Showing posts with label charlize. Show all posts

Literary (Submission): Nasaan?





Ha? Saan?
. . .



Puro kayo sambit
Ng mga salitang gasgas na’t gamit na gamit.
Mga pangakong napapako lang
Mga nasirang tiwala ng taumbayan.



Puro kayo kamatayan
Ang sinasabing sagot sa karamdaman bayan.
Hindi malinis na paraan
Bagkus ay kasakiman.
Ngunit hindi ba… kayo rin naman?



Puro kayo palitan
Ng mga konstitusyong nakasanayan
Ng mas walang kalatuy-latoy na paraan
Para maturuan ng leksyon ang mga sakim ng bayan



Puro kayo pagpapaskil ng larawan
Ng mga bagay na pawang positibo.
Ngunit sa likod ng magagandang kuha
Ay maiitim na budhi’t nagtatagong mga luha.




Puro kayo kalayaan,
Ngunit pilit niyong inuulit ang kasamaan.
Na nangyari na noong nakaraan
Na para bang wala kayong natutuhan.



Kailan niyo balak baguhin ang inyong mga sarili?
Bago kayo tuluyang kumilos para sa ikauunlad ng bayan?
Bilang isa ring Pilipinong gutom sa kasagutan,
Ang katarungan, hustisya, kapayapaan, nasaan?

Literary: Resibo





Hindi ko na kaya.
Obvious ba?
Sa likod na ng mga resibo,
Inilalabas ang mga drama.

Gabi-gabi, laging nasa isip,
Pero dahil pagod na,
Dinadaan ko na lang sa "pahinga"
Pero hindi, parang wala na kong magawa.

Lagi mong sinasabi-
Na ako na talaga
Ang tanging hihintayin mo
Pag tayo'y tumanda na.

Paulit-ulit mong isinasambit
Na wala nang iba
Hanggang isang araw
Nalaman ko na.

Gusto mo pa siya.
Mahal mo pa siya.
Umaasa ka pa rin,
Na maibabalik ang kayong dalawa.

Oo masakit, hindi ako manhid.
Bumalik ang lahat ng sinabi mo sa akin.
Mga salitang pinaniwalaan ko,
Mga salitang kinapitan ko hanggang dulo.

Gusto kong malaman
Kung ano ba talaga ako sa'yo.
Isang resibong binabasa
O isang resibong binabalewala?

Pagod na ako.
Hindi ko na kayang tiisin.
Dahil ang oras ko’y
Nasayang lang sa mga kasinungalingan mo.

Sana nga mahalin ka na niya.
Para wala nang tulad kong umaasa pa.
Tulad ng resibong ito,
Hahayaan kong maglaho na.

Lahat ng salitang nakasulat dito,
Lahat ng mga alaala ko sa’yo,
Lahat ng pangakong sinabi mo,
Binayaran ko lang pala ang lahat ng ito.

Hindi ko na rin kinakaya
Obvious naman diba?
Ang mga nababasa ko sa resibo
Na nakukuha ko sa pantalon mo.

Linggo-linggo, panibagong resibo.
Panibagong mga kuwento.
Di ka ba napapagod magsulat?
Sampung resibo na ang nasusulatan mo, di pa ba ‘yun sapat?

Lagi kong sinasabi-
Na mag-aral muna.
At wag puro pagjo-jowa
Dahil wala kang mararating sa iyong pagtanda.

Paulit-ulit kong sinasabi
Na tigilan mo na siya.
Pero pagbibigyan kita ng ilang araw pa.
Ngunit pag ika’y di pa natigil, malilintikan ka na!

Gusto mo siya?
Mahal mo siya?
Di ka pa nga marunong magsipilyo,
Lumala-love life ka na!

Oo masakit, pag ika’y tinamaan ko na
Babalik ka sa sinapupunan ko, isa pa!
Saan ka ba natuto ng ganito?
Wala naman akong itinuturong ganito sa’yo.

Gusto kong malaman mo
Na hindi ka dapat nag-aaksaya ng panahon
Sa mga ganitong bagay
Sa pagka’t ikaw ay bata pa.

Pagod na rin ako
Makabasa ng mga sinusulat mo.
Oras na para sabihin ko sa iyo,
Na ang lahat ng mga sinusulat mo, ay nababasa ko.

Sana naman matauhan ka.
Baby ka pa at hindi pa binata.
Kaya sana, ako muna ang girlfriend mo
Dahil ipinapangako ko sa’yo, ibabalik ko ang pagmamahal mo.

Lahat ng mga nakasulat dito sa resibo,
Lahat ng mga ka-dramahan mo
Ay mananatiling sikreto
Pangako ko ‘yan sa’yo, anak ko.