Showing posts with label sipilyo. Show all posts

Literary: Portable Bahay




Madalang tayo kung gumala
Pero kung tayo man ay maglagalag
Aba’y bonggang-bongga,
Buong bahay ba naman ang dala-dala!

Kumpleto tayo sa gamit
Pre-installed na ang kusina,
apoy na lang ang kulang
Malawak ang banyo,
tubig na lang ang kulang
Convertible ang higaan,
ano pa nga ba ang kulang?

Para tayong NPA,
‘Di mapirme sa iisang address.
Pero para sa’n pa’t tinubuan ng gulong ang bahay
Kung ‘di rin gagamitin?
Kung ‘di rin gagamitin,
Bubulabugin tayo ng awtoridad kung paparada’t mamamahinga
Dahil ba wala tayong lisensya at plaka?
Dahil ba hindi kagandahan itong ating four-wheeler?
Dahil ba ginagamit ito bilang get-away vehicle?

Ang bahay nating walang kanto,
Ang yari sa pinagtagpi-tagping kardbord nating bahay,
Sa loob nitong limang dangkal na pagitan ng kisame at papag,
Narito ang puso nating mag-anak.

Mawala man ang ating portable bahay,
Kayo pa rin ang aking tahanan.

—John Fidelity Magsanok, IV-Diamond, San Vicente Elementary School, Batch 2001, undergraduate

Disclaimer: Ang mga karakter, pangyayari, at lugar sa tula ay pawang mga kathang-isip lamang. Ang anumang pagkakahawig ng mga karakter, pangyayari, at lugar sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya.

Literary: Maliliit na Bagay






6:10 ng umaga na nang magising ang binata,
Huli na naman ang gising nang sampung minuto.
“’Sus maliit na bagay, sampung minuto lang naman.”

Saktong isang oras ay nakarating ng eskuwelahan ang binata
Siya’y huli nang sampung minuto’t napagsarhan na ng tarangkahan.
“’Sus maliit na bagay, ngayon lang naman ulit ako na-late. Uwi na lang ako.”

“Boy, piso mo, nalaglag,” tawag sa kaniya ng guwardiya ng paaralan
Hindi pinansin ng binata ang mama at nagpatuloy sa paglalakad.
“’Sus maliit na bagay, piso lang naman. Sa inyo na ‘yan.”

Pumila sa sakayan ng dyip ang binata
May mga pulis siyang natanaw, may hinahanap na tumakas na adik.
“’Sus maliit na bagay, small-time adik lang naman.”

Magbabayad na ng pamasahe sa barker nang siya’y mapakamot sa ulo
Kulang ng piso ang pamasahe niya!
“’Sus maliit na bagay, maglalakad na lang ako, tutal malapit lang ang bahay.”

Sa isang madilim na eskinita ay may lalaking tumatakbo
‘Yun ay ang adik at hinostage pa nito ang binata at napatay nang magipit.
“’Sus maliit na bagay, ang importante, napatay ang adik,” sabi ng mga pulis.

Literary: Everything Happens for a Reason





Noong ako’y bata, madalas akong pumupunta sa bahay ng aking pinsan. Doon, nakikipaglaro kami kay Tito. Mapa-pogs, kotse-kotsehan, at iba pang maisipan naming gawin sa loob ng kanilang bahay ay game na game si Tito at ang pinsan ko. Di nila ako iniiwang mag-isa roon sa bahay nila.

Nasa kabilang kalye lang namin ang bahay nila pero kailangan pa munang dumaan sa isang eskinitang pagkakitid-kitid bago makapunta doon.

At doon sa mismong eskinita na ‘yun ay may isang asong askal ang nakatali, palaging nakalabas ang pangil nito at bumubula ang laway sa bibig, lahat na yata ng mga dumadaan ay tinatahulan, mapa-tanod, magtataho, mayor na nangangampanya, wala itong sinasanto.

Tuwing nasa labas ang aso, di ako makatuloy sa bahay ng aking pinsan dahil natatakot ako sa posibilidad na mapatid ang kadena nito at masakmal ako.

Lingguhan kung ipasok ang aso sa bahay ng kanyang amo. Ilalabas ito nang Lunes at ipapasok lamang pagdating ng Linggo kung kailan nandoon lamang ang kanyang amo.

Isang Linggo nang umaga, inaasahan kong wala ang aso. Pero nandoon iyon, malayo pa lang, tinatahulan na ako. Mukhang di pa dumadating ang amo, masyado pang maaga siguro.

Di na lang ako tumuloy kina Tito at nagpalipas na lamang ng oras sa panonood ng TV sa bahay namin.

Kinahapunan ng araw na ‘yun mismo, may kumalat na balita, usap-usapan sa bawat sulok ng aming barangay. Nagkaroon daw ng gulo malapit sa bahay ng aking pinsan. May nag-amok na lasing at nasaksak ang umaawat sa kanya. Ito ay ang tito na di kalaunan ay namatay bago pa man maisugod sa ospital.

Sinabi ng aking mga magulang na masuwerte ako noon dahil di ako tumuloy at di na nadamay pa. Ang laki ng pasasalamat nila sa aso at sa amo nito.

Pero ngayong ako ay matanda na, naisip ko, paano kung wala ang aso sa daanan noong araw na iyon?

Siguro ay buhay pa si Tito, ano?

Dahil malamang, kung ako ay nandoon lamang sa bahay nila, nasa loob si Tito at abalang nakikipaglaro sa amin ni ‘insan. Hindi na sana siya lumabas pa para mang-awat ng lasing. Di na sana pa nasaksak si Tito.

“Everything happens for a reason” pa rin nga ba?

Literary: Metro Beauty Queen





Ang tamis ng iyong ngiti’y umaakit ng mga bubuyog,
Ang liwanag ng iyong ganda’y bumibighani ng mga gamugamo,
Ang pungay ng iyong mga mata ay muling tinatawag ang umaga,
Ang kinang ng iyong buhok ay hinihigitan ang sa diyamante.

Alam kong tirik ang araw sa kinatatayuan mong kalsada,
Pero naroon ka’t ‘di inaalintana ang tagaktak ng pawis.
Kembot sa kaliwa, kembot sa kanan, yugyog dito, yugyog doon,
Masaya kang hawak-hawak ang iyong mahabang baton na parang isang mang-aawit.

Tumatamis ang iyong ngiti habang nakikinig sa maliit mong radyo,
Lumiliwanag ang iyong ganda sa kislap ng mga butil ng pawis sa iyong mukha,
Mapupungay ang iyong mga matang tila inaantok at gusto nang bumalik sa pagtulog,
Kumikinang ang iyong buhok na nagsisilbing tanging panangga sa init ng tirik na araw.

‘Di pansin ang may pandidiring tingin ng mga taong nagdaraanan sa mga inipon mong kalat,
Keri lang ang nangangamoy alimuom mo nang uniporme.
Para sa aleng aking araw-araw na nakakasalubong na nagwawalis,
Ikaw ang beauty queen ng Metro.