Showing posts with label chatty. Show all posts

Literary (Submission): Mundo





Ikaw ang natatangi kong kakampi
Noong walang nanatili sa aking tabi.

Ikaw lang ang nanindigan sa akin
Noong lahat sila’y tumalikod sa akin.

Hindi mo ako sinukuan
Noong sinusukuan ko na ang aking sarili.

Ikaw.
Ikaw ang mahal ko.

Sinamahan mo ako
Sa mundo kong ako lang mag-isa.

Ikaw ang nagbigay ng kasiyahan
Sa araw-araw kong puro kalungkutan.

Minahal mo ako
Kahit mahirap akong mahalin.

Minahal mo ako
Sa panahong hindi ko kayang mahalin ang sarili ko.

Ikaw.
Ikaw ang aking knight in shining armor
Ang aking prince charming
#1 player
Bestfriend
At ikaw—
Ikaw ang mahal ko.

Kaya ipinapangako ko-

Na lagi mo akong magiging kakampi.
Nangangako akong ako’y mananatili,
Ika’y aking ipaglalaban.
Hindi kita tatalikuran.
Hindi ako susuko sa ‘yo,
At sasamahan kita sa kahit saanmang lupalop ng mundo.
Pasisiyahin kita sa abot ng aking makakaya.

Ipaparamdam ko sa‘yong sapat ka na,
Ipaparamdam ko sa‘yong karapat-dapat kang mahalin.

At hindi ako titigil na mahalin ka nang paulit-ulit
Dahil ‘yon lang ang kaya kong ibigay sa‘yo.
Bilang kapalit,
Sa pagsama mo sa aking mundo
Na ngayo’y mundo na nating dalawa.

Ipinaramdam mo sa aking mahal mo ako
Kaya ipaparamdam ko rin sa iyo
Na mahal na mahal
            Na mahal kita.

Literary (Submission): Tingin






Minsan di ko maintindihan
Kung paano kita nahanap at natagpuan
Kung bakit ikaw at ako ay pinagtagpo
Kung bakit iginaya ako ng tadhana patungo sa’yo

Paano nga ba nagsimula?
Paano umabot sa puntong ito?
Na ang kulay rosas na langit ay pinagmamasdan
Magkasama't nakaupo hanggang magpakita ang buwan

Nakatitig ka sa mga bituin at sinusubukang papag-ugnayin
Nakatitig ako sa’yo nang bigla ka ring tumingin
Mabilis na tumibok ang puso kong wala pang nakakapagpatibok noon
Sa’yo ko lang talaga naramdaman ang ganitong klaseng koneksyon

Walang nagsasalita sa atin
Ngunit sinasabi ng ating mga mata ang nararamdaman sa isa't-isa
At kung sakaling hindi mo makuha,
Ang sinasabi ng mga mata ko'y ang damdamin ko para sa’yo ay lumalalim na.

Literary (Submission): Repazoned





Ang mga hakbang ay patungo sa iyo
Nanginginig na rin ang mga tuhod ko
Sa nanlalamig kong kamay, Tsokolate’t bulaklak
Aaminin ko sa’yo ito ang nabuo kong balak

Mula sa likod, kinalabit kita
Humarap ka't tinanong kung bakit ako namumula
Tanging nasabi ko lang ay "Mahal kita"
Ngumiti ka't sinagot ako ng "Easyhan mo lang, repa."

Di nagtagal, ika'y aking niligawan
"Bakit naman kita sasagutin?" Tanong mo sa’kin
"Dahil nangangako akong ika'y mamahalin"
Lumapit ka sa akin at bigla akong hinalikan

"Gising! Gising!" Sigaw ni Inay
Minulat ko ang aking mata at tumayo
Sa kalendaryo’y agad akong nagtungo
Ika-labinlima na ng Pebrero!

Lumingon ako sa tukador kung saan nakalagay
Tsokolate't bulaklak na hindi ko pa naibibigay
Pumikit ako't humiling na sana hindi ako nagising
Dahil ang totoo’y hanggang ngayon di ko pa naaamin.