arrow,

Literary: Litong Tanong x Siguradong Sagot

4/23/2018 07:53:00 PM Media Center 0 Comments




Litong Tanong


Marami akong gustong sabihin
Pero idinadaan ko sa tawa
Mga salitang ayaw bigyang-pansin
Nangangambang ika’y manawa

Hindi kailan man dumapo sa isip
Sa akin, puso’y ibibigay
Hanggang ngayon ay parang panaginip
Na puno ng di kilalang kulay

Bakit ngayon lang?
Ang una kong tanong
Kung kailan di na ako ilang
Sa iyong pakuwela’t pabulong

Sigurado ka ba
Sa kuwentong gusto mong buuin?
Ako bilang iyong kasama
Sa lahat ng likong tatahakin?

Siguro ayoko ng emosyon
Pambihira, kung iisipin
Hanggang ngayon walang kumpirmasyon
Kung ano ang sigaw ng damdamin

Sana’y maunawan ang aking mga kilos
Kung ikaw man ay naguguluhan
Maiintindihan kung pasensya’y maubos
Dahil alam kong alam mo na takot akong masaktan

Kilala mo na siguro kung sino ako
Sa tagal na ng ating nilakbay
Kaya ang huli kong tanong sa iyo
Kaya mo bang maghintay?


Siguradong Sagot

Marami ka pang hindi sinasabi
Na iyong dinadaan sa mga tawa
Kaya’t ako’y mananatili
Hanggang sa ika’y makasama

Kung ito’y isang panaginip
Na puno ng di kilalang kulay
Aking ipakikilala sa ‘yong isip
Ang ganda na kanilang taglay

Mahirap mang isipin
Na tila di tayo pinagtagpo
Ngunit maaari naman nating tahakin
Ang panibagong liko, ikaw at ako

Hindi ba’t sinabi ko sa ‘yo
Na marahan kong kakatukin
Ang iyong natutulog na puso
At maghihintay na iyong papasukin

Hindi ko naman hinihingi
Na agaran mong pagbibigyan
Kaya ‘wag ka sanang magmadali
Sa pagsigurado ng ‘yong nararamdaman

Hindi ako naguguluhan
Sa ‘yong mga pigil na pagkilos
Dahil aking nauunawaan
Na ayaw mo lang magpadalos-dalos

Sa layo na ng ating nalakbay
Ang sagot ko’y marahil alam mo na
Kahit gaano katagal ako’y maghihintay
Dahil sa puso ko, ika’y nag-iisa

You Might Also Like

0 comments: