filipino,

Literary: Everything Happens for a Reason

4/28/2018 08:29:00 PM Media Center 0 Comments





Noong ako’y bata, madalas akong pumupunta sa bahay ng aking pinsan. Doon, nakikipaglaro kami kay Tito. Mapa-pogs, kotse-kotsehan, at iba pang maisipan naming gawin sa loob ng kanilang bahay ay game na game si Tito at ang pinsan ko. Di nila ako iniiwang mag-isa roon sa bahay nila.

Nasa kabilang kalye lang namin ang bahay nila pero kailangan pa munang dumaan sa isang eskinitang pagkakitid-kitid bago makapunta doon.

At doon sa mismong eskinita na ‘yun ay may isang asong askal ang nakatali, palaging nakalabas ang pangil nito at bumubula ang laway sa bibig, lahat na yata ng mga dumadaan ay tinatahulan, mapa-tanod, magtataho, mayor na nangangampanya, wala itong sinasanto.

Tuwing nasa labas ang aso, di ako makatuloy sa bahay ng aking pinsan dahil natatakot ako sa posibilidad na mapatid ang kadena nito at masakmal ako.

Lingguhan kung ipasok ang aso sa bahay ng kanyang amo. Ilalabas ito nang Lunes at ipapasok lamang pagdating ng Linggo kung kailan nandoon lamang ang kanyang amo.

Isang Linggo nang umaga, inaasahan kong wala ang aso. Pero nandoon iyon, malayo pa lang, tinatahulan na ako. Mukhang di pa dumadating ang amo, masyado pang maaga siguro.

Di na lang ako tumuloy kina Tito at nagpalipas na lamang ng oras sa panonood ng TV sa bahay namin.

Kinahapunan ng araw na ‘yun mismo, may kumalat na balita, usap-usapan sa bawat sulok ng aming barangay. Nagkaroon daw ng gulo malapit sa bahay ng aking pinsan. May nag-amok na lasing at nasaksak ang umaawat sa kanya. Ito ay ang tito na di kalaunan ay namatay bago pa man maisugod sa ospital.

Sinabi ng aking mga magulang na masuwerte ako noon dahil di ako tumuloy at di na nadamay pa. Ang laki ng pasasalamat nila sa aso at sa amo nito.

Pero ngayong ako ay matanda na, naisip ko, paano kung wala ang aso sa daanan noong araw na iyon?

Siguro ay buhay pa si Tito, ano?

Dahil malamang, kung ako ay nandoon lamang sa bahay nila, nasa loob si Tito at abalang nakikipaglaro sa amin ni ‘insan. Hindi na sana siya lumabas pa para mang-awat ng lasing. Di na sana pa nasaksak si Tito.

“Everything happens for a reason” pa rin nga ba?

You Might Also Like

0 comments: