Showing posts with label quatro. Show all posts

Literary (Submission): Salisihan sa Pag-ibig





Sabi nila bagay raw tayo, kaso hindi kita gusto.
Walang wala ka kasi sa crush kong si James Reid.

Sabi nila hindi raw tayo bagay, pero gustong-gusto kita.
Problema lang di ko kasing gwapo nung crush mong si James Reid.

Sabi nila bagay raw tayo, kaso hindi kita gusto.
Naiirita ako sa sobrang ingay mo.
Para bang lagi kang nagpapapansin sa akin.

Sabi nila hindi raw tayo bagay, pero gustong-gusto kita.
Bahala na kung mapagtripan o mapagalitan.
Mag-iingay pa rin ako hangga’t mapansin mo ako.

Sabi nila bagay raw tayo,kaso hindi talaga kita gusto.
Kahit ilang beses pang titigan ang mga mata ko.
Kahit ilang potchi pa ang ibigay mo sa Araw ng mga Puso.
Patawad pero kaibigan lang talaga ang tingin ko sa’yo.

Sabi nila hindi raw tayo bagay, pero gustong-gusto kita.
Aabangan ko pa rin na magkatagpo ating mga mata.
Bibigyan pa rin kita ng potchi kahit ang Valentines ay tapos na.
Gagawin ko pa rin lahat kahit na alam kong sayo’y olats talaga.

Pero mundo’y sadyang mapaglaro.

Sabi nila hindi mo na raw ako gusto, pero gusto na kita.
Pagtingin mo raw ay naibaling na sa iba.
Ako ba’y sinukuan mo na?

Sabi nila gusto mo na raw ako, pero may gusto na akong iba.
Huli na ang lahat nang ako’y iyong napansin na.
Pero ako’y iyong patawarin, puso ko’y may laman ng iba.

Sabi nila hindi mo na raw ako gusto, pero gusto na kita.
Mga ginawa mo’y hinahanap-hanap ko na.
Pagtingin mo’y maibabalik pa ba?
Relasyong higit sa pagkakaibigan ay pwede pala.

Sabi nila gusto mo na raw ako, pero may gusto na akong iba.
Pasensya na’t mga dating ginagawa sayo’y para sakanya na.
Ngunit ipangako mo sa akin ika’y magiging masaya.
Pangako sayo, ako’y nandito lang lagi para suportahan ka.

Tila ba tayo’y pinaglaruan,
Damdamin nati’y di pinagtagpo ng tadhana.

Literary (Submission): Pitik-bulag





Ang larong ito’y para sa dalawa
Para sa mga taong nagbubulag-bulagan sa nadarama ng isa’t isa
Tinatakpan ko ang iyong mga mata nang di mo makita

Ikinukubli pa rin sa’yo, baka di pareho ang nadarama
Baka sa huli ako lang pala ang umaasa
Baka ako lang pala ang umiibig nang mag-isa

Sa isang ‘di inaasahang pagkakataon nahulaan mo ito
At binigkas mong “Gusto mo pala ako”
“Ba’t di mo pa sinabi noon?”

Sabi mo’y may gusto kang dalagita
Umaasa akong ako ang iyong sinisinta
kaso ang babaeng ito’y iba pala

Ang larong ito’y para sa dalawa
May isang di nakikita ang nadarama ng iba
Kaya hihilingin na lang na sana’y sumaya ka,
Kalaro ang iba