindi ko alam kung bakit walang lumalabas na salita sa bibig ko, hindi naman ako ganito e. Kung 'yung noon ‘to e ‘di itinanggi ko na sana agad para hindi siya makahalata. Parang may kakaiba sa ’kin ngayon na hindi ko mapagtanto.

“Huy Trisha! Anong nangyayari sa’yo? Bakit 'di ka nagsasalita?” bakas na sa boses niya ang pag-aalala.

Saka lang ako bumalik sa katinuan.

“Ha, ano?”

“Ano ba ‘yan, lutang ka na naman, ang sabi ko, baba na,” sinabayan pa niya ng mahinang tawa.

“Hindi ko alam, pero parang ang pogi mo ngayon.”

Sandali siyang natigilan, nakita kong namula ang pisngi niya pero agad din siyang bumalik sa dati at natawa.

“‘Wag ka na nga mambola diyan. Tara, baba na,” iniabot niya ang kanyang kamay para alalayan akong bumaba.

Inabot ko ang naghihintay niyang kamay at tumalon ako para makababa pero bigla akong nawalan ng balanse kaya napayakap ako sa kanya at napayakap din siya sa akin . Sandali kaming parehas na nawalan ng kibo pero nakabawi rin agad ang aming mga sarili.

“Okay ka lang ba talaga? Nahihilo ka pa yata,” sabi niya nang may pag-aalala.

“Oo, okay lang ako, gutom lang 'to.’”

“Ah gano'n ba, e 'di tara, doon tayo sa may mga nagtitinda ng pagkain.”

Tahimik kaming naglalakad papunta sa mga kainan. Napansin kong wala masyadong tao sa nilalakaran namin, masyadong tahimik.

“Elijah, paano 'pag sinabi kong may gusto ako sa’yo?" bigla na lang lumabas sa aking bibig ang mga salitang iyon.

Ha? Nababaliw na 'ata ako, ba’t ko nasabi ‘yon?!

Nakita kong nagulat siya, ganoon rin naman ako sa aking sarili, pero hindi ko binawi ang aking sinabi. Ipinakita kong naghihintay ako ng sagot mula sa kanya.

Dahil nasabi ko na, wala nang bawian.

“Ha? Joke ba ‘yan?” tanong niya pa, sabay tawa.

Pati ba naman pagmamahal, joke na lang ngayon.

Hindi ako sumagot. Parang may kumurot sa puso ko, ang sakit.

Siya ay naging seryoso nang matagal akong hindi nagsalita. Tumigil kami sa paglalakad. Humarap siya sa akin at ganoon din ako sa kanya. Tumitig siya sa akin at nagkatinginan ang aming mga mata. Kumabog nang malakas ang aking puso at lalong bumilis ang tibok nito.

“Alam mong hindi pwede iyon, may iba na akong gusto,” seryoso niyang sabi.

“Bakit hindi ba pwedeng magkagusto sa’yo kahit may iba kang gusto? Hindi mo naman desisyon na magkagusto ako sa'yo dahil desisyon ko 'yon,” naiinis kong sabi.

Natahimik siya.

“Alam mo Trisha, gutom lang ‘yan, tara na, doon na tayo sa mga pagkain,” hinila niya ako para maglakad ulit.

Binawi ko ang aking kamay hanggang sa mabitiwan niya ang kamay ko. Tumigil ako sa paglalakad at ganoon din siya. Nang lumingon siya sa akin ay halata ang gulat sa mukha niya.

Hindi ko napigilan ang aking mga luha hanggang sa tuluyan na nga itong bumagsak.

Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Feeling ko, itong lakas ng loob ko ngayon ay hudyat na talaga para aminin ko ang matagal ko nang nararamdaman para sa kanya.

“Seryoso ako Elijah,” sabi kong nanginginig ang boses.

Nasabi ko na, wala nang bawian.

“I’m sorry, Trisha, pero may gusto na akong iba.”

Hindi na ako umimik pa. Pinunasan ko ang mga luha ko. Huminga ako nang malalim sabay tingin sa madilim na langit.

“Alam mo Elijah, pagod lang 'to. Sige na, uuwi na ako,” paalam ko sa kanya at ako’y naglakad na paalis.

Umasa akong pipigilan niya ako pero hindi niya ito ginawa.

Nakarating ako sa isang madilim na lugar kung saan wala masyadong tao, kung saan pwede kong iiyak ang lahat.

Parang mula sa bukas na gripo, sunod-sunod na tumulo ang mga luha kong hindi mapigilan.

“Ang sakit, ang sakit-sakit,” sambit ko sabay hawak sa dibdib ko kung nasaan ang puso ko na hanggang ngayon ay kumikirot pa rin.

Iyon ang unang beses na umiyak ako nang todo at iyon na rin ang huli naming pagkikita ni Elijah.

Kanina pa ako rito sa amusement park kung saan kami huling nagkita ni Elijah, dito ako dinala ng aking mga paa matapos kong malaman ang katotohanan. Para akong baliw na nakatitig lang sa kawalan.

Bigla akong nanumbalik sa realidad nang mabangga ako ng isang bata, saka ko napansin na masyado na pala akong napalapit sa tsubibo.

Hindi ko maiwasang maalala ang huli naming pagkikita ni Elijah nang makita ko ang tsubibo kung saan ko siya huling masayang nakasama. Parang isang malakas na ulan, tuloy-tuloy at walang tigil na bumuhos sa akin ang masakit na alaalang iyon.

Hawak-hawak ko ngayon ang sulat ni Elijah para sa akin--sulat na naglalaman ng kanyang pag-amin...

Dear Trisha,

             Masakit para sa akin na magsinungaling. Ang totoo ay mahal na mahal kita. Naaalala ko noon, nahulog ako sa puno tas nagkaroon ako ng malaking sugat sa tuhod. Sa lahat ng kalaro natin, ikaw yung pinakaunang tumakbo papalapit sa’kin, hindi ko malilimutan yung pag-aalala mo, yung pagtatanong mo kung okay lang ba ako. Bata palang tayo noon pero alam kong iyon ang naging simula para mahulog ako sa’yo, hanggang sa araw-araw iniisip na kita, na gusto kitang laging makasama. Yung mga maliliit na bagay napapansin ko, sa pagtawa mo, sa paghawi mo ng iyong buhok, sa bawat galaw mo, lalo akong nahuhulog sa’yo. Araw-araw lagi mong pinapatibok nang mabilis ang puso ko, umabot na ako sa punto na gusto kong umamin sa’yo pero lagi akong napanghihinaan ng loob. Kaya sobra akong natuwa nung malaman kong mahal mo rin ako pero hindi nawala sa akin ang lungkot at pangamba.

             Nagpanggap akong may iba akong gusto dahil sa oras na sabihin ko sa'yo na mahal din kita at kung maging tayo man ay mas masasaktan ka lamang sa huli dahil darating ang panahon na tuluyan na akong mawawala at hindi ka makakasama. Matagal na akong may sakit at binigyan na ako ng taning. Lahat ng iyon ay itinago ko sa iyo dahil ayaw kitang masaktan.

             Alam kong sa oras na mabasa mo 'to ay wala na ako. Sana’y maging masaya ka kahit wala na ako sa tabi mo. At sorry dahil nasaktan kita... Ayaw ko lang na mas masaktan ka pa kapag wala na ako. Mas okay na yung galit ka sa akin kasi 'di ko sinabi 'yung totoo. Mami-miss ko ‘yang mga ngiti at tawa mong nakakahawa, ang ilan sa mga dahilan kung bakit nahulog ako sa’yo. Kahit na medyo masakit 'yung huli nating pagsasama sa amusement park, tandaan mong mas marami tayong masasayang memories do'n.

             Mahal na mahal kita Trisha. Paalam.

             P.S. Wag ka masyadong umiyak, ayaw kong makita kang nasasaktan.

Hindi ko napansing tumutulo na naman ang aking luha hanggang sa nanlabo na ang aking paningin. Napahagulgol ako na parang bata kaya’t pinagtinginan ako ng maraming tao. May lumapit sa akin para tanungin kung ayos lang ba ako pero hindi ko siya pinansin.
Pinunasan ko ang aking luha at tuluyan nang umalis sa kinaroroonan ko. Halo-halo ang nararamdaman ko — pagsisisi, galit, at lungkot. Pagsisisi dahil hindi ko siya nasamahan sa mga huling sandali niya. Galit sa aking sarili, dahil hindi ko man lang napansin na sa mga oras na magkasama kami noon ay may sakit na pala siya, na masyado akong napangunahan ng emosyon ko. Lungkot dahil wala na siya, ang nagpapasaya sa akin, ang nasasabihan ko ng aking mga problema.
Tuloy-tuloy akong naglakad hanggang sa marating ko ang exit ng amusement park. Nang makalabas ako ay tiningnan ko ang lugar para sa huling beses dahil hindi ko alam kung babalik pa ba ako rito. Alam kong marami kaming masasayang alaala rito pero mas nangingibabaw pa rin ang sakit na nararamdaman ko.

Saka na ako babalik 'pag alam kong kaya ko na.

Tuluyan na akong naglakad papalayo sa amusement park, dala-dala ang sakit na hindi mawala-wala.