Showing posts with label pedestrian. Show all posts

Literary (Submission): Pagkatha ng Isang Obra Maestra





Una, mahalin mo siya

at hayaang masugatan ang puso
hanggang sa ito’y madurog
at magdugo hanggang sa
mag-iwan ito
ng mga
marka

Tapos, pakinggan mo sila

at patuluyin ang pagdududa sa isipan
hanggang sa ang iyong tenga
ay mabingi sa mga
kasinungalingan
at mga maling
salita

Sunod ay balikan ang dati

at hayaang mapagod ang mga paa
hanggang sa ito’y kusang tumigil
dahil sa pagod sa patuloy
na pagtakas sa mapait
na nakaraang
puno ng luha

At harapin ang pinagsisisihan

at patuluyin ang takot sa iyong loob
hanggang ang lahat ay muling
panghinayangan at ang
tanging matitira ay
ang himig ng
katahimikan

Panghuli
Kunin ang iyong pinsel
Hayaang ang mga markang ito
Ay makabuo ng mga guhit

Umupo sa tapat ng makinilya
Hayaang ang mga salitang ito
Ay maging tugma ng iyong tula

Mag-ensayo ng mga linya
Hayaang ang mga luhang ito
Ay maramdaman sa dula

Hawakan ang gitara
Hayaang ang katahimikang ito
Ay tugtugin ang iyong kanta

Dahil ang tunay na kailangan
Sa pagggawa ng obra
Ay ang
Pagmamahal at ang katumbas nitong mga luha
Pagiging totoo at ang katumbas nitong panghuhusga
Paglaban at ang katumbas nitong kabiguan
Pagiging malaya at ang katumbas nitong pagkakamali

Dahil sa likod ng bawat magandang likha
Ay isang mas makabuluhang istorya

Literary (Submission): Tanging Dahilan





Sa gabing nagpaalam ka
Kasabay mong ipinangakong mananatili ang pagkakaibigan
Nakakatawang isipin na kung kailan ka nagpaalam
Doon ka lang din mangangailangan

Tanda ko pang ipinangako mo na kahit lalayo ka na
Ako pa rin ang iyong bituin
Ilaw sa madilim na daan
Gabay sa tuwing naliligaw sa karagatan
Tanging kasama ng buwan

Ipinangako mong kahit na mawawala na ako
Ako pa rin ang paborito mong panaginip
Ang babalik-balikang kathang-isip
Alaalang matagal mawala sa iyong isip
Katabi mo sa iyong pag-idlip

Ipinangako mong kahit kailangan mo nang burahin
Ako pa rin ang iyong mga tula
Pinakamatatamis na parirala
Pinakamatatalinghagang salita
Ang mga kinabisado mong tugma

Ngunit sa parehong gabing ipinangako mo ang mga ito
Nawala na ang aking ningning
Nagbago na ang aking halaga
Naubos na ang aking mga salita

Dahil matagal mo na akong tala
Hinahanap lamang kapag mag-isa

Dahil matagal mo na akong panaginip
Aalalahanin lang upang patigilin ang pagluha

Dahil matagal mo na akong tula
Babasahin lamang kapag wala nang makitang iba

Sa parehong gabing tinapos mo ang lahat
Alam ko ring masakit kung mananatili pa
Ngunit
Alam kong mas masakit kung ako'y bibitaw na

Dahil sa natatanging dahilan:
Na ikaw rin ang aking bituin sa gabi
Na ikaw rin ang patuloy na nasa likod ng aking mga pikit na mata
Na ikaw rin ang pinakapaborito kong mga salita
Na mahal pa rin kita

Literary (Submission): Wala





May mga bagay na araw-araw kong ginagawa.

Lagi akong umiinom ng kape sa umaga.
Lagi akong nagbabasa ng libro sa silid-aklatan tuwing tanghali.
Lagi akong nakikinig ng musika bago matulog sa gabi.

May mga bagay na lagi ko ring inaabangan sa bawat araw na magdaan.

Inaabangan ko
ang pagsikat ng araw sa umaga,
ang pagpatak ng alas-dose ng tanghali,
ang pagliwanag ng mga tala sa dilim ng gabi.

Araw-araw kong ginagawa dahil siguro'y nasanay na ako sa mga salitang lagi ko na ring naririnig at sa paulit-ulit kong tugon sa mga ito.

"Okay ka lang ba?" Oo.
"Kaya mo ‘yan!" Ako pa ba?
"Nasa isip mo lang ‘yan." Baka nga.

Mga tugon na puro kasinungalingan.

Sa bawat tanong ng "Okay ka lang ba?" ay ang pag-asang sa bawat darating na umaga ay makikita ko rin ang liwanag. Ngunit ang tanging mayroon lang ay ang pait na dala ng kape at ng aking nakaraan na patuloy kong naaalala.

Sa bawat pag-udyok ng "Kaya mo ‘yan!" ay ang hiling na sa pagsapit ng tanghali ay may makakaalala na minsan nila akong pinagkatiwalaan. Ngunit ang tanging mayroon lang ay ang paulit-ulit kong pagbabasa ng iisang libro dahil sa pangungulila sa mga alaala noong kasama ko pa kayo.

Sa bawat pagtatakang "Nasa isip mo lang ‘yan" ay ang pagtitiwala na bibigyan pa ako ng himig ng mga bituin ng lakas upang maniwalang matatapos din ito. Ngunit ang tanging mayroon lang ay ang sigaw ng katahimikan na ang tanging sinasabi ay “Pagod na ako.”

Dahil ito ang totoo.

"Okay ka lang ba?" Matagal nang hindi.
"Kaya mo ‘yan!" Paano kung hindi na?
"Nasa isip mo lang ‘yan." Sana nga.

Pagod na akong maging malungkot.
Pagod na akong maiwang mag-isa.
Pagod na akong mapagod.

Pagod na akong magsinungaling.

Pagod na ako, pero sa araw-araw na dumaraan,
Mayroon bang nakakaalam ng aking tunay na nararamdaman?

Literary (Submission): Kathang-Isip




Maraming tanong ang naglalaro sa aking isipan. Alam kong may sagot ang mga ito pero hanggang ngayon, patuloy ko pa rin silang hinahanap.

"Bakit nga ba hindi tumitigil ang alon sa karagatan?"
Dahil patuloy silang naglalakbay hanggang sa makapiling nila ang dalampasigan.

"Bakit nga ba laging may bituin sa gabi?"
Dahil sinasamahan nila ang buwan, kabilugan man nito o hindi, hindi nila ito iniiwan.

"Bakit nga ba dapat may tugma ang mga tula?”
Dahil naniniwala ang mga salita na hindi dapat nag-iisa ang mga parirala.

Ilan lamang iyan sa mga teoryang binubuo ko. Ginawa ko ang mga teoryang ito sa paniniwalang ito ang tunay na mga sagot.

"Bakit nga ba hindi mo ako kayang piliin?"
Dahil kaya kitang mahalin. Gaya ng mga alon, hindi ako titigil sa paghahanap ng mga pinakapuro mong buhangin. Gaya ng mga bituin, hindi kita iiwan, masaya ka man o malungkot, lagi kitang sasamahan. Gaya ng mga salita, naniniwala rin ako na ang “ikaw” at “ako” ay magtutugma balang-araw.

Hindi mo ako kayang piliin, dahil kaya kitang mahalin sa mga pinakamalalim na pagpapakahulugan.
Hindi mo ako kayang piliin, dahil takot kang hindi matupad ang mga teorya ko.

Mali. Binuo ko ang mga ito upang paniwalain ang sarili ko sa mga bagay na hindi naman pala totoo.

"Bakit nga ba patuloy akong naniniwala sa mga kathang-isip kong ito?"
Hindi ko alam. Ewan. Siguro dahil umaasa pa rin ako sa'yo. Pero napapagod na rin ako.

"Kailan kaya ako titigil sa paniniwala sa mga kathang-isip kong ito?"
Kapag natanggap ko na
na ang mga kathang-isip ko
ay hanggang mga teorya lamang

Kapag natanggap ko na
na ang tanging sagot sa mga tanong
ay ang palayain ka