Showing posts with label buwan ng wika. Show all posts

Mga kagila-gilalas na nilalang, nabuhay sa Rampang Pinoy ng 3-6



Napuno ng tuwa, tawa, at hiwaga ang Bulwagan nang ganapin ang Rampang Pinoy 3-6 2019 noong Huwebes, Setyembre 12.

Gumanap bilang mga Pinoy superhero at supervillain ang mga napiling pares sa Grado 3 at 4. Nagpakilala bilang mga mahiwagang nilalang mula sa katutubong paniniwala ang mga mag-aaral ng Grado 5, at ang Grado 6 naman ay gumanap bilang mga kagila-gilalas na nilalang na may impluwensiyang Espanyol.

Nilalayon ng Rampa sa taong ito na makilala ng mga mag-aaral ang mahahalagang karakter sa panitikan at kultura ng bansa at malinang ang kanilang pagkamalikhain sa mga kostyum at presentasyon na ipapakita.

Ang mga naging hurado ay sina Prop. Sharon Rose Aguila, Prop. Crizel Sicat-De Laza, at Prop. Maria Lourdes Vargas. Ang pagpili ng nagwagi ay nakabase sa pagkamalikhain ng kasuotan at itsura, husay sa pagrampa at pagganap sa karakter na itinanghal, deskripsyon ng karakter, at dating sa mga manonood.

Nagwagi bilang Superhero ng Taon sina Ralph Jacob M. Mantaring at Caith Annika P. Angkay ng 3-Dagat, bilang sina Pagaspas at Lawiswis. Sa Grado 4 naman, ang nanalo ay sina King Terence Baluyot at Emmanuel Rufus Silleza, bilang sila Captain Barbel at Nero, ng 4-Sigarilyas.

Sa Grado 5, nag-uwi ng titulong Kagila-gilalas na Nilalang ng Taon sina Jayna Dane Maningas at Vincent Nicholas Gepitan ng 5-Banahaw bilang sina Lalahon at Ogassi. Sina Juan Uno Louello Macadaan at Amano Domini Bayoneta ng 6-Brilyante ay nagwagi rin bilang Tiyanak at Wakwak.

Ngayong taon, nagpakita rin ng pagkamalikhain at galing sa pagrampa ang mga kinatawan ng bawat departamento, pati na rin ang ilang staff. //nina Angie Albao at Pam Marquez


Feature: Buwan ng Wika 2019 Vlog



Buwan ng Wika 2017, itinataguyod ang Pambansang Pagkakakilanlan



Nagpakitang-gilas ang UP Integrated School Grado 3-10 sa Buwan ng Wika 2017 na may temang “Filipino; Daluyan ng Pambansang Pagkakakilanlan at Pagkakaisa” noong Agosto 15 - Setyembre 12.

Itinanghal ng Grado 7 ang sabayang pagbigkas na “Anak Pawis” ni Tito Miralles. Saling-awitan naman ng isang kanta mula sa broadway, pelikula, o musical ang sa Grado 8. Samantala, nagpakita ang Grado 9 ng Dulawit ng kantang “1000” ni Ada Tayao. Nagpamalas din ang Grado 10 ng kanilang sariling slam poetry o spoken word.

Lumahok din ang Grado 8 at 10 sa “KaraTula”, isang photography contest na nakabatay sa tema at paggawa ng tanaga bilang caption. Nakibahagi naman ang Grado 9 at 10 sa “Haraya’t Pagbasa”, isang poster making contest na nakabatay sa maikling kuwentong, “Si Lakambakod at ang mga Diwata ng Hardin” ni Eugene Evasco.

Nagwagi ang 7-Saturn sa Sabayang Pagbigkas, ang 8-Firefly sa Saling-Awitan, ang 9-Neon sa Dulawit, at ang 10-Narra sa slam poetry.

PAGSASADULA. Ipinamalas ng 9-Neon ang isang madamdaming pagtatanghal na sumasalamin sa isyu ng extrajudicial killings na nangyayari sa kasalukuyang panahon. Photo Credit: UPIS Media Center
Mga patimpalak naman sa pagsulat at pagbigkas ang inihanda para sa elementarya. Nagkaroong ng paligsahan sa pagtula sa Grado 3 at 4 habang pagsulat naman ng sanaysay ang sa Grado 5 at 6. Nagsagawa rin ng workshop sa pagkukuwento ang mga piling mag-aaral sa bawat seksyon mula Grado 3-6 bilang paghahanda sa kanilang patimpalak sa pagkukuwento.

Gaganapin ang culminating activity ng pagdiriwang sa Setyembre 12 sa 7-12 Gym ng 11:30 n.u. para sa high school at sa 3-6 Grounds ng 12:00 n.h. para sa elementarya. Pararangalan sa nabanggit na araw ang mga nagwagi sa iba’t ibang patimpalak. // nina Rad Pascual at Raymund Creencia

Pagtatapos ng Buwan ng Wika 2016 sa UPIS, ipinagdiwang



Idinaos ang pagtatapos ng Buwan ng Wika 2016 noong Setyembre 6, mula ika-12 ng tanghali hanggang ika-1 ng hapon sa Auditorium ng University of The Philippines Integrated School (UPIS).

Nagtanghal dito ang mga seksyong nagwagi sa kumpetisyon sa kanilang batch. Isinadula ng 7-Neptune ang kwento ng “Alamat ng Araw at Gabi” na sinundan naman ng 8-Dragonfly sa kanilang pagsasadula ng kwentong Maranao na “Ang Magkakaibigang Hayop.”

Samantala, nagwagi naman ang 9-Calcium sa photography contest na may temang “Wika ng Karunungan at Kamalayang Bayan.”

Itinanghal din ng 10-Yakal ang kanilang piyesa na pinamagatang “Umaga, Tanghali, Gabi” matapos maipanalo ang kauna-unahang spoken word poetry competition sa UPIS.

UNANG KAMPEYON.  Mahusay na ipinamalas ng 10-Yakal ang kanilang pyesa sa araw ng selebrasyon. Sila ang kauna-unahang nagtanghal ng spoken word poetry sa UPIS. Photo credit: Cedric Jacobo


Pinarangalan din ang mga nanalo matapos ang mga presentasyon. Bilang pagtatapos ng programa, nagtanghal ng espesyal na bilang ang spoken word artist na si Ivan Jethro Mella mula sa Betsin-Artparasites. // ni Cedric Jacobo


ERRATUM: 7-Neptune ang nagsadula ng kwento hindi 7-Venus kagaya nang naunang naiulat.

Buwan ng Wika at Kasaysayan, sinimulan na

Ginanap nong ika-18 ng Agosto, 2015 ang pagbubukas ng Buwan ng Wika sa UPIS na may temang Wikang Filipino: Danas at Paglikha sa Diwa ng Bansa.

Sa pambungad na pananalita ni Dr. Ronaldo M. San Jose muli niyang pinaalalahanan ang mga mag-aaral na gamitin at pahalagahan ang wikang Filipino bilang pambansang wika.

Bilang bahagi rin ng pambungad na programa, inilahad ng mga tagapayo ng Sangguniang Pangwika (Sanggu) at Kilusang Araling Pangwika (KAP) ang mga patimpalak at gawain na taunang inaabangan ng mga mag-aaral. Ilan sa mga patimpalak ay ang Rampa, Tagis Talino, Interpretatibong Sayaw, at Sayawit.

Natapos ang programa sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa tatlong haligi ng wikang Filipino na sina Manuel L. Quezon, Francisco Balagtas, at Dr. Jose P. Rizal.

Ang selebrasyong ito ay pinangungunahan ng Sannggu, KAP, at ng Future Homemakers Club (FHC) sa ilalim ng pamamatnubay ng Depto. ng Filipino, Araling Panlipunan, at Sining Praktika. Ito na ang ikaapat na taon ng pagsasama-sama ng tatlong departamento para sa taunang programang ito. / Hillary Fajutagana, Carlos Laderas

Iba’t ibang batches, naloka sa Buwan ng Wika

Iba’t ibang baitang sa hayskul nagpabonggahan sa kani-kanilang kompetisyon na ginanap noong ika-10 at ika-12 ng Setyembre 2014 sa bagong-bagong ngunit todo-gibang Auditorium.

Mala-telenovela na chamber theatre ang ipinakita ng nagwaging pangkat sa Grado 7 na 7-Venus. Ang pang-Academy Awards na kalidad ng pag-arte ni Milcah at ang kanyang di malilimutang linyang “ANAAAAK!” ang bumuhat sa kaniyang section.

Nawindang ang lahat sa paglulumpasay ng babaylan ng 9–Silver. Manghang-mangha ang lahat sa walang pakundangang pag-ikot ng ulo ni Hanzvic. Ngunit ibang lakas man ang ginawa nilang pagriritwal, mas malakas parin ang kapit ng 9–Gold.

Nagmistulang mga batang yagit ang 10–Acacia habang itinatanghal ang kanilang Sayawit. Nagmukha silang pinturang tinubuan ng tao habang paulit-ulit na sinasayaw ang chorus ng “Bulong”. Sa kabilang banda, maitatanghal nang “Stunner” si Kristel ng 10–Lauan sa kanyang historikal na paghataw.

Nagpapasalamat naman ang buong UPIS Community na naunang nagtanghal ang Grado 8 ng kanilang Interpretatibong Sayaw. Ayon sa mga eksperto, isang ulit pa ng kantang “Sige Lang” ng Quest ay masisiraan na ng bait ang lahat. / nina Jesica Cañeca at Anna Punzalan

Talino at Talento, ibinida sa naganap na Buwan ng Wika at Kasaysayan 2014

Nagtagisan ng isip at nagpakita ng talento ang mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grado10 sa iba’t ibang paligsahan bilang bahagi ng selebrasyon ng Buwan ng Wika at Kasaysayan 2014.

Ang mga nagwagi sa Rampa 7-10.
Photo credit: Anna Punzalan
Pormal na binuksan ng Grado 3-6 at 7-10 ang Buwan ng Wika at Kasaysayan noong Agosto 26. Nagkaroon ng paligsahan sa pagrampa ang mga mag-aaral, Tagis-Talino, at paligsahan sa bawat grado. Nanalo ang 3-Batis sa kanilang Panabayang Bigkas, ang 4-Labanos sa kanilang Interpretatibong Sayaw, ang 5-Arayat sa Sayaw Filipiniana, at 6-Topaz sa Sayawit.

Noong ika-26 naman ng Agosto, inirampa ng dalawampu't apat na kalahok mula sa iba't ibang seksyon ang napili nilang karakter batay sa ibinigay na tema ng Departamento ng AralingPanlipunan. Nakatuon sa mga pagdiriwang sa Pilipinas ang para sa Grado 7 at 8. Samantalang sumentro naman sa sining ng mga Pilipino ang para Grado 9 at 10.

Nanalo sina Aldrin Baysa at Allysa Sapatua ng 7-Venus (Masskara Festival), King Vergeire at Dana Luna ng 8-Beetle (Pista ng Itim na Nazareno), Juan Miguel Panti at Arianne Baladad ng 9-Silver (Oblation at Lorna), at Carlo Gaco at Jesica Cañeca ng 10-Acacia (Batuk).

Para sa Rampa ng grado 3-6, nanalo sina Andrei Nicolas Pablico at Zsarina Timbreza ng 3-Batis, Christian Babaran at Erielle Arceo ng 4-Singkamas, Dayvee Christian Montalbo at Hariette Eve Gonzales ng 5-Cordillera, at Danzar Dellomas at Rain Fagela ng 6-Topaz.

Nagtagisan naman ng talino ang anim na team sa naganap naTagis-Talino noong Agosto 29. Bawat kuponan ay binubuo ng mga piling mag-aaral mula sa bawatgrado . Nagwagi ang pangkat nina Alizia Marquez ng 7-Mars, Roy Albert Canapi ng 8-Beetle, Adrian Bornilla ng 9-Silver, at Miguel Valenzuela ng 10-Acacia.

Para naman sa 3-6, nanalo ang pangkat nina ZsarinaTimbreza ng 3-Batis, Marius Nalica ng 4-Labanos, Angelica Gaega ng 5-Cordillera, at Arwen Panopio ng 6-Ruby.

Ang mga nagwagi sa mga paligsahan ng klase sa 7-10.
Photo Credits: Milcah Aragones (Gr 7), Telet De Sales (Gr 8),
Lyka Lubang (Gr 9 at 10)
Ginanap naman noong ika-10 ng Setymebre ang paligsahan sa pagitan ng mga seksyon mula Grado 7 at 8. Naunang nagpakitang gilas ang Grado 8 sa kanilang Interpretatibong Sayaw. Binigyang buhay nila ang awiting "Sige Lang" ng Quest. Nagkamit ng unang gantimpala ang 8-Butterfly.

Sumunod naman ang Chamber Theater ng Grado 7. Isinadula nila “Ang Gamo-Gamong Naakit sa Liwanag” ni Rene O. Villanueva. Nakuha ng 7-Venus ang unang gantimpala.

Bilang pang wakas na programa, bumida ang Grado 9 noong Ika-12 ng Setyembre sa kanilang patimpalak sa Sayaw at TugtugingEtniko. Nagkamit ng unang gantimpala ang 9-Gold, ikalawang gantimpala para sa 9-Silver, at ikatlong gantimpala para sa 9-Iron.

Huling humataw sa parehong petsa ang Grado 10 sa kanilang paligsahan sa Sayawit. Nasungkit ng 10-Molave ang unang gantimpala, ikalawang gantimpala naman ang 10-Lauan, at ikatlong gantimpala para sa 10-Acacia.

Maliban sa mga nabanggit na gawain nagkaroon din ng Poster-Making Contest at Minute-to-Win-it Challenge ang mga estudyante sa pangunguna ng Kilusang Araling Panlipunan at Sangguniang Pangwika. / ni Jenn Elona, sa ulat nina Rielle Ruiz, Travis Argayosa, Wren Breva, Jesica Cañeca, at Anna Punzalan

Mga icons ng kasaysayan, inirampa

Ang mga pares na nagwagi sa Rampa 2013.
Ginanap noong ika-3 ng Setyembre ang Rampa Pinoy 2013. Binigyang – pansin ng event na ito ang iba’t ibang icon ng kasaysayan. Nilalayon nitong maipakita ang yaman ng iba’t ibang Filipino Cultural Icons.

Itinanghal na panalo sa grado 7 sina Nicole Desierto at Frederick Samonte ng 7 – Mercury bilang Gabriela at Diego Silang; Nanalo naman sina Ryan Dimayuga at Caila Cadiz bilang Balete at White Lady ng 8 – Honeybee. Sina Jesica Cañeca at Raffy Oracion ay gumanap na Valentina at lalaki para sa 9 – Calcium at sina Melanie Bravo at Benz Nacpil bilang Aswang at Kapre ng 10 – Yakal.

Ang mga hurado ay sina G. Michael dela Cerna, Bb. Justine Amonoy at G. Gringo Corpuz. / nina Yaoi Gabriel, Micah Macasieb, Psalma Nadera, at Donna Roces

UPIS Students, nagtagisan ng talino

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan, ginanap noong Agosto 28 at noong ika-5 ng Setyembre ang Tagis Talino ng piling estudyante ng UPIS.

Nanalo sa paligsahang ito sina Achilles De Leon mula 3-Talon, Roczanne Dela Cruz ng 4-Sitaw, Josh Sabido ng 5-Mayon at ni Paolo Alipio ng 6-Onyx.

Sina Jasper Valentino ng 10-Ipil, Reisa Elgincolin ng 9-Calcium, Franchesca Santiago ng 8-Honeybee at Phil Brian Cosep ng 7-Jupiter naman ang nagwagi sa grado 7-10.

Ang kompetisyon ay binubuo ng 3 rounds: easy, average at difficult. Pinili ang mga kalahok batay sa naging resulta ng elimination round na ginanap sa kani-kanilang klase. / nina Shaila Fortajada at Psalma Nadera

iWitness sa UPIS

“Malaki yung pasasalamat ko sa [UPIS]. More than just academics, social awareness ‘yung natutunan ko dito” – Kara David

Noong nakaraang Agosto 15, ang UP Alumna na si Kara David ng GMA News TV ay bumisita sa UPIS upang ibahagi ang dalawa sa kanyang mga dokumentaryo; Gintong Putik at El Fraile.

Pinamunuan ng Departamento ng Araling Panlipunan ang homecoming event na ito bilang bahagi ng selebrasyon ng Buwan ng Wika at Kasaysayan.

Ang dokumentaryong Gintong Putik ay nagsasalaysay ng buhay ng isang pamilya sa Bicol na may mapanganib na hanapbuhay kung saan ay kinakailangang sumisid sa putikan upang makahanap ng ginto.

Ang ikalawa naman niyang dokumentaryo ay tungkol sa isang konkretong isla sa baybayin ng Maynila na nagsilbing isang battleship noong World War 2 na ngayo’y pinabayaan na.

Isang open forum ang isinagawa matapos maipalabas ang mga dokumentaryo.


Si Kara David ay nagtapos sa UPIS noong 1990. Nagtapos naman siya sa UP Diliman bilang cum laude sa kursong Broadcasting Communication noong 1995. /ni Celine Medina, Deneese Montalbo, Lance Reblando at Red Rivera 

UPIS 7-10 nagtagisan ng galing sa Buwan ng Wika 2012

Ginanap ang taunang presentasyon ng grado 7-10 para sa Buwan ng Wika noong Setyembre 10, 2012 sa Multi Purpose Hall.

Nagsilbing emcee ng programa sina Aliyah Rojo at Jeremiah Esguerra ng Sangguniang Pangwika at Kilusang Araling Panlipunan (KAP).

Ang mga nagwagi sa paligsahan ng mga seksyon sa Buwan ng Wika 2012.
Clockwise from top left: 7-Saturn, 8-Beetle, 10-Dao, at 9-Neon.
(c) Arielle Gabriel, CCCA

Itinanghal ng grado 7 ang dulang "Emang Engkantada at ang Tatlong Haragan." Hinalaw naman ni Renen Villanueva sa isang kwentong pambata na inilimbag ng Adarna Books.

Naiuwi naman ng 8-Beetle ang unang gantimpalasa kanilang interpretatibong sayaw sa saliw ng kantang "Piliin mo ang Pilipinas" ni Angeline Quinto.

Ipinakita naman ng grado 9 ang mga iba't ibang katutubong ritwal. Nakuha ng 9-Neon ang unang gantimpala sa pagtatanghal ng tribong Bontoc.

Ipinamalas ng grado 10 ang kanilang galing at talento sa pagsasayaw at pagkanta. Nagwagi ng unang gantimpala sa sayawit ang 10-Dao sa remix ng Noypi, Bulong, Posible, Puso, Ako'y Isang Pinoy at Bayan Ko. ● nina Sandy De La Paz, Miguel Flores, at Arielle Gabriel

Rampang Pinoy 2012, matagumpay na ginanap

Ginanap noong Setyembre 6 sa Multi-Purpose Hall ang UPIS Rampang Pinoy 7-10.

Layunin ng gawaing ito na maipakita ang kahalagahan ng iba’t ibang karakter mula sa panitikan at kasaysayan na magpakita ng kanilang pagtupad sa kanilang pananagutan sa bayan nang sa gayon ay magsilbi silang huwaran sa pagtupad ng ating tungkulin sa bayan.

Naunang ipinakilala ang mga kalahok mula sa Grado 7 na sina Caila Patricia Cadiz at Ryan Anthony Dimayuga para sa 7-Mars bilang sina Gabriela at Diego Silang. Kinatawan naman ng 7-Saturn sina Mary Christine Llorente at Trent Madjus na rumampa bilang Ninoy at Cory Aquino. Huling tinawag sina Angelika Lubang at Emmanuel Jabiguero ng 7-Venus bilang sina lapu-Lapu at prinsesa Urduja.

Para naman sa Grado 8, lumahok sina Mary Rose Sanchez at Richard Luague ng 8-Beetle bilang sina Maria Clara at Crisostomo Ibarra. Rumampa naman sina Quiela Salazar at Jan Matthew Tolentino ng 8-Cicada bilang sina Sisa at Pilosopo Tacio. Ang 8-Dragonfly naman ay mayroong Dyesebel at Sergio na ginampanan nina Arienne Baladad at Juneau Villanueva.

Ang mga nagwagi sa Rampang Pinoy 2012 sa Grado 7-10.
(c) Sandy De la Paz
Sa Grado 9 naman, ang mga kalahok ay sina Klyve De Guzman at Diego Miguel Dario ng 9-Argon bilang sina Sicalac at Sicabay. Sumunod sina Disa Nicole Reyes at Lino Licuanan ng 9-Neon bilang sina Orosman at Zafira. Napili naman ng 9-Xenon sina Moira Palma at Zane Andrew Pulumbarit bilang Maria Makiling at Bernardo Carpio.

Sa Grado 10, lumahok sina Nina Bea Leis at Paul Enriquez ng 10-Dao bilang sina Alunsina at Tungkung Langit. Para naman sa 10-Kamagong, rumampa sina Reagene Fernando at Edward Jedwin Reyes bilang sina Amaya at Bagani. Kinatawan naman ng 10-Molave sina Louanne Grace De Sales-Papa at Jan Eric Madriaga ng Flerida at Aladin.

Sina Lubang at Jabiguero ang nagwagi sa Grado 7. Ang unang gantimpala naman sa Grado 8 ay nakamit nina Baladad at Villanueva. Sina Palma at Pulumbarit ang nanalo sa Grado 9, at sina De Sales-Papa at Madriaga naman sa Grado 10. ● nina Reagene Fernando at Patricia Lim

Grado 3-6 rumampa sa Multi

Bilang bahagi ng selebrasyon ng Buwan ng Wika 2012, ginanap ang Rampa ng grado 3-6 sa ganap na 11:30 ng umaga sa Multi-Purpose Hall noong Setyembre 5.

Ipinakita ng mga mag-aaral ang iba’t ibang kasuotan sa Pilipinas. Para sa grado 3, kasuotan mula sa Katagalugan, kasuotan naman mula sa Mindanao ang para sa grado 4, kasuotan mula sa Silangang Pilipinas para sa grado 5 at kasuotan mula sa Visayas para sa grado 6.

Sa grado 3, ang nakakuha ng unang gantimpala ay sina Rochelle Viñas at Jabez Prayer Bote ng 3-Sapa.

Para naman sa grado 4, sina Dominique Trinidad at Aeschylus Nario ng 4-Labanos ang nagkamit ng unang gantimpala.

Sina Roel Ramolete at Joyce Asuncion naman ng 5-Arayat ang itinanghal na panalo para sa grado 5.

Sina Kyle Ileto at Pauline Demetrio ng 6-Topaz ang nakasungkit ng unang premyo para naman sa grado 6. ● by Ada Bayobay and Aliyah Rojo

Profusion nagwagi sa UPIS Idol Season 2

Nakamit ng grupong Profusion ng Batch 2014 ang unang gantimpala sa ginanap na finals ng UPIS Idol Season 2 noong Agosto 30 sa Multi-purpose Hall.

Kinanta ng Profusion ang kanilang rendisyon ng Noypi. Remiks naman ng awiting Tatsulok at Upuan ang itinanghal ng grupong Dfly mula sa Batch 2015 na nagkamit ng ikalawang gantimpala. Ang Molaboys ng Batch 2013 naman ang nagkamit ng ikatlong gantimpala para sa kanilang pag-awit ng Biyahe.

Labing-anim na grupo ang nag-audition sa elimination round noong Agosto 24 sa AV Room. Mula rito, napili ang anim na grupong lalahok sa finals. Ang mga ito ay ang MNM at Molaboys ng grado 10, Y3 at Profusion ng grado 9, Dfly ng grade 8, at Lanarians na mula sa grado 7. ● nina Paolo Aljibe, Sandy de la Paz, Arielle Gabriel, at Benjo Hernandez

KAP, Sangguniang Pangwika, at FHC nagsama-sama sa Buwan ng Wika at Kasaysayan

Napagkasunduan ng Kilusang Araling Panlipunan (KAP) at Sangguniang Pangwika na isama ang Future Homemakers Club (FHC) sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan.

Ito ay upang paigtingin ang integrasyon ng mga aktibidad na nagaganap sa loob ng eskuwelahan. Gayundin, makadaragdag sa mga ideya at suhestyon ang FHC sa mga usaping may kinalaman sa Sining Praktika.

Magkakaroon ng UPIS Master Chef na pamumunuan ng FHC. Kukuha sila ng isang estudyante bawat seksyon na lalahok sa paligsahang ito. Ito ay bubuuin ng tatlong grupo para sa Highschool at tatlong grupo rin para sa Elementary. Dito ay mas malilinang ang galing ng mga estudyante sa wastong pagkain at pag-oorganisa ng isang menu.

Sa darating naman na Rampang Pinoy, makatutulong naman ang FHC sa tamang pagdadala ng damit, wastong pagsuot at pagpili nito. Gayundin, ang Rampa ay nasa pagtutulungan pa rin ng tatlong organisayon at departamento.

Bilang pagtatapos sa selebrasyon ng Buwan ng Wika at Kasaysayan, magkakaroon ng Food Fest na lalahukan ng bawat seksyon. Ang bawat pangkat ay maatasan ng isang espesipikong rehiyon sa bansa kung saan nila kukunin ang pagkaing itatanghal.

Ngayong Akademikong Taon 2012-2013 lamang napasimulan ang pagsasama ng tatlong organisasyong ito. Inaasahan na magiging masaya, makabuluhan, at matagumpay ang darating na selebrasyon ng Buwan ng Wika at Kasaysayan. ● nina Patricia Lim at Reagene Fernando

7-10 nagtagisan ng galing sa Culmi

Muli na namang ipinakita ng mga mag-aaral ng UPIS ang kanilang husay at talento sa Culminating Activity ng Linggo ng Wika at Kasaysayan na idinaos noong Setyembre 5.

Umikot sa temang Wika at Kasaysayang Pilipino, Landas sa Pagsulong ng Karapatang Pantao ang pagtatanghal ng bawat grado.

Ang mga nagwagi sa paligsahan ng mga seksyon.
Clockwise L-R: 7-Jupiter, 8-Butterfly, 10-Lauan, 9-Iron
Unang nagpakita ng madulang Sabayang Pagbigkas sa tulang Panata sa Kalayaan ni Amado V. Hernandez ang batch 2015. 7-Jupiter ang nagkamit ng unang gantimpala.

Nagwagi naman ang 8-Butterfly sa kanilang interpretatibong sayaw ng kantang Karapatan ni Toto Colongon.

Sa paligsahan ng Tugtuging Etniko sa Grado 9, kinailangang lumikha at tumugtog ng musikang etniko ang mga kalahok na seksyon at bigyan ng karampatang sayaw na saliw dito. Inuwi ng 9-Iron ang unang gantimpala sa patimpalak na ito.

Huling nagpakitang gilas ang mga estudyante ng Grado 10. Inihandog nila ang sari-sariling bersyon ng Sayawit sa mga kantang OPM tulad ng Tatsulok, Upuan, Balita, Batingaw at iba pa. 10-Lauan ang nagtagumpay sa patimpalak na ito.

Sina Prop. Michael Angelo Dela Cerna, Prop. Devora Tengson, at Prop. Rowena Del Castillo mula sa Departamento ng Sining Komunikasyon Filipino; G. Leujim Martinez at Bb. Catherine Carag mula sa Departamento ng Sining Komunikasyon Ingles; Bb. Deceniv Dela Cruz mula sa Departamento ng Health at PE; at si Prop. Czarina Agcaoili mula sa Departamento ng Araling Panlipunan ang bumuo sa lupon ng inampalan. -- ulat nina Sarah Romero, Ysmael Mendoza, Kaye Banaag, Jomil Gutierrez, Joakim Cadapan

Rampang Pinoy muling inilunsad

Joakim Cadapan at Jomil Gutierrez

Idinaos ang Rampang Pinoy sa Multi-Purpose Hall noong Huwebes, Setyembre 1. Nilahukan ito ng mga lakan at lakambini ng bawat seksyon sa bawat grado.

Samu’t saring kasuotan ang ipinakita ng mga kinatawan ng bawat seksyon na sumasalamin sa temang Wika at Kasaysayang Pilipino, Landas sa Pagsulong ng Karapatang Pantao.

Ang mga nagwagi sa nabanggit na paligasahan ay sina Jessica Cañeta at Jean Paul Mabaquiao ng 7-Jupiter, Faye de Castro at Sano Amante ng 8-Firefly, Rya Celine Ducusin at Benjomer Hernandez ng 9-Gold, at Cara Mae Bilangel at Ramon Timothy Banta ng 10-Lauan.
Ang mga nagwagi sa Rampang Pinoy.
L-R: Jepoy at Jessica (Grado 7), Sano at Faye (Grado 8), Benjo at Rya (Grado 9), Monty at Cara (Grado 10)

Sa taong ito, ang mga tema na dapat irampa ay ang mga sumusunod: Panahon ng Kastila (Grado 7), Panahon ng Propaganda at Himagsikan (Grado 8), Panahon ng Amerikano at Hapones (Grado 9), 1946 hanggang kasalukuyan (Grado 10).

Ang mga kalahok sa Rampang Pinoy mula sa Grado 7-10.
Pagkatapos rumampa ng mga kalahok, nagpakita ng kagalingan ang lakan at lakambini ng Sangguniang Pangwika at Kilusang Araling Panlipunan pati na rin ang mga guro na sina Bb. Ailyn Ligon, Departamento ng Sining Praktika; G. Raymond Quiambao at Bb. Jessa Cadacio, Departamento ng Agham; Bb. Katrina Ortega, Departamento ng CA Filipino; at G. Brenson Andres, Departamento ng Araling Panlipunan.

Unang UPIS Idol, hinirang

ni Angela Aquino

Nahirang si Tristine Badong ng Batch 2012 bilang kauna-unahang UPIS Idol sa patimpalak sa pag-awit na ginanap sa Multi-Purpose Hall noong Agosto 31.

Mula sa labinlimang kalahok, anim lamang ang nakausad sa nasabing paligsahan. Ang mga ito ay sina Cheska Ardon at Tracy Carreon ng Batch 2015, Deneese Montalbo ng Batch 2014, Mikee Neri ng Batch 2013, at sina Badong at JC Catungal ng Batch 2012.

Nakakuha si Badong ng 97.5% para sa kanyang rendisyon ng awiting Salamat. Kasama niya sa top three sina Cheska Ardon na umawit ng Hahayaan mo ba? Papayagan mo ba? at JC Catungal na kumanta ng Kahit Isang Saglit.

Ang lupon ng inampalan ay pinamunuan ni Mr. Luigi Teola, ang pangulo ng UP Singing Ambassadors. Ang kasama niyang mga hurado ay sina Prop. Rowena Del Castillo, puno ng Departamento ng Filipino, Prop. Michael Angelo Dela Cerna, Bb. Zyra Cruz, Prop. Grace Sumayo, at Bb. Jean Katherine Sales. (YM, CC)