cedric creer,
Opinion: No Homework: Yes or No?
Simula noong Agosto 27 ay naging matunog na usapin sa publiko ang panukalang “No Homework Policy.” Ito ay iminungkahi ng mga mambabatas mula sa kamara. Si House Deputy Speaker Evelina Escudero ay isa sa mga unang naghain nito bilang House Bill (HB) No. 3611. Ang pangunahing layunin ay tanggalin ang takdang-aralin bilang “requirement” upang gawin na lang ng mga mag-aaral ng Kinder hanggang Grade 12 ang kanilang pang-akademikong mga gawain sa loob ng paaralan. Ipinagbabawal din ng bill na ito ang pagpapauwi ng mga aklat sa mga estudyante mula Kinder hanggang ika-anim na baitang.
Kasunod naman niya ay inihain din sa kamara ni Quezon City 5th District Representative Alfred Vargas ang HB No. 3883 na naglalayong tanggalin ang takdang-aralin sa katapusan ng linggo sa lahat ng mga estudyante mula elementarya hanggang hayskul. Ang mga gurong lalabag sa bill na ito ay maaaring pagmultahin ng P50,000 at pagkakakulong na aabot hanggang dalawang taon. Pero sa kanyang panayam sa Philippine Star, sinabi niyang ang penalty na ito ay isang technical error lang, dahil ito raw ay para sa isa pang bill na inihahanda ng kanilang opisina.
Sa senado naman ay naghain din ng kaparehong bill si Senator Grace Poe. Ginawa niya ang Senate Bill 966 o ang “No Homework Law” na nagbabawal sa mga guro na magbigay ng takdang-aralin sa katapusan ng linggo. Sinasabi ng bill na “All primary and secondary schools in the country shall not allow teachers to give any network or assignments to students from Kinder to Grade 12 on weekends.”
Dagdag pa ni Poe, mandato raw ng estado na pangalagaan ang kapakanan ng mga guro at mag-aaral. Binanggit din niya ang isang pag-aaral mula sa Organization for Economic Cooperation and Development’s Program for International Student Assessment na nagsasabing ang dagdag na oras na inilalaan sa paggawa ng takdang-aralin ay mayroong masamang epekto sa performance sa klase ng mga estudyante.
Makatwiran.
Ang polisiyang ito ay malugod na sinusuportahan ng Department of Education o DepEd. Ayon sa report ng Rappler, sinasabi ng DepEd na makatutulong ito upang mabalanse ng mga estudyante ang kanilang academic development at personal growth dahil sa pagkakaroon ng mas maraming oras para makasama ang kanilang pamilya.
"Pag-uwi nila, libre na sila, free time nila to be with their parents, with their friends," paliwanag ni DepEd Secretary Leonor Briones.
Ang polisiyang ito ay hindi na bago sa atin. Ayon sa report ng Inquirer, muling ipinaalala ni Briones ang kasalukuyang polisiya ng DepEd. Ayon dito, hindi dapat nagbibigay ng takdang-aralin sa katapusan ng linggo, at inaabisuhan din nila ang mga guro na limitahan ang mga takdang-aralin tuwing weekdays. Sinabi din niya na maglalabas ang DepEd sa lalong madaling panahon ng mas malinaw na guidelines na nag-reregulate sa dami ng takdang-aralin na maaaring ibigay sa mga estudyante.
‘Di makatwiran.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagsuporta ng mga mambabatas at ng DepEd sa panukalang ito, naniniwala ang mga guro na hindi dapat tanggalin ang pagbibigay ng takdang-aralin sa mga mag-aaral. Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition (TDC) national chairperson Benjo Basas sa report ng ABS-CBN News, naniniwala siyang isa itong pambabalewala sa kanilang propesyon at isang insulto sa kanilang mga guro.
Sinuportahan naman ito ni Emmalyn Policarpio, isang guro na tutol din sa panukala. Aniya halos araw-araw siyang nagbibigay ng takdang-aralin sa kanyang mga estudyante dahil naniniwala siyang iyon ang paraan upang talagang matutunan ng mga bata ang kanyang mga itinuturo.
Pinaninindigan pa rin ng TDC na walang masama sa pagbibigay ng takdang-aralin. Marami rin daw itong benipisyo para sa mga mag-aaral at sa mga miyembro ng pamilya. Nakatutulong ang takdang-aralin sa pagsusulong ng quality time sa mga miyembro ng pamilya at napagtitibay din nito ang bonding ng pamilya. Hinihimok din nila ang mga mambabatas na ipaubaya na lang sa mga educators at sa DepEd ang mga bill na kanilang inihain at ang mga bagay tungkol sa pagtuturo.
Kung titingnan, masasabi nating may katwiran naman ang parehong panig. Ipinakita nila na may benipisyo ang pagtanggal sa takdang-aralin habang may benepisyo rin naman ang mga takdang-aralin para sa iba.
Kung ganito lang din naman ang magiging takbo ng isyung ito, mas mabuti pang ikonsulta nila ito sa mga maaapektuhan ng polisiyang ito: ang mga guro, estudyante at ang kanilang pamilya.
Mas mainam na hingin ang panig nila dahil sila ang tuwirang makararanas ng panukalang ito. Sila ang nagtuturo, nag-aaral at nagpapaaral. Kung hindi makukuha ang panig nila, ano pa ang silbi ng bill na ito? Ano pa ang dahilan para ipagpatuloy ang pagsasabatas dito?
Kapakanan ng mga estudyante ang dapat una nilang isaalang-alang. Makatutulong ba ang batas na ito sa mga estudyante o hindi? Ano ba ang magiging epekto nito sa kanila?
Sunod na tingnan ang kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas. Karamihan sa mga pampublikong eskwelahan ay 2 o 3 na ang shifts dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan at guro. Paano maituturo lahat ng aralin sa mga estudyante sa ilang oras ng klase na bunga ng kakulangan sa mga silid at gusali?
Bago gawan ng pasya ang isyung ito ay dapat na matimbang nang mabuti ang panig ng lahat ng apektado. Suriin kung ano ang pinakamainam na paraan upang lahat ay magbenipisyo sa huli. //ni Cedric Creer
0 comments: