filipino,
Literary (Submission): Patuloy na pagpikit
Patuloy bumabalot ang lamig ng panahon sa katawan ng lalaki. Mula sa kulay-abong langit ay nagsihulog ang mga luha. Nagsimulang umambon. Ang iisang pumipigil sa lamig na pumasok sa kaniyang katawan ay ang itim na barong na suot niya.
Minadali niya ang paglakad. Plano niyang tumambay sa isang karinderya upang magpalipas ng ulan. Habang naglalakad, pinapagpag niya ang kaniyang itim na barong. Kahit papaano, sinusubukan niyang panatilihing malinis ito.
Sa tabi ng bangketang nilalakaran ng lalaki ay ang batong kalsada ng Lamina, puno ng mga kalesa. Bukod sa iskape ng mga kabayo, minsan ay may maririnig na ungol ng makina ng kotse. Tuwing dumadaan ang mga kotseng dala ng dayuhan, may iniiwan silang usok sa daan. Nagmadali ang mga kalesa sa kalsada. Mukhang ayaw nilang maabutan ng ulan.
Naglabas ng lalaki ng puting panyo para takpan ang kaniyang bibig. Tuwing may usok na binubuga ang mga kotse, sabay siyang napapaubo.
Pagkalagpas niya sa isang eskinita, may batang nakabangga sa kaniya. Sumimangot ang lalaki dahil nalagyan ng dumi ang kaniyang suot.
“Ayos lang ako madumihan, huwag lang sana ang barong ni ‘tay…” inisip ng lalaki.
Paglingon niya sa bata, napansin niyang puno ng sipon at luha ang kaniyang mukha. Tiningnan ng lalaki ang bata sa mata. Napuno siya ng awa para sa bata, pero binura niya agad mula sa isip niya ito.
Hinawakan ng bata ang manggas ng barong ng lalaki.
"Kuya," sabi ng bata, may kasama pang hagulgol, "tulong po."
Tatanungin niya dapat ang bata kung ano ang problema nang may narinig siyang malakas na pagsasaboy na narinig mula sa kadiliman sa eskinita. Lumingon ang lalaki dito at may nakita siyang lumabas na guardia sibil, tumatakbo palabas, kapit ang kaniyang baril. Sabay ng maingay na tilamsik ng mga tubig ay ang magaspang na boses ng guardia sibil.
"Huminto ka, bata!"
Hinila ulit ng bata ang manggas ng lalaki, "Kuya, sige na. Hinahabol ako ng guardia sibil."
Kita sa mata ng bata ang pagmamakaawa niya. Nag-atubili ang lalaki nang saglit bago niya sinabi, “Pasensiya na bata, ayaw ko ng gulo.”
Binawi ng lalaki ang kaniyang manggas at tinalikuran ang bata. Binilisan niya ang kaniyang paglakad. Naiwan ang bata, papalapit ang guardia sibil.
Lumakas ang ulan. Bumuhos sa dalawa ang luha ng langit.
Isang bata, isa na namang biktima.
Isang lalaki, isa na namang nagpikit-mata.
0 comments: