Showing posts with label jenn elona. Show all posts

Sports: UPIS VST, umani ng medalya sa UAAP 77

Naghakot ng medalya ang UPIS Varsity Swimming Team sa ginanap na UAAP Season 77 Swimming Competition noong October 2-5, 2014 sa Rizal Memorial Stadium.

Tinanghal na 1st runner up ang Junior Girls sa pangkabuuan. Samantalang nakuha naman ng Junior Boys ang ikaapat na pwesto. Season MVP naman ng Girl’s Division si Pricila Aquino ng 10-Lauan na nakakuha ng gintong medalya sa pitong events – 800m freestyle, 400m freestyle, 100m butterfly, 400m individual medley, 200m individual medley, 100m breaststroke, at 200m breaststroke.

Masayang itinaas ng mga miyembro ng UPIS Girls Varsity Swimming Team
ang kanilang first runner up trophy sa UAAP Season 77.
Photo credit: Mai Arciga
Sa Girls individuals, nasungkit ni Francheska Joves ang dalawang gintong medalya sa 50m backstroke at 100m backstroke at isang bronze sa 200m backstroke. Nakatanggap naman si Charize Esmero ng ginto sa 200m backstroke, silver sa 200m butterfly, at dalawang bronze sa 800m freestyle at 400m individual medley. Habang nakakuha naman si Drew Magbag para sa boys individuals ng tatlong bronze sa 200m individual medley, 100m breaststroke, at 200m backstroke.

Sa relays, nakamit nina Suzy Uy, Mary Llorente, Luan Silvestre, at Mae Rodgers ang ginto sa 4x100 medley. Samantala ang ang relay team naman nina Llorente, Rodgers, Uy, at Jasmine Esguerra ay nakakuha ng silver sa 4x100 freestyle relay. Para sa boys relay, nasungkit nina Glenn Anicoche, Daniel Directo, David De Layola, at Ernest Arceo ang silver sa 4x100 freestyle relay at silver sa 4x100 medley ang relay team nina Ryan Dimayuga, Daniel Directo, Aquila Esmeralda, at Ernest Arceo ay nakakuha ng silver sa 4x100 medley.

Hindi nakalaro ang team captain ng swimming team na si Juneau Villanueva dahil sa dengue ngunit nagpakita naman siya ng taos-pusong pagsuporta sa team sa pagbisita niya noong mga huling araw ng kompetisyon. Ayon sa kanya, malaki ang kanyang panghihinayang sa hindi niya pagsali sa kompetisyon dahil sa pagkakasakit. Gayunpama’y masaya siya bilang team captain sapagkat mas maraming naiuwing medalya ngayong taon, kumpara sa nakaraang taon. / nina Jesica Caneca at Jenn Elona

Feeture: DJ Law

Isang napakatalentadong DJ ang kasalukuyang sumisikat sa UPIS. Mayroon siyang kakayahang malaman ang mga sikat at bagong kanta at patugtugin ito tuwing mayroong mga programa sa UPIS. Sa tulong ng kanyang DJ skills, nagagawa niyang mapasigla ang mga mag-aaral ng UPIS bago magsimula ang mga programa sa paaralan.

Sino nga ba ang taong ito na responsable sa pagbibigay-sigla sa mga estudyante ng UPIS? Sino nga ba siya na may kaakayahang maging mala-disco ang Auditorium?

Itago natin siya sa pangalang DJ Law.

Sa unang tingin, simple lamang ang ating DJ. Araw-araw, suot niya ang kanyang uniporme—itim na t-shirt at kulay beige na pantalon. Madali lamang siyang hanapin. Karamihan ng kanyang oras ay nauubos sa kanyang pamamalagi sa ikaapat na palapag ng ating gusali. Walang nakakaalam kung ano ang ginagawa niya roon pero ipagpalagay na natin na may ginagawa siya.

“Naku, hindi gumagana ang TV! Pakitawag nga si DJ Law!” Ganyan ang madalas na maririnig mula sa mga nangunguna at die-hard fans niyang guro. Ito ay dahil hindi lamang sa Dj skills kilala ang minamahal natin na si DJ Law. Nandidiyan rin siya upang mag-ayos ng technical problems sa tuwing nasisira ang ating kagamitan.

“Kahit hindi ko pa naririnig ang kanyang boses, bilib ako sa kanyang DJ skills at sa dahilang siya lamang ang may kakayahang mag-ayos ng mga kagamitan, at wala nang iba pa,” sabi ng isang estudyante sa Grade 10.

“Gustong-gusto ko ‘yung favorite remix niya na ‘I knew I love you before I met you tugs tugs tss tugs tugs tss’,” sabi ng isang estudyante sa Grado 9.

“Tsaka yung ‘Tenten-tentenenten-tenten tenten-tentenenten-tenten tententen-tenentenen-tenten DING DIIING’!!!” sabat naman ng kaibigan niya.

Talagang maraming nakakabilib na talent ang ating nag-iisang DJ Law. Kaya, sa susunod na programang pampaaralan, sana’y maaalala mo si DJ Law, ang napakasipag at poging-poging si DJ Law nalaging nariyan para bigyan ng himig at musika ang buhay nating lahat. / nina Jennifer Elona at Katreena Nulud

Izportz: KaLAUANg, waging wagi sa Ultimate Interclass 2014 Day 1

Inararo ng kaLAUANg ang Acacia 69 at Momol Ave sa unang araw ng Ultimate Interclass 2014.

Lumamang agad ng malaki, 6-0, ang koponan ng kaLAUANg sa pangunguna nina Daniel Viliran at MVP-for-a-day Ainsley Magluyan. Hindi naman nagpahuli ang Acacia 69 sa tulong ng paghahabol ng kanilang all-star varsity players na sina Rafael De Peralta at Carlo “Pogi” Gaco. Ngunit nanalo pa rin sa unang laro ang kaLAUANg, 8-4.

Sa ikalawang laro, binalewala ang unang dalawang puntos ng Momol Ave laban sa Acacia 69 sapagkat bigla na lamang naglaho si Ma’am Deciniv dela Cruz, referee ng paligsahan. Muling sinimulan ito nang makabalik na ang official.

Unang nakapuntos ang Acacia 69 dahil kay Greg “Skeleton” Octa at lamang sila sa halftime sa iskor na 4-2. Bumawi naman ang Momol Ave sa huling labinlimang minuto dahil sa poging-poging laro nina Angel Lopez at Burt Madrigal na nanguna sa kanilang 7-0 run. Nagwagi ang Momol Ave sa iskor na 10-6.

Sa huling laro, ginamit ng kaLAUANg ang matinding opensa at galing sa pagpasa upang paulanan ng sunod-sunod na puntos ang Momol Ave sa unang kalahati ng laban kung saan lumamang sila sa iskor na 4-2. Hindi naman nagpahuli ang Momol Ave at tinapatan ang kalaban ng matinding depensa para mag-overtime sa score na 5-all.

Ngunit lumabas muli ang pagka-powerhouse ng kaLAUANg sa limang minutong overtime kaya sila pa rin ang nagwagi sa iskor na 7-5.

Tapos na rin ang Day 2 ng Ultimate Interclass ngunit walang naisulat na balita tungkol doon. Hindi pa tapos ang Day 3 pero baka hindi na rin mabalita. / nina Jenn Elona at Juneau Villanueva

Feature: TriNorma sa Elem, Now Open

Simula nang lumipat ang UPIS sa bago nitong tahanan, marami na ang naging pagbabago. Isa na rito ang pagkwala ni Aling Norms sa piling ng mga high school students. Ang nag-iisang si Aling Norms. Kilala siya bilang isang nanay o lola sa paaralan at nagtitinda ng mga abot kayang bilihin. Ang siomai, graham balls, Stick-O, at mani na talaga naman pantawid gutom ng mga estudyante. Sa pagkawalay ni Aling Norms sa mga high school students, ang totoo, di niya mapigilang maulila sa mga ito.

“Masaya doon!” ang komento ni Aling Norms sa kanyang naging karanasan kasama ang mga high school students sa kanyang dating pwesto sa Pagoda.

Naninibago pa rin daw siya sa mga Elem dahil rin sa kanyang bagong pwesto pati na rin sa pakikitungo ng mga bata sa kanya. Mas magulo daw doon kumpara sa high school pero mayroon din namang mga batang nagmamano sa kanya sa tuwing mapapadaaan ang mga ito sa kanyang pwesto o kaya naman ay bago bumili sa kanya. Naging bago man ang pakiramdam ni Aling Norms sa bago nitong lugar, kalaunan ay nakapag-adjust na naman siya at naging palagay na ang kanyang loob sa bagong kapaligiran ng Elem.

Kung bibigyan siya ng pagkakataong magapalit ng trabaho, hindi niya pa rin pipipliing palitan ang kanyang kasalukuyang hanapbuhay dahil dito na raw siya tumanda at hangga’t hindi pa siya nagsasawa ay ipagpapatuloy niya ang gawaing ito.

“Hindi mabibili ng ginto’t pilak ang pagsasamahan.” Ito ang dahilang ibinigay niya kung bakit hinid niya ipagpapalit ang kanyang hanapbuhay at napakahirap din sa kanyang iwan ang mga batang napamahal sa kanya.

Pagmamalasakit, pagmamahal, at magandang samahan ang ilang dahilan kung bakit siya naging malapit at nananatiling malapit sa mga estudyante, na itinuturing din niyang mga anak at apo.

Sa tinagal tagal ng panahon, naging parte na ng kultura at kasaysayan ng UPIS si Aling Norms kaya saanman siya mapuntam mananatili siya sa ating mga puso. Magdaan man ang maraming bagyo, si Aling Norms ay nag-iisa lamang. / ni Noelle Lumbre, sa ulat nina Jenn Elona, Trisha Serrano, at Jediael Neri

Talino at Talento, ibinida sa naganap na Buwan ng Wika at Kasaysayan 2014

Nagtagisan ng isip at nagpakita ng talento ang mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grado10 sa iba’t ibang paligsahan bilang bahagi ng selebrasyon ng Buwan ng Wika at Kasaysayan 2014.

Ang mga nagwagi sa Rampa 7-10.
Photo credit: Anna Punzalan
Pormal na binuksan ng Grado 3-6 at 7-10 ang Buwan ng Wika at Kasaysayan noong Agosto 26. Nagkaroon ng paligsahan sa pagrampa ang mga mag-aaral, Tagis-Talino, at paligsahan sa bawat grado. Nanalo ang 3-Batis sa kanilang Panabayang Bigkas, ang 4-Labanos sa kanilang Interpretatibong Sayaw, ang 5-Arayat sa Sayaw Filipiniana, at 6-Topaz sa Sayawit.

Noong ika-26 naman ng Agosto, inirampa ng dalawampu't apat na kalahok mula sa iba't ibang seksyon ang napili nilang karakter batay sa ibinigay na tema ng Departamento ng AralingPanlipunan. Nakatuon sa mga pagdiriwang sa Pilipinas ang para sa Grado 7 at 8. Samantalang sumentro naman sa sining ng mga Pilipino ang para Grado 9 at 10.

Nanalo sina Aldrin Baysa at Allysa Sapatua ng 7-Venus (Masskara Festival), King Vergeire at Dana Luna ng 8-Beetle (Pista ng Itim na Nazareno), Juan Miguel Panti at Arianne Baladad ng 9-Silver (Oblation at Lorna), at Carlo Gaco at Jesica Cañeca ng 10-Acacia (Batuk).

Para sa Rampa ng grado 3-6, nanalo sina Andrei Nicolas Pablico at Zsarina Timbreza ng 3-Batis, Christian Babaran at Erielle Arceo ng 4-Singkamas, Dayvee Christian Montalbo at Hariette Eve Gonzales ng 5-Cordillera, at Danzar Dellomas at Rain Fagela ng 6-Topaz.

Nagtagisan naman ng talino ang anim na team sa naganap naTagis-Talino noong Agosto 29. Bawat kuponan ay binubuo ng mga piling mag-aaral mula sa bawatgrado . Nagwagi ang pangkat nina Alizia Marquez ng 7-Mars, Roy Albert Canapi ng 8-Beetle, Adrian Bornilla ng 9-Silver, at Miguel Valenzuela ng 10-Acacia.

Para naman sa 3-6, nanalo ang pangkat nina ZsarinaTimbreza ng 3-Batis, Marius Nalica ng 4-Labanos, Angelica Gaega ng 5-Cordillera, at Arwen Panopio ng 6-Ruby.

Ang mga nagwagi sa mga paligsahan ng klase sa 7-10.
Photo Credits: Milcah Aragones (Gr 7), Telet De Sales (Gr 8),
Lyka Lubang (Gr 9 at 10)
Ginanap naman noong ika-10 ng Setymebre ang paligsahan sa pagitan ng mga seksyon mula Grado 7 at 8. Naunang nagpakitang gilas ang Grado 8 sa kanilang Interpretatibong Sayaw. Binigyang buhay nila ang awiting "Sige Lang" ng Quest. Nagkamit ng unang gantimpala ang 8-Butterfly.

Sumunod naman ang Chamber Theater ng Grado 7. Isinadula nila “Ang Gamo-Gamong Naakit sa Liwanag” ni Rene O. Villanueva. Nakuha ng 7-Venus ang unang gantimpala.

Bilang pang wakas na programa, bumida ang Grado 9 noong Ika-12 ng Setyembre sa kanilang patimpalak sa Sayaw at TugtugingEtniko. Nagkamit ng unang gantimpala ang 9-Gold, ikalawang gantimpala para sa 9-Silver, at ikatlong gantimpala para sa 9-Iron.

Huling humataw sa parehong petsa ang Grado 10 sa kanilang paligsahan sa Sayawit. Nasungkit ng 10-Molave ang unang gantimpala, ikalawang gantimpala naman ang 10-Lauan, at ikatlong gantimpala para sa 10-Acacia.

Maliban sa mga nabanggit na gawain nagkaroon din ng Poster-Making Contest at Minute-to-Win-it Challenge ang mga estudyante sa pangunguna ng Kilusang Araling Panlipunan at Sangguniang Pangwika. / ni Jenn Elona, sa ulat nina Rielle Ruiz, Travis Argayosa, Wren Breva, Jesica Cañeca, at Anna Punzalan

Mga CCTV, gumagana na

Labindalawang CCTV cameras ang kasalukuyang nakakabit sa UPIS 7-10 Building at nagsimula nang gumana noong Hulyo 9, 2014.
Photo Credit: Jenn Elona

Ayon kay G. Aldous Cañeta, Administrative at Supply officer ng UPIS, ipinakabit ang mga CCTV para sa seguridad ng mga estudyante particular na sa 3rd at 4th floor. Sa ngayon, mayroong tig-dalawang unit ng CCTV sa 1st at 2nd floor at tig-apat naman sa 3rd at 4th floor. Ang lahat ng footages na nakakalap ay makikita sa Administrave Office.

Nagkakahalaga ang proyektong ito ng Php142,892 kasama na ang mga bullet cameras, DVR, AVR, at LCD ng bawat device na pinondohan ng UP Trust Fund.

Ang Faire Technologies Inc. ang kinuhang supplier ng UPIS para sa mga CCTV. / nina Jenn Elona at Don Oriel

UPIS Student Leaders, opisyal na itinalaga

Nanumpa sa katungkulan ang mga student leaders para sa akademikong taong 2014-2015 noong Hulyo 8, Martes, oras ng flag ceremony.

Pinangunahan ng Kamag-Aral 7-10 ang panunumpa na kinabibilangan ng mga Pangulo, Pangalawang Pangulo, Kalihim, Ingat-yaman, Tagasuri, Tagapamahala, Tagapamahayag, at mga Tagapamayapa mula sa iba’t ibang klase, YLOs, clubs at organizations.

Binati ni Dr. Ronaldo M. San Jose ang mga bagong talaga na lider. Pinaalalahanan din niya ang bawat mag-aaral na pangalagaan ang pasilidad ng paaralan partikular na ang mga newly-installed CCTV cameras at mga emergency alarm.

Ayon sa kanya, inaasahan ang bawat estudyante na maging responsable sa paggamit pasilidad at iba pang kagamitan sa paaralan bilang mga estudyante ng UPIS.

Ang oath-taking na ito ay nagsilbing paghahanda para sa gaganaping Leadership Camp sa darating na Hulyo 18-19, 2014. / ni Jenn Elona