feature,

Feature: Bakit BennyBunnyBand?

4/20/2018 08:31:00 PM Media Center 0 Comments


KUNEHO ROCK. Kuwelang naka-pose ang mga miyembro ng BennyBunnyBand na sina (mula kaliwa) Jhenico, Benny, at Ess. Photo source: BennyBunnyBand’s Facebook page


Alas-nuwebe na ng gabi at katatapos ko lang noong kumain ng hapunan. Nasa UP Fair 2018 kami ng aking mga kaibigan at nakaupo sa may damuhan, kasama ng ibang mga nanonood, nakikinig sa samu’t saring musika mula sa entablado. Di naman importante na makalapit kami dahil nakikita naman namin ang mga nagtatanghal mula sa malaking screen.

Pero noong sinabi na ng host ang susunod na kakanta, sinabi ng isa kong kaibigan, “’Uy, lapit tayo.” Tinanong ko kung bakit. “Wala lang. Parang interesting, e. At saka ang cute ng name nila: BennyBunnyBand,” sagot niya. Lumapit naman kami.

At hindi ako naging handa sa aking nakita.

Itsura pa lang nila ay ibang-iba na kumpara sa ibang banda. Nakasuot sila ng costume, mga jersey na katulad ng kay Bugs Bunny sa pelikulang Space Jam, at naka-knee pads ang kanilang frontman. Naintindihan ko lang ang gamit noon nang magsimula na silang kumanta. Parang sinapian ng kung anong espiritu ang bokalista at naglulundag at naglupasay siya sa harap kasama ng kanyang ukulele. Hindi ko alam kung paano niya kinaya ang pagkanta at pagtalon at pagtugtog sa kanyang instrumento nang sabay-sabay. Bibo rin ang kanyang dalawang kabanda at nakikiindak sa sarili nilang tono.

Sobrang natuwa kami ng aking mga kasama sa kanila. BennyBunnyBand. Tumatak.

Kaya noong sumunod na araw ay hinanap ko agad sila sa internet.

Ang bandang ito ay binubuo ng bokalista at ukulele player na si Benny Giron, basistang si Ess Bobadilla, at drummer na si Jhenico dela Cruz. Nabuo ang line-up na ito ng banda noong Disyembre 2014 at nagsimula na silang kumatha ng kanilang sariling musika at magtanghal simula noon. Natuto silang gumawa ng musika through trial and error. Si Benny ay natutong maggitara mula sa mga kaibigan at kalaunang lumipat sa pag-uukulele. Si Ess naman ay nagpa-tutor ng bass sampung taon nang nakararaan at nag-self study na. Si Jhen naman ay lumaki sa pamilya ng mga musikero.

Sa kabila ng pagiging parte ng isang banda, nagtatrabaho pa rin silang tatlo. Isang government employee si Benny, electronics engineer si Jhen, at isang freelance graphic artist naman si Ess.

Pero, ano nga bang meron sa BennyBunnyBand at dapat niyo rin silang pakinggan?

Bago
Kuneho Rock. ‘Yan ang tawag nila sa genre ng kanilang musika. Pero bakit? Ayon sa banda, mahirap daw i-categorize ‘yung tugtugan nila at para hindi na sila maubusan ng brain cells sa pag-iisip sa kung saang genre sila nabibilang, Kuneho Rock na lang.

Ang kuya ng bokalistang si Benny ang may pakana kung bakit kuneho dahil siya ang nagbigay ng pangalan na BennyBunnyBand. “Hyper ang kuneho. Over the years naging connected na siya dahil sa pagiging malikot sa stage ni Benny at pagiging masaya ng karamihan ng mga kanta namin,” pahayag ng banda.

Iba-iba ang laman at istilo ng kanilang mga kanta. Tulad na lang ng mga nakakakilig at nakakatuwang linyahan ng Ikaw Na! (Ang Anghel, Bow), ang nakakalungkot na mga kataga ng P.S. Laarni, at ang di matatawarang relatability ng kantang Forchicken Song No. Less Than 3: Ligaya, Bida ang Saya. Marami nang banda ang nagsulat tungkol sa pag-ibig at pagkasawi pero sila lang ang kilala kong bandang nakapagsulat ng kantang tungkol sa paboritong manok ng sambayanan.

Nang sila’y aking tanungin kung ano ang inspirayon sa kanilang musika, sinabi nilang ang mga sariling karanasan sa buhay at obserbasyon sa iba’t ibang tao. “Life itself kumbaga,” anila. “For example, ang Dear Laarni ay isang letter talaga ni Benny para kay Laarni years ago. Ang I'm Coming naman, tungkol sa long distance relationship pero ang naging matinding inspirasyon dito ay ang kanyang mga magulang, OFW ang tatay niya. Lahat ng kanta namin, may pinaghuhugutang real world experience or observation.”

Buhay
Sa bawat live performance ng banda, asahan mo nang magsusuot sila ng kanilang makukulay na costume at mabubuhayan ang madla sa kanilang musika. Kahit ano pa mang suot ng bokalistang si Benny, siguradong sasakupin ng kanyang ligalig ang buong entablado. Hindi rin naman maipagkakaila ang pagkabibo ng drummer na si Jhenico o mas kilala ng kanyang fans bilang Jhenico Pogi at ng basistang si Ess kahit na siya ay palaging nakamaskara (na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya sinasabi kung bakit). Noong nakaraang Abril 7 lang ay nagtanghal sila sa A Day With Paraluman sa Laguna at nakabaro’t saya si Benny at nakapusturang makaluma naman sina Ess at Jhenico. Minsan nama’y kahawig nila ang Power Rangers o kaya naman ay nakasuot sila ng mga bunny onesies.

Simula’t sapul, pangarap na nilang maitanghal ang kanilang sariling musika. Mula pa noong hayskul sila at pinapakinggan ang kanilang mga idolo tulad ng Eraserheads, Rivermaya, Grin Department, at Parokya ni Edgar, inasam na nila ang makatayo sa harap ng mga tao at ibigay ang buong puso’t diwa nila sa paggawa ng musika.

Binabalikan
Marami sa mga masugid na tagahanga ng BennyBunnyBand ay unang natiyempuhan lang sila sa pagkaka-shuffle play sa Spotify o Autoplay sa Youtube. Mayroon din namang unang beses lang silang makita sa mga school fair o kaya naman ay mga gig. Basta kahit saan mo sila unang matagpuan, mag-iiwan at mag-iiwan ng impresyon ang bandang ito dahil sa buong puso nilang dedikasyon sa kanilang mga pagtatanghal. Kahit kasi sila ay may day jobs, pagdating ng kanilang gigs, walang palya ang kanilang enerhiya at tatagos sa iyo bilang manonood at tagapakinig ang kanilang pagmamahal sa musika.

“Maghanap ng trabaho at tumugtog lang. Maging praktikal tayo. Almost wala kang kikitain sa pagtugtog pero worth it. Just make sure na may pera ka para mag-survive, basics kumbaga. At ‘wag susuko, tuloy lang ang laban para sa pangarap,” wika ng banda.

Kaya naman pakinggan niyo na sila! Hindi kayo magsisisi dahil maganda na ang musika, kuwela pa! Hindi pa matatawaran ang kanilang pagmamahal hindi lang sa musika kundi pati na rin sa kanilang mga tagahanga.

Inaasahan na ngayong taon lalabas ang kanilang pangalawang album, sunod sa Nagma(ma)hal na lumabas noong 2015 na nagsilbing kanilang EP album.

Matatagpuan ang BennyBunnyBand sa Spotify, Youtube, Facebook, Twitter, at Instagram.//ni Wenona Catubig

You Might Also Like

0 comments: