Showing posts with label inkfish. Show all posts

Literary: Huling Lagda






Tala; Talá

Naitala na’t naisatitik na
Ng aking huling bituin
Ang paghawak nitong pluma

Pagkat ang panahon ay dumating na
Upang isuko
Ang mga salita

Na bumuhay sa aking persona
Sa tuwing hawak itong pluma
Bilang isang manunulat.

Humahabi ng mga salita
Bumibigkas ng mga katagang
Hindi pa nadirinig.

O napakikinggan.

Ito na ang huling lagda
Gamit itong pluma;
Salamat, salamat.

Ito na ang huling akda
Nitong pluma
At ako ay handa na.

Handang
Magparaya,
Ng mga salita.

Kaya't sige-
Lumaya ka;
Lumaya.

Literary: Pananatili




Sa aba
Ng isang
Iniwan


LARAWAN
Kumukupas
Namumuti
Humuhulas

PINTO
Nakabukas
Pinanonood lamang
Kung sino ang susunod na lalabas

KURTINA
Nakasiwang,
Sumisilip,
Kung may babalik pa

LUHA
Pumapatak
Sa bigat
Ng sakit --

PUSO
Nasaktan,
Umaasa,
Kung may manantili pa

ALAALA
Nakatanim
Ang bawat pag-alis
Namumukod tanging naiwan

Alaala
Na tanging nananatili
Sa lumisan,
Nilisan,
At paglisan

Literary: Bawat Segundo






Klaro pa sa ‘kin ang huling limang minuto
Nang yumuko ka’t humugot ng lakas
Mula sa kaibuturan ng iyong pagkatao.
Alam kong darating ang araw na ito.

Nakita ko kung paano mo inangat ang iyong ulo,
Dahan-dahan upang pagmasdan ang lumulubog na araw
Sa ating harapan,
At wala akong nasambit kundi

‘Sandali,’
Pinagmamasdan ko ang papalubog na sandali
Sumisilay sa dulo ng liwanag,
Nagbabakasakali, nagbabakasakali

Na tingnan mo ako,
Sa aking mga mata
Subalit tadhana na ang nagdikta
Sa kung anong dapat tanawin at ang hindi na –
Maaari.

Kung maaari lamang baliktarin ang mundo,
Upang umatras ang paglubog nito,
Kung maaari lamang hawiin ang dagat,
Upang makalapit sa kabilang dulo,

‘Pagkat naaalala ko pa ang huling limang minuto
Katabi kita sa baybayin ng Roxas
Ngunit napakalayo,
Napakalayo ng iyong tingin, alam ko

Na sa huling limang minuto,
Ipinikit ko ang mata ng aking puso.
Binuksan ang mga mata nang aking marinig,
Ang katahimikan sa dako.

Tinanggap na balang araw,
Balang araw,
Lulubog ang sinag sa aking puso
Dahil ang lahat ng akin ay parating para sa ‘yo

At bukas, makalawa
O sa panahong ‘di ko alam kung darating pa,
Tanggap ko
Na ang huling limang minutong ito–

Sa larawan na lamang masisilayan ng puso




Literary: Isla ng Silangan



Sa bayan kung saan
Ang araw ay lumulubog sa silangan
Mayroong mga pook
At lansangan
Na bumubukod
Sa mga tao’t gusali

Sa bayan kung saan
Ang araw ay sumisikat sa kanluran
Mayroong mga pook
Na hindi nasisinagan
At nalalakaran lamang
Sa mga kanto at kalsada

Sa bayan kung saan
Ang araw ay pula at kahel
Buhat ng mga pangarap
At samu’t saring pangako
Lumulubog ang pag-asa
Sa bawat salitang ipinapako
Sa ating mga puso

Ngunit kung sa bayan na ito
Ika’y matatagpuan
Titiyakin ko na sa kanluran
Maisusulat ang aking mga pangako
At sa silangan mo makikita
Na ikaw
At ikaw
Ang natatanging perlas.

Literary: Sa Huli Nating Sandali




Ang mga matang sinlalim ng kalawakan
Ang mga labing ka-linya ng tadhana –

Kumapit sa akin ang pagbitiw
Humaplos ang hangin ng kapalaran sa ‘king tabi
Lumipas
Ang oras…
Minuto…
Segundo.

Nang bumukas ang pinto,
Umagos ang mga bituin
Kumaway ang lahat ng paru-paro
Papalayo –
Ang oras…
Bumilis
Pabilis
Nang pabilis…

Yumakap ang lamig
Tumakas ang mga salita sa’yong bibig
Kinapos ng tibok nang sabihin mong
"Sana…"
"Sana..."
Sana.

Ipinikit ko ang aking mga mata
Dumaplis ang mga bala
Ang init, humapdi sa'king dibdib
"Sana..."
Minasdan ko ang iyong mga mata.
Alam ko.
Alam ko.
Alam ko...

Paalam na.

Literary: Consequence of Enumeration






It was one step away from that six-foot door
When the windfall
Of what happened between us last twelve midnight,
To never be, again
because on the fifth hour, on our bed
I watched you open your eyes
With irises showing clear intention,
In the glimpse of a second,
Gone,
For you were one step away,
From that six-foot door,
When I asked you to stay,
But the chances of you coming back,
Ran
Away.
Left
With this ticking clock,
and more than a thousand days to count
Because I was yours
Throughout the numbered days,

But you were never
Ever
Mine.

Literary: Kalawakan






Nagsimula ang lahat sa ngiti.
Bago pa matuklasan ng tao ang kakayahang ngumiti, natutuhan na niyang magmahal,
Magmahal nang higit sa kanyang kakayahan—
Tatawirin ang mga bituin sa kalawakan ng kalungkutan,
Hahabulin ang lahat ng araw sa kalawakan,
Kukupkupin ang dilim,
Pananatilihin ang liwanag na dumadaloy sa ngiting dalisay, maabot lamang ang rurok ng pag-ibig.
At nang maabot niya ang tagumpay,
Ang tao ay bibitaw–
Sa kanyang paglalakbay,
Bibitawan niya’ng lahat ng kanyang pinangarap
Pagdating niya sa rurok ng pag-ibig.

Saka dadaloy ang pait.
Saka papasok ang lungkot.
Saka siya kakainin ng tanang sakit na kanyang iniwasan, marating lamang ang tuktok,
At saka nito mapagtatanto ang pag-ibig
Dahil ang pag-ibig ay walang katapusan,
Dahil ‘yan ang kamalian ng tao—
Iniisip ang paglalakbay na wala namang patutunguhan.

Sumpa?
Maaari.
Ngunit ang emosyon ang pinakamagandang regalo para sa tao—
Ang makaramdam ng galit, sakit, saya, pagkalito at hinahon ang siyang pagtapak natin sa lupang ibabaw.

Tayo ang sangkatauhan,
Nawa'y mapagtanto mo na walang saysay ang mga bagay na may katapusan.
Dahil naglalakbay tayo, higit pa sa nais nating patunguhan -
Damhin mo ang esensya ng pagiging tao.

Pagkat tayo’y iisa sa bawat ritmo ng lungkot at ligaya.
May kasama ka sa bawat yapak at paghakbang tungo sa hinaharap –
Maaari kang maligaw.
Mawala sa daan.
Ngunit may kasama ka sa kabilang dako ng mundo kaya’t ‘wag kang susuko
At makikilala mo rin siya—
Isang kaluluwang tumatangis sa kalawakan at kosmos sa gitna ng pag-ulan ng mga bituin.
At sa oras na masilayan mo ang kanyang mata, makakaramdam ka ng isang emosyong matagal mo nang tinatakbuhan—
Ang emosyon ng pagtuklas,

Ang pag-ibig.
Dahil tayo’y iisa.

Literary: Malaya






Kilala ko na ang iyong ngiti, tawa
Hanggang maging halakhak na musika sa pandinig
Kilala ko na ang iyong mga yakap
Dama ko ang iyong pagdating at paglisan
Alam ko na ang mga ibinubulong at isinisigaw ng puso mo
Narinig ko na ang iyong mga pasubali’t pangako
Mula sa katotohanan hanggang sa kasinungalingan,
Kilala na kita.

Higit ka sa mga luhang dumarampi sa pisngi
Higit pa sa malalamig na umaga,
Higit pa sa malulungkot na minuto,
Ngunit sigurado ako—
Isa kang paglalakbay sa bahaghari.
Ikaw ang hanging umiihip sa aking mukha
Ang kumot na nagbibigay-init sa tag-ulan,
Ang hampas ng alon sa dalampasigan.
Ikaw ang mapapait at masasayang alaala.
Ikaw.

Oo –
Ikaw.
‘Pagkat Ikaw ang pag-ibig.
Nasa’yo ang panahon,
Taglay mo ang kalayaan…

Malaya ka.
Umibig ka.

Literary: Pagkatapos Magsimula






Alas-sais na naman ng umaga
Babangon, maliligo at magsisipilyo;
Isasara ang mga butones bilang paghahanda sa isa na namang araw ng paghihibla
Ng mga pinangakong pangarap pagkatapos magtapos.

Alas-siyete, unang bahagi ng araw
Magsisimula na naman ang pag-iingay
Papasok na ang guro, patatahimikin ang klase at sisimulan ang sermon
Kung paano dapat mag-isip, kumilos maging magsalita.

Alas-otso, bakit pagod na agad ako?
Pangalawang araw ko pa lamang dito ngunit gumagapang na sa paghihingalo,
Hindi ng dibdib, kundi sa tambak na gawaing ipapasa sa maghapon
Alas-nuwebe.
Alas-diyes.
Alas-onse.

Alas-dose na ng tanghali
Naglalagablab ang init ngunit kumakatok ang antok
Kain, tulog, aral, paghahanap sa mga ka-grupo
Isang oras ng pahinga naging isang oras ng pagkahapo

Ala-una, parang ‘di ko na kaya
Pero ang pagsusulit kailangan pang ipasa.
Bumabagsak na ulo, kasabay pa ‘ata ang aking grado.
Saan ako dadalhin ng grado ko rito?
Alas-dos.

Alas tres, tatakbo sa susunod na klase
Sa ikaapat na palapag, hahabulin ang oras
Magsasalita sa harap, kailangang magsikap
Para sa ipinangakong pangarap.

Alas-kwatro, ang huling dako para sa araw ko
Panoorin ang pagkumpas
Ng oras na tila ba taon kung lumaon pagkat napakabagal
Napakabagal ng lahat.
Alas-singko.
Alas-sais.

Alas siyete na ng gabi, sa wakas oras na para sa sarili.
Ngunit bakit sila kumakatok
Nag-aalok ng mga bagay na kapag hindi mo sinunod, parusa ang inabot.
Mga bagay na gusto nila at nangangakong para daw sa kabutihan ko.

Alas-otso na at wala pa rin akong nagagawa.
Hindi tinatamad ngunit sadyang walang gana
At sa hindi ko malamang paraan, unti-unti ng naglalaho ang aking kinabukasan
Napalitan na ng pangarap ng iba, nauna na ‘yung kanila.
Alas-nuwebe.
Alas-diyes.
Alas-onse.

Alas-dose, gising ang diwa at mulat ang mata
Patay na ang isip ngunit sa loob ko’y may pag-aalala pa.
Kung mauulit na naman ba ang sigawan-
Na akong may utang sa aking mga magulang,
Na akong estudyante na kailangang pumasa,
Na nawawala na raw ako sa landas,
Na walang patutunguhan ang aking pangarap,
Na kailangan kong sundin ang sinasabi nila,
Na dapat masunod sila,
Dahil sila ang aking mga magulang.

Ala-una, tahimik na.
Hindi ko pa sinasabi ang mga sinumpaang numero
Na sumusukat sa aking kakayahan,
Sa mga nagawa ko,
Sa kung hanggang saan lang ang kaya kong abutin,
Ang mga numero na nagsasabi kung naabot ko ba ang mga pangarap na
Para sa akin daw, pero sa kanila naman talaga.
Alas-dos.

Alas-tres, natapos lahat ng gawain.
Kulang na sa tulog, kaunti lang ang nakain.
Ilang taon pa ang dadaan bago matapos ang nakababagot na siklo.
At papatak na naman ang alas-sais.
Babangon, maliligo at magsisipilyo;
Isasara ang mga butones bilang paghahanda sa isa na namang araw ng paghihibla
Ng mga pinangakong pangarap pagkatapos magtapos…

At alas-siyete, unang dako ng araw.
Magsisimula na naman ang pag-iingay.
Papasok na ang guro, patatahimikin ang klase, at sisimulan ang sermon
Kung paano dapat mag-isip, kumilos, magsalita
Alas-otso, pagod na naman ako
Alas-nuwebe, alas-diyes, alas-onse, alas-dose –

Ganito.
Sa loob ng anim na taon, ganito.
Alas-siyete hanggang alas-siyete, hindi mapunit-punit na siklo.
Pagod sa paggising hanggang sa pagtulog,
Walang karamay hanggang mahulog,
Kahit na dumadagundong ang dibdib sa nagpupuyos na damdamin.
Walang dapat makaalam.
Dahil kailangan.
Hindi para sa’kin kundi para sa mundo,
Ang siklo.
Ang simula ng mga pangarap pagkatapos magtapos,
Ang walang katapusang pagkapagod.

Ang simula na nagtapos sa simula.
Ang simula, hanggang sa simula.

Literary: Tinakbuhang Kasaysayan






Kapag kinausap mo siyang muli,
‘Wag kang magugulat kung ang una niyang babanggitin sa iyo’y;
“Sino ka?”

Kapag kinausap mo siyang muli,
‘Wag mo ng asahan ang nakasanayang,
“Kamusta ka?”

Kapag kinausap mo siyang muli,
Tanggapin mong ‘di na niya sasabihing,
“Mahal kita.”
Tanggapin mong masasaktan ka.

Alam kong sa dulo, doon ka magsisimula
At mahaba ang daan na iyong lalakbayin,
Walang kalsadang nakalaan para sa mga kwentong tinakbuhan na ng mga alaala.
Gaano man kahaba ang tulay na ilatag mo para maipaalala sa kanya ang lahat,
Mauubusan ka ng mga salita.

Bago ka pa man makarating sa kanya,
Siguradong malayong-malayo na
Ang inyong mga pangako sa isa’t isa
At mahihirapan ka lamang sundan
Ang anino ng kanyang katahimikan.

Ngunit ‘wag kang susuko.
Maubos mo man ang buong diksyunaryo,
Patuloy kang kumuha ng bagong transkripto.
Ipaalala mo ang ginhawa, ang matamis na ligaya
ng mga salitang “Nakauwi ka na ba?"
          “Kamusta ka?”
               at “Mahal kita”.

Ipaalala mo ang kakaibang saya
Sa pagsambit ng masasayang alaala ninyong dalawa.
Madehado ka man sa laban,
Manatili ka dahil mahal mo.

Ipaalala mong minsan siyang naniwala
sa pangako ng walang hanggan.
Bago pa man
          yaong gabing nagkaroon ng banggaan.
Bago pa man
          yaong gabing tinakbo mo siyang duguan.
Bago pa man yaong oras
          na kinausap ka ng doktor at sinabing,
“Malala ang sugat sa kanyang isipan.”
Bago pa man
          yaong araw na bigla ka niyang nakalimutan.
Bago pa man yaong segundong
          tinakbuhan siya ng kasaysayan.

Ipaalala mo ang lahat sa kanya
Pagkat ‘di mo na mauulit pa –
Ang mga pagkakataon ninyong dalawa;
Ang mga lumisang alaala.

Literary: Hindi





‘Wag.
‘Wag mo akong iisipin.
‘Wag mo akong babatiin, ayaw kitang kilalanin.
‘Wag mo akong ngingitian.
‘Wag mo ‘kong titignan sa mata at maalala ko lang ang mga tala.
‘Wag mo ‘kong kakausapin ‘pagkat naaalala ko
Ang paglinya ng mga planeta
Sa bawat sambit mo ng mga letra.

‘Wag.
'Wag mong nanaisin ang paglubog ng araw
Ayaw kong kamuhian ang pagsikat nito.
'Wag kang mangakong mananatili
‘Pagkat ayaw kong mabigo ng paglisan mo.
'Wag kang mangakong hindi ako lilimutin;
sa bawat minutong kasama ako,
ang bawat araw na masaya tayo.
‘Wag mong hahanap-hanapin ang liwanag ng buwan
Pagkat masisinagan lang ang aking damdamin
Sa dilim:
Doon kita pagmamasdan.
Doon kukunan ng larawan,
Doon kita itatago sa maliit kong mundo.
Kung saan malinaw ang kalawakan,
At ang kalawakan ay ikaw.

Nang sa bawat galaw ay ang pagsabog ng mga tala –
Nang sa bawat ngiti ay ang pagsayaw ng mga planeta –
Mula roo’y pagmamasdan kita.

‘Pagkat doon nananatili ang payak,
At nasa malayo ang katahimikan –
Hindi kita pariringgan.
‘Di ko ipapaalala ang ganda ng iyong
Pagtawa, pagtingin, pagngiti–
Hindi.
Ayokong magkaroon ng dahilan
Para malimot kang tuluyan.

'Wag mo akong mamahalin.
Hindi ako lalapit.
Ngunit
Sa milyun-milyong milya ng ating distansya,
Mamahalin ko
ang bawat kilometrong lumalapit ka.
Hahayaang lumago ang kung ano man ito –
Sa kabila ng distansiyang namagitan sa ating dalawa

Literary: Bawat




Sa bawat sulok ng mundo.
Sa bawat kanto na matatagpuan mo.
Sa bawat kalsada, parke, at sementeryo.
Hanapin mo man sa mga lugar na ito ang kinahahantungan ng iyong puso.
Hindi mo mababago ang katotohanang....
Sa kanya mo lamang matatagpuan ito.

Literary: Curtain Call



Life comes
With a continuous script,
Changing lines,
Multiple takes,
Different characters,
Hundreds of cuts.
But
In the end,
The lights
Go off,
The cast
Says goodbye.
As they roll their way out
Through all
The plot twists,
You'll learn
Over and over
That life
Can be described
By these three words:
It goes on.

Literary: Revolution's Waltz



Revolutions
When the sunlight falls on his face,
His orbit tells me of four stories
With each turn he makes,
He anchors me with his gravity.

Solstice
Sometimes he would
Shed his fears away
Tell me of his doubts and worries—
About how when he falls,
He falls hard
And when at times he feels fear,
He'll let the wind take him
Wherever it may,
Wherever it thinks he should be.

Aphelion
And then he sat on the same bench
As he pressed himself against the cold
Under the dazzling flakes he recalled
When he dwelled in the darkness of time
Which turned out to be
Winter, the time he felt he lived.

Perihilion
And when he finally deals
With his shame and his fears,
I see him talking of the universe
And of the galaxies.
With such hope in his eyes,
He talks of a world in full bloom,
A bloom such as he—
When he smiles and tells
Of these budding stories.

Equinox
There at the shore he rests
With his heart blazing so calmly
Ready to set forth on his journey
To this place called home
Where he will finally be free.

Seasons
In the end, he tells me:
"Seasons start, seasons end.
Seasons change, seasons fade.
Though time may bend and fold
Something deep would and should remain.
It's that everlasting love in you,
That'll lift you through the sun and rain."