Showing posts with label porkchop. Show all posts

Literary: Chopped Pork




Unti-unting pinaghihiwalay,
Dahan-dahang hinimay
Ang bawat piraso
Ng porkchop sa plato

Sa unang kagat,
matitikman ang sarap.
Sarap ng pakiramdam na may nagbabasa
At may natatawa sa akdang likha niya

Sa pagpapatuloy ng kwentuhan
Matatanto na walang kwenta ang mga istorya
Dahil ito ay nalikha para lang sa kalokohan
Gayunpaman, mapapagaan niya ang iyong kalooban

Sa paglunok ng bawat piraso,
Mararamdaman ang pagkabusog
Busog ang iyong isip
Sa kuwentong kaniyang hatid

Salamat, Porkchop
Dahil ako ay nabusog
'Di lamang sa tiyan
Pati ang aking puso’t isipan
Hanggang sa muli,

Paalam.

Literary: Shoot to Kill






Nakasuot ako ng damit na itim,
Nagtatago sa dilim,
At sinusundan ng tingin
Ang isang lalaking agaw-pansin

Patagong sinusundan
Tahimik na minamatiyagan
Ang lalaking may angking kakisigan
At may taglay pang ka-gwapuhan

Araw-araw sinusundan
Gabi-gabing sinusulyapan
Ako’y buwis-buhay na nagtatago sa damuhan
Makuhaan lang ng siya magandang larawan

Dapat tama ang tiyempo
Dapat sakto ang anggulo
Dapat ang larawang makukuha ko,
Papasa sa mata ng mga hurado

Kinabukasan dinala ‘to sa presinto,
Agad sinuri ang aking mga litrato
At dito nga nakumpirma
Na isa pala siyang mandirigma

Literary: Bente Pesos




Tumawag ka sa akin,
Gusto mo na akong harapin.
Matapos ang ilang araw na walang usapan
Sa wakas, naisipan mo akong tawagan.

Pinapunta mo ako sa ating tagpuan
Para mapag-usapan
Kung ano na’ng kinahinatnan
Ng relasyon nating magkasintahan.

Nagdalawang-isip ako
Kung ako pa ba’y makikipagtagpo.
Binuksan ko ang aking pitaka
At sinilip kung ako'y may pera pa.

Tanging bente pesos ang bumungad sa akin
Kulang pa itong pamasahe para ika'y tagpuin.
Senyales na siguro ito
Na huwag na muna tayong magtagpo.

Sa tayaan ng lotto
Na lang ako tutungo.
Doon ko na lang gagastusin
Ang bente pesos na ibinigay ni nanay sa’kin.

Baka sakaling ako'y manalo
Ng malaking papremyo.
Para makapunta na sa iyo
Mahal ko.

Literary: Sayang Naman






Maraming mga bagay ang pinagkakasunduan
Maraming mga usapin ang sinasang-ayunan
Pareho ang ating mga kinahihiligan
At laging magkasama sa mga kalokohan

Kung anong trip mo ay siya ring trip ko
Kung nasaan ka, naroon din ako
Ang mga paborito mo’y akin ding gusto
Basta pagdating sa lahat, pareho tayo

Sa lahat ng bagay na ating pagkakapareho,
Sa iisang bagay lang tayo ‘di nagkakasundo
Ayaw mo sa akin, pero may gusto ako sa’yo.

Literary: Limang Minuto







Humihingi ako ng limang minuto
Limang minuto sa buhay mo
Limang minuto ng buhay ko
Para isalaysay ang nararamdaman ko.

Bigyan mo ako ng limang minuto,
Para ibulong sa’yo
Ang nararamdaman ko
Simula noong mga bata pa tayo.

Bigyan mo ako ng limang minuto
Para ikwento sa’yo
Ang lihim ng bawat luha sa mga mata ko
Na siyang dulot mo.

Bigyan mo ako ng limang minuto
Para sabihin sa’yo
Na sobrang nasasaktan ako
Tuwing nakikita ko kayo.

Bigyan mo ako ng limang minuto
Para maipaliwanag sa’yo
Na hindi ko ginusto
Ang pagmamahal na ito.

Bigyan mo ako ng limang minuto
Para basahin ang tulang ito
Na para sa iyo,
Mahal ko.

Bigyan mo ako ng limang minuto
Para tapusin na ang lahat ng ito
Dahil sobrang pagod na ako
Magmahal ng isang tulad mo.

Limang minuto lang ang hinihingi ko
Nawa’y mapagbigyan mo
Dahil, pangako—
Huli na ‘to.

Literary: Resibo





Hindi ko na kaya.
Obvious ba?
Sa likod na ng mga resibo,
Inilalabas ang mga drama.

Gabi-gabi, laging nasa isip,
Pero dahil pagod na,
Dinadaan ko na lang sa "pahinga"
Pero hindi, parang wala na kong magawa.

Lagi mong sinasabi-
Na ako na talaga
Ang tanging hihintayin mo
Pag tayo'y tumanda na.

Paulit-ulit mong isinasambit
Na wala nang iba
Hanggang isang araw
Nalaman ko na.

Gusto mo pa siya.
Mahal mo pa siya.
Umaasa ka pa rin,
Na maibabalik ang kayong dalawa.

Oo masakit, hindi ako manhid.
Bumalik ang lahat ng sinabi mo sa akin.
Mga salitang pinaniwalaan ko,
Mga salitang kinapitan ko hanggang dulo.

Gusto kong malaman
Kung ano ba talaga ako sa'yo.
Isang resibong binabasa
O isang resibong binabalewala?

Pagod na ako.
Hindi ko na kayang tiisin.
Dahil ang oras ko’y
Nasayang lang sa mga kasinungalingan mo.

Sana nga mahalin ka na niya.
Para wala nang tulad kong umaasa pa.
Tulad ng resibong ito,
Hahayaan kong maglaho na.

Lahat ng salitang nakasulat dito,
Lahat ng mga alaala ko sa’yo,
Lahat ng pangakong sinabi mo,
Binayaran ko lang pala ang lahat ng ito.

Hindi ko na rin kinakaya
Obvious naman diba?
Ang mga nababasa ko sa resibo
Na nakukuha ko sa pantalon mo.

Linggo-linggo, panibagong resibo.
Panibagong mga kuwento.
Di ka ba napapagod magsulat?
Sampung resibo na ang nasusulatan mo, di pa ba ‘yun sapat?

Lagi kong sinasabi-
Na mag-aral muna.
At wag puro pagjo-jowa
Dahil wala kang mararating sa iyong pagtanda.

Paulit-ulit kong sinasabi
Na tigilan mo na siya.
Pero pagbibigyan kita ng ilang araw pa.
Ngunit pag ika’y di pa natigil, malilintikan ka na!

Gusto mo siya?
Mahal mo siya?
Di ka pa nga marunong magsipilyo,
Lumala-love life ka na!

Oo masakit, pag ika’y tinamaan ko na
Babalik ka sa sinapupunan ko, isa pa!
Saan ka ba natuto ng ganito?
Wala naman akong itinuturong ganito sa’yo.

Gusto kong malaman mo
Na hindi ka dapat nag-aaksaya ng panahon
Sa mga ganitong bagay
Sa pagka’t ikaw ay bata pa.

Pagod na rin ako
Makabasa ng mga sinusulat mo.
Oras na para sabihin ko sa iyo,
Na ang lahat ng mga sinusulat mo, ay nababasa ko.

Sana naman matauhan ka.
Baby ka pa at hindi pa binata.
Kaya sana, ako muna ang girlfriend mo
Dahil ipinapangako ko sa’yo, ibabalik ko ang pagmamahal mo.

Lahat ng mga nakasulat dito sa resibo,
Lahat ng mga ka-dramahan mo
Ay mananatiling sikreto
Pangako ko ‘yan sa’yo, anak ko.

Literary: Kaba






Sa isang malaking konsiyerto
Habang pinapanood ang ating idolo
Sa gitna ng maraming tao
Nagtagpo ang mga mata mo at mata ko.

Matagal tayong nagkatitigan
At ang pagpikit ng isa’y inaabangan
Ang tagal mo bago kumurap
Parang ‘di maabot-abot na pangarap.

Nasa iyo lamang ang aking atensyon
Tila walang konsiyertong nagaganap noon,
Parang walang mga taong naghihiyawan,
Tanging naririnig lang ay ang pusong kinakabahan.

Lumipas ang ilang oras
Ang lugar kung nasaan ka ay aking binagtas
Kinakabahang baka ako’y iyong lapitan
Natatakot na baka bigla mo akong kapitan

Dahan-dahan kang tumungo sa’king direksyon
Butil-butil na pawis ang nasa mukha ko ngayon
Ika’y nariyan na sa aking harapan
At hinila ang aking kasuotan.

Sabay sabi:

“Excuse me po sir, kanina pa kayo
Masyado na kayong nanggugulo
Mangyari lamang pong lumabas na kayo
Dahil marami na kayong naiistorbo!”

Literary: Love at First Ride







Pick-Up Location: UP Town Center
Isang pindot sa telepono
Hinahanap si mamang magmamaneho
Na siya ring maghahatid sa akin
Doon kung saan sarili’y hahanapin

10 Minutes Away
Mata’y namangha at nabigla
‘Pagkat napakasimpatikong mukha ang nakita
Artistahin ang kaniyang itsura
Kaya’t ‘di nag-atubili, hinanap ko ang Facebook niya

Calling: 09143431143
Ayan na, tumatawag na siya
Puso’y bumilis at napatalon sa tuwa
Nararamdamang papalapit ka na,
Sabik na sabik na akong makita ka.

“Ma’am d2 na po me.”
Sa iyong pagsakay
Ako’y nabighani sa mga mata mong mapupungay
‘Di maalis ang tingin ko sa salamin
Inaabangang tumingin ka rin sa akin

Drop Off Point: Tagaytay
Sa tagal ng ating biyahe
Hindi ako mapakali
Maya’t-maya’y sinusulyapan ka
Gustong-gusto ka nang makilala!

“Bayad po.”
Dahan-dahan, unti-unti
Ito na ang pinakahihintay na sandali,
Mata’y tiningnan,
Iyong kamay’ hinawakan

Sabay sabi ko,
Hi I’m your Uber driver,
and your future lover.

Literary: Hinagpis ng Pag-ibig






Ubo
Pinakabog niya ang aking dibdib
Nang aking makita ang kaniyang matikas na tindig
Hudyat na ba ito ng aking bagong pag-ibig
Dahil ako ay nakararamdam na ng kilig

Sipon
Pinabigat niya ang aking ulo
Sa iba’y ‘di na makalingon
Nakatingin lamang sa kanyang direksyon
Naninikip ang dibdib, hindi makahinga dahil presensya mo

Lagnat
Tila nabilad sa araw
Hindi makakilos at biglang bumigat aking katawan
Nang makitang may ibang kasama
Bumigat aking pakiramdam

Trangkaso
‘Di na ako nakapagpigil na siya’y lapitan
Nagmamadali, baka siya na ay lumisan
Akin siyang kinalabit at tinignan
Dali-dali kong tinanong kung siya ba ay may kasintahan
Ako’y nabigo nang kaniyang sabihin
“Teh, sorry lalake ay hanap ko rin.”

Pagkakaratay
Sumakit ang ulo
Biglang nahilo
Lalong sumama ang pakiramdam ko
At bigla-bigla’y nahimatay ako

Literary: Babala





Sa pagbuka ng iyong bibig,
Isipin kung ang bawat salita ba’y dapat marinig,
Isipin kung ang sasabihi’y may katuturan,
Isipin kung may matutuwa o masasaktan.
Sa bawat letrang binibigkas,
Sa bawat salitang sa bibig ay lumalabas,
Sa bawat pangungusap na nabubuo,
Isang pahayag ang nabibigyang-anyo.

Mag-ingat sa pananalita
Dahil sa bawat pagbuka ng bibig
Isang mensahe ang maririnig
Mensaheng maaaring nakakatuwa o di kaya’y dulot ay luha

Mag-ingat sa pagbuka ng bibig
Dahil hindi lamang damdamin ang maaaring masaktan
Kundi pati ang ilong ng taong nasa iyong harapan
Kaya mag-ingat sa pananalita

Literary: Totoo Ba Ito?






Sa pagkagat ng dilim, nagliliwanag ang buwan
At mga bituing nagkikindatan ang masisilayan
Sinabayan pa ng malamig na simoy ng hangin
Naghuhudyat na papalapit na ang pasko sa’tin.

Ikaw at ako nakahiga sa damuhan
Tanaw na tanaw ang mga ilaw sa kalangitan,
Sabay naghihintay ng paglabas ng bulalakaw
At nagbabakasaling sa langit ay matanaw.

Lumalalim na ang gabi
At hindi na ako makapagtimpi,
Ang iyong kamay ay aking hinawakan
Nang walang anumang pag-aalinlangan.

Tinawag ko ang iyong pangalan
Ika’y lumingon at ako’y tiningnan.
Naglakas-loob akong sabihin
Ang inilihim na damdamin.

Mga sunod na pangyayari’y di ko inasahan
Nagliwanag ang aking buong kapaligiran
Ako’y napapikit sa labis na kasilawan
Ang nakita ko’y di mapaniwalaan.

Katawan mo’y biglang lumutang na lamang
Ako’y nagitlaanan at nanlamig buong katawan.
Di ko inasahan na ikaw pala’y ganyan:
May pang-kalawakang katangian.

Literary: Pangako Sa'yo



Pangako, simula sa araw na ito hindi ka na mag-iisa
Nandirito na ako sa tabi mo upang samahan ka
Buong araw hanggang gabi
Asahan mo ako sa iyong tabi

Pangako, di ka na malulumbay
Dahil kasama mo na ako sa iyong buhay
Mula sa paaralan hanggang sa iyong tahanan
Ikaw ay mayroong maaasahan

Pangako, hindi kita patutulugin
Sapagkat pag kasama mo ako, di ka aantukin
Pangako, ikaw ay papayat
Dahil kapag tayo’y magkasama tiyak ika’y mapupuyat

Pangako, gagawin ko ang lahat upang ika’y mapasaya
Tutulungan kita sa aking buong makakaya
Marahil hindi ko pa alam kung sa paanong paraan
Basta magtiwala ka; iyon aking kailangan

Literary: Paraiso



Nais kong makakita ng tunay paraiso-
Kung saan mayroong mayayabong na bulaklak at mga dahon,
Mga unggoy na naglalambitin at nagliliparang mga ibon,
At iba pang mga hayop na nagtatampisaw sa tubig mula sa talon.

Nais kong makakita ng totoong paraiso-
Upang masilayan ang tunay na ganda ng bahaghari,
Makarinig ng magagandang himig ng mga ibong umaawit,
At makamtan ang kaginhawaan at katahimikan ng paligid.

Ngunit ngayon mayroon pa ba akong masisilayan?
Na mga hayop na masayang nagtatampisaw sa malamig na katubigan?
Masasalamin ko pa ba ang bahaghari sa nakasisilaw na tubig?
At matatanaw ko pa ba ang mga mayayabong na puno’t halaman na sa aki’y nagbibigay lilim?

Nais kong makakita ng totoong paraiso,
Hindi lamang sa mga aklat at sa mga kuwento-kuwento,
Kung hindi ng aking mga mata mismo.

Literary: Sana, Paano, Kung




Di ko alam kung anong gagawin.
Di ko alam kung anong sasabihin.
Di ko alam kung anong mararamdaman.
Di ko alam kung dapat ka bang lapitan.

Gusto kitang kausapin,
Kaso baka ako’y iyong di pansinin.
Gusto kitang lapitan,
Kaso baka ako’y iyong ipagtabuyan din.

Nais kong sabihing mahal kita,
Na di mawala-wala ang aking pagsinta.
Nais kong ipagsigawan
Ang aking nararamdaman.

Sana sumasagi man lang ako sa iyong isipan.
Sana nararamdaman mo ang aking pagmamahal.
Sana dumating ang araw na ika’y maging akin,
At sana ako ay iyong mapansin.

Literary: Cinema Love Story



Sa sinehan sa Trinoma
Ang naging una nating pagkikita
Ako’y nabighani sa iyong mukha
At naakit ng iyong kumikislap na mata
Sa pagpasok ng sinehan
Dali-dali kong hinanap ang iyong kinaroroonan
Nagbabaka-sakali na ika’y makatabi
O kahit matanaw ka lang kahit sandali
Pagkatapos ng pelikula
Ako’y umaasa na ikaw ay muling makita
Ngunit ako’y bigo na muli kang masilayan
Kaya’t malungkot akong umuwi, di ka mawala sa isipan
Buwan ang lumipas at ika’y muling nakita
Ang saya sa aking mukha ay di maipinta
Ako’y naglakas loob na at ika’y nilapitan
Upang hingiin ang iyong pangalan
Sa sinehan nagsimula ang ating pagkakaibigan
Di naglaon ito’y nauwi sa malalim na pagmamahalan
Pagmamahalan na di matatawaran
Ng dalawang pusong nagkakaintindihan
Kay sarap balik-balikan
Ang ating pinagsimulan
Hinding-hindi ko malilimutan ang una nating usapan:
“Sir, ticket niyo po nasaan?”

Literary: Bahagharing Itim



Ang kulay ng kalikasan
Ay tunay na nakahahalinang pagmasdan
Mula langit hanggang lupa
Mula kanan patungong kaliwa

Sa pagsikat ng dilaw na araw
Isang bagong umaga ang tinatanglaw
Isang malawak na bughaw na kalangitan
At mapuputing ulap na larawan ng kabanalan

Ako’y naliligiran ng maindayog na luntian
At mga bulaklak na itinatanghal sa aking bakuran
Mayrong mga pulang rosas, puting sampagita, at pulang gumamela
Mayroon ding mga santan at ponsetya

Paglabas ng tahanan
Malawak na dagat ang masisilayan
Makukulay na corales sa dalampasigan
At mga dilaw na ibong sa puno’y nag-aawitan

Kay sarap pag masdan
Ng tila bahaghari sa kalupaan
Na noo’y nagbigay katuparan
Sa mga tulad kong may kapansanan

Ilang taon na ang nakararaan
Mula nang aking masilayan ang ganda ng kalikasan
Na ngayo’y isa nalang malawak na kadiliman at kabiguan
Para sa isang katulad kong may kapansanan

Literary: Band


"To join, to unite"

Lead
Alone, I play the melody
Making riffs without company
With no reverb, no distortion
No arpeggio to my passion

Rhythm
And then comes my harmony
Strumming my heartstrings steadily
Her every chord keeps me in time
With this loud, musical rhyme

Bass
I hear a deep thumping
A beat that sends my blood rushing
Pluck, tap, slap, pop
My booming heartbeat just won't stop

Drums
Loud clashing and clanging
All this crashing and rolling
Dampens your accompaniment
And makes me wonder where it all went

Vocals
We keep playing, but somehow it all goes silent
You come up to the mic with a sly little smile
You turn to me, eyes glistening with sincerity
And with these three words: “I love you”
You have turned my silly tune into a heartfelt song

Literary: A Night to Remember



I had a wonderful dream
It made me joyfully scream
It seemed so real
And I cannot explain how I feel

As we were watching the stars together
Holding hands to forever
Telling stories to each other
My mind begins to wander

To that one night to remember
That one night in December
When all my feelings I can’t seem to gather
I think… I have fallen further.

Literary: Simula ng Wakas



Nagsimula sa isang kaway
Isang kaway na bumago sa’king buhay
Sinundan ng isang ngiti
Ngiting di ako pinatutulog sa gabi

Kinabukasan, muling nagkita
Nagkausap at nagpakilala
Sinundan ng text kinagabihan
Doon nagsimula, ating pagkakaibigan

Sa bawat araw na ika’y kasama
Saya sa’king mukha ay di maipinta
Usapang umaabot nang magdamagan
Tila kulang ang 24 oras sa ating kuwentuhan

Para bang isang panaginip
Ang aking nakikita’t nadirinig
Para bang isang ilusyon
Ang mayroon tayo ngayon

Ngunit ang lahat ay may hangganan
Lahat ng masasaya’y may katapusan
Mga alalang biglang kinalimutan
Mula nang ako’y iyong iniwan

Nagtapos ang lahat sa isang kaway
Sinundan ng isang mukhang matamlay
Huli nating pag-uusap ay tungkol sa pasasalamat
At doon na nagwakas ang lahat

Literary: Migraine*



“Oo nga pala, hindi nga pala tayo...”

Ilang taon na tayong magkakilala. Ilang taon na rin tayong magkaibigan. Ang lahat ay nagtataka, kung tayo ba’y may pagtitinginan. Isa lang ang ating sagot, “WALA!”. Paano ba naman tayo magkakaron ng ganun, eh para tayong aso’t pusa kung mag-away, lagi pa tayong nag-aasaran at lagi tayong bu-bwisitan. Tsaka para na rin kaya tayong magkapatid. Pero, hindi rin naman ako magtataka kung ganun yung nakikita nila, sa ganda kong ‘to imposibleng hindi ka mag-kakagusto sa akin. Isa ka na siguro sa pinaka maswerteng tao sa mundo dahil sa akin. Biruin mo, may best friend ka na, may alalay at secretary ka pa!

Kung anong ikina-swerte mo sa akin, iyon naman ang ikina-malas ko sayo, lalo na tuwing may girlfriend ka. Ako ang laging naga-arrange ng dates niyo, ako ang pumipili ng isusuot mo tapos ako din ang alarm clock mo para lang hindi ka ma-late. Haaay, ka-stress ka talaga! Since sinagot ka na ng nililigawan mo, “who you” nanaman ako sa’yo. Hindi mo na ako tinatawagan, hindi na tayo nagkikita, hindi na tayo nagkakausap. Aba, pabor na pabor sa akin yun ah. Walang asungot na mangungulit sa akin araw-araw at gabi-gabi. Nakaka-miss ka rin pala. Dalawang linggo na tayong hindi nagkikita ah. Teka nga, matawagan nga.

“Hello, loverboy! Buhay ka pa ba? Baka naman gusto mong magpakita sa akin.”
“Sorry ah, hindi ako pwede ngayon, may lakad kami eh.”
“Ay, ganun ba. Sige ganyan ka naman eh, kilala mo lang ako pag single ka. Bye na nga!”
“Sorry na, babawi ako next time promise!”

Ouch! Bakit ganun, ngayon ko lang ‘to nararamdaman. Parang nasaktan ako dun ah. Ano nga ba ang karapatan ko, kaibigan nga lang pala niya ako.

“Hanggang dito na lang ako…”

Simula nung araw na yun parang may nag-iba sa sistema ko. Hindi ko maintindihan. Tinamaan ba ako dun sa sinabi niya? Pero lagi naman niya yun sinasabi eh. Anyare sa akin?

Ilang gabi ako hindi nakatulog. Hindi ko pa rin maisip kung bakit parang…parang nagseselos ako. WAIT, NAGSESELOS ako?! Imposible! Umayos ka nga! Kapatid mo na yun eh! Arghhhh!! Tumigil ka!

*kring! Kring! Kring!* (Hala, tumatawag siya. Bakit ngayon pa?!)
“Hello, lonely girl pwede ka ba bukas? Libre ko tara Streat tayo! Para naman makabawi ako”
“L-l-lover boy! Nabuhay ka! Himala naalala mo ako. Sayang naman, kung kalian ka naman pwede ako naman itong may lakad (wala akong lakad pero ayaw ko siyang makita) next time na lang ha. Sige na good night may exam pa ako bukas.”
“Sige, good night”

Ano ba naman ‘tong pinagsasabi ko! Para na yata akong nasisiraan ng bait. Yun na nga yung chance para magkita kami, tapos aayaw pa ako. Ugh! Ano ba talaga ‘tong nasa isip ko. Hindi, hindi talaga. Hindi talaga ako pwedeng magkagusto sa kaniya. Kaya dapat alam ko ang limitasyon ko. Dito ka lang, friends lang kayo. Sayang friendship tandaan mo yan, Lonely girl.

“… nangangarap na mapa-sayo.”

Di ko mapigilan ang sarili ko na i-stalk ka sa twitter, IG at tumblr. Di ka naman updated sa facebook kaya wala naman akong i-stalk sa’yo dun. Buti na lang kahit papaano may hitsura ka pero sa totoo lang umay na umay na ako sa mukha mo at sa syota mo. Kaumay talaga. Sobrang saya mo talaga ngayon. Kitang-kita naman sa mukha mo eh. Sa sobrang saya mo nakalimutan mo na ako. Kung pwede ko lang kayong paghiwalayin ginawa ko na para naman mapansin mo ulit ako.

Kahit na alam kong mali ‘tong nararamdaman ko sa’yo, hindi ko naman ‘to mapipigilan eh. Andiyan na yan. Bahala na nga kung anong mangyari. Pero isa lang ang malinaw sa akin ngayon, gusto kita. Gustong-gusto. Aabangan ko na lang ang susunod na kabanata ng buhay ko.

*Inspired by Moonstar88's Migraine