Showing posts with label nuggets. Show all posts

Literary: Tahanan




Rinig na ang kiriring
Bawat isa’y tinatawag na
Ang mga yapak nagmamadali
Tungo sa lugar na kawili-wili


Sa apat na sulok ng silid
Nabubuo ang samu’t saring ngiti
Mauulinig ang mga bungisngis
Ng mga batang masiyahi’t makukulit


Nagtatakbuhan at nagtatawanan
Nagbabasa’t naglalaro
Ngunit ‘pag nagsimula na ang klase
Sila na ay uupo

Handa na silang makinig
Sa mga kuwento at aral
Sila ri’y nagsasayawan
Sumasabay sa kantahan

Natututong bumilang at bumasa
Sumulat at mamulat—
Mga batayang kakayahan
Upang sarili’t iba’y mapangalagaan

Kung sa kanilang tahanan,
Di nakararanas ng kasiyahan
Sa munting paaralan na kanilang ikalawang tahanan
Nag-uumapaw naman ang kanilang kaligayahan

Literary: Pares




Sabay palagi sa tuwing naglalakad
Madalas pa ngang naghahabula’t nag-uunahan
Hinding-hindi mapaghihiwalay
Magkasangga na sa panghabambuhay.

Sa tuwing tag-araw
Magkasama nating sinasalubong ang bawat umaga
Kasabay ng pagdama sa mahalimuyak na ihip ng hangin
Habang tayo’y nakahiga sa malambot na damuhan.

Sa tuwing tag-ulan
Tayo’y galak na galak tumalon sa mga sanaw
Aliw na aliw sa mga tilamsik ng tubig
At tayo’y uuwi nang basang-basa sa tuwa.

Palagi tayong magkatuwang
Patag man o bako-bako ang daan
Pilit nating lalagpasan
Hawak-kamay tayong naglalakbay.

Ngunit nabago ang lahat
Simula nang ika’y nawala
Pagmulat ko’y ako na lang mag-isa at wala ka na
Hindi ako mapalagay.

Hinanap ka ngunit di nakita
Sino na ang makakasama ko sa pang-araw-araw?
Hindi ako sapat kung walang kapareha
Hindi makukumpleto ang tayo kung walang ikaw.

Nakalimutan ko nang kalimutan ka
Dahil sa iniwan mong masasayang alaala
Di ba sabi mo, tayo’y tila tsinelas?
Ang bumubuo sa isa’t isa,
Ang iyong kanan sa bawat mong kaliwa.

Literary: 3 puntos, Iskor!






Ito na ang huling yugto ng paligsahan
Gigil na gigil makabawi ang bawat koponan
Tumatagaktak ang pawis sa ’king mga pisngi
Kinakabahang baka kami’y di magwagi

Matibay ang depensa ng aming kalaban
Aking mga tira’y palaging nasasapawan
Ngunit malakas din ang aming opensa
Kaya kahit papaano’y nakakamaniobra

Dumapo sa mga kamay ko ang pinag-aagawang bola
Lahat ng mga mata ay ako lang ang nakikita
Kaya’t kailangan ko ng magandang estratehiya
Upang makalusot sa kanilang barikada

Heto na ang aking pagkakataon
Aking paningin, sa layunin nakatuon
Kakaunting oras na lang ang natitira
At mga puntos sa pader ay waring tabla

Handa na akong makapasok
Ang bola’y aking inasinta
Sabay hagis, kumawala na sa aking mga kamay
Dumadagundong ang dibdib ko sa kahihinatnan

SHOOT!
Dalawang puntos ang naitipa
Hangad na tagumpay ay nakamit na
Naghiyawan, nagpalakpakan ang natutuwang madla
Abot-tenga ang ngiti ng aking mga kasama

Ngunit pagkatapos ay may iba pang naganap
Sa kamay ng kalaban ang bola’y nalaglag
Simbilis ng hangin ang sa amin ay gumulat
Sa isang kisapmata, nagbago ang lahat

Tatlong puntos ng kalaban
Sa huling patak ng orasan
Kaya kami ngayo’y uuwing luhaan

Literary: 1pc





Sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata
Ikaw ang tangi kong nakikita
Sa pagmulat ko naman ng mga ito
Nagkakaroon ng ngiti ang mga labi ko

Noong una kitang nasilayan
Ako’y agad nang nahumaling
Ikaw ang aking pinakainaasam
Kapag ika’y nakita, hindi na ibabaling ang tingin

Pag kaharap na kita
Di ko na mapigilan ang aking sarili
Kukurutin na lang kita sa gigil
Pasensya na’t ako’y natutuwa kasi

Kapag ika’y hawak ko na
Di na kita gustong bitawan pa
Dahil kapag tayo’y magkadikit na,
Pakiramdam ko na tayo’y iisa

Ibang-iba ka talaga,
Ikaw, para sa akin, ay nag-iisa
Walang maaaring manggaya sa iyo
Dahil ikaw lang ang chickenjoy ko!

Literary: Kaibigan





Dahan-dahang lumabas sa may kusina
Upang kumuha ng mga plato't tasa
Maglalaro kami ng aking kaibigan
Ng lutu-lutuan

Tahimik na bumalik sa kuwarto
Dala-dala ang iba't ibang mga kagamitan
Dahan-dahang pumasok upang ‘di ako marinig
At mahuli ng aking nanay

Dali-daling inilapag ang gamit at sinabing
"Ssshhh, baka tayo marinig."
Ang aking kaibigan, hindi naman sumagot
Kaya’t patuloy lang ako sa aking pag-aayos

Tuwang-tuwa kami habang naghahalo ng tubig na kunwari'y sabaw
Siya ang nagtitinda, ako naman ang kanyang suki
Abot-tainga ang ngiti sa kanyang mukha
Bihira lang kasi kaming magkita

Kami'y biglang nagulantang sa pagbukas ni Mama ng pinto
"Ala-una na! Bakit ka pa naglalaro?"
"Ngayon lang puwede ang aking bestie," sagot ko.

Luminga-linga ang mga mata ni mama at sinabing
"Wala ka namang kasama."

Literary: I Love You, Bes






Ika’y may ngiting sintamis ng tsokolate
Na nakapagpapatumba sa napakaraming lalake
Ang iyong mga mata’y sinliwanag ng sikat ng araw
At ang iyong mga pisngi ay simpula ng bagong pitas na rosas

Ika’y may hagikgik na nagpapahalakhak sa ’king puso
At ang iyong boses ay musika sa aking tainga
Mayroon ka ring taglay na kakaibang talino at ganda
Nagbibigay ng inspirasyon sa bawat sandaling nakikita ka

Araw at gabi tayo’y laging magkausap
Ang iyong topic ay ang “cute boys” na iyong nahanap
Biglang bumaligtad ang aking ngiti
Bes, bakit mga lalake pa ang iyong pinipili?

Ikaw ang dahilan ng pagdagundong ng aking puso
Aking mga kalungkutan, kaagad mong napaglalaho
Umaayos ang magulong mundo, sa isang tawa mo lamang
Buhay kong nalulumbay, biglang nabubuhayan

Ang “ikaw” at “ako,” may tsansa kayang maging “tayo”?
Pero, Bes, di nga pala tayo talo
Sapagkat ikaw ay maganda,
At maganda rin ako