Ataim,
Literary (Submission): May dulo nga ba?
Sigurado akong narinig mo na ang katagang “Hanggang sa dulo ng walang hanggan.” Masarap pakinggan at masarap ding bigkasin lalo na kung may halong pagmamahal ang pagsabi, parang may lalim kumbaga. Pero kung iisipin, hindi naman ito malalim at hindi nga din tama, dahil kung walang hanggan, bakit ito may dulo? Oo, alam ko pilosopong tanong pero bakit nga ba?
Kung isasalin ang kataga sa Ingles ito’y “until the end of forever.” Mas weird pakinggan, forever nga may end pa, sa bagay marami namang naniniwala na walang forever, isa na ako roon. Pero ano ba talaga ang ibig sabihin nito? Kung susuriin kasi, kadalasan itong sinasabi pagkatapos ng mga katagang Mamahalin kita… Magsasama tayo… Maghihintay ako… atbp. Sa madaling salita, kadalasan itong ginagamit sa malikhaing paraan, maaring sa kanta, kwento, tula, atbp. Pero sa totoo lang, ibig sabihin talaga ng katagang ito ay walang dulo ang walang hanggan, kaya’t kung sasagutin ito ng patanong “May dulo ba ang walang hanggan?” Ang sagot, wala. Sadyang dinidiin lang talaga ng katagang ito na wala talagang dulo o hangganan. Pero kung ano man ang tunay na kahulugan nito, kayo na siguro ang bahalang humusga, basta’t wala akong intensyon na i-bash ang kung anumang kanta, palabas, tula, atbp. Na may kaugnayan dito, hindi rin ako naghahanap ng away. Sadyang curious lang talaga ako dito na lagi nating sinasabi o naririnig pero di’ naman nating lubos na naiintindihan. Pero isa lang ito sa mga kakaibang kataga na matagal nang bumabagabag sa isip ko, sa susunod siguro subukan kong sagutin ang tanong na “Gaano kadalas ang minsan?”
0 comments: