bluemoon,
Literary: Para Kay Lolo
Dear Lolo,
Ikaw ang aking naging pangalawang tatay. Lagi kang nagpapatawa. Hindi ko kailanman nakitang hindi ka nakangiti. Bata pa lang ako, ikaw na ang naghahatid-sundo sa akin kasama si lola dahil maraming ginagawa sina nanay. Tuwing tapos na ang klase namin, makikita ko ang polo shirt mong stripes na asul & puti at ang iyong maluwag na itim na pantalon. Tatakbo ako sa iyo at yayakapin ka nang mahigpit.
Lagi mong binibili ang paborito kong pagkain bago tayo umuwi, ikukwento ko sa ‘yo lahat ng nangyari sa araw ko, ipapakita ko sayo yung mga stars na nakukuha ko at mga matataas ng score sa mga gawain namin.Kung minsan may mga jokes ka na hinahanda para patawanin ako. Natatandaan kong tinanong mo ako kung anong kotse ang pinakamaliit. Nagtaka ako kung ano ang sagot. Hinintay mo akong mahulaan ito hanggang sa sumuko na ako. Ang sagot pala ay KOTSE-rita at ako naman ay tawang-tawa. Natatawa ako sa kahit anong mga jokes na sinasabi mo sa akin.
Pumunta ka sa Hakbang namin noong grade 6 at tuwang-tuwa ka sa akin dahil hayskul na ako sa susunod na pasukan. Pag-uwi natin sa probinsya,kinuwento mo sa mga kumpare mo na sobrang proud ka sa akin.‘Di ko mapigilang ngumiti sa sayang binibigay mo.
Ikaw ang lolo ko na laging nandyan sa akin masaya man o malungkot ako. Ano na lang kaya ang gagawin ko kung wala ka, Lolo. ‘Di ako makapaniwala kung gaano ako kaswerte na ikaw ang aking naging lolo.
Pero isang araw, nalaman kong nasa ospital ka dahil sa iyong sakit sa puso. Bumuhos ang luha ko dahil naisip ko, paano kung dumating ang araw na mawala ka na. Wala na akong katawanan, kaasaran, o kaya’y kasamang kumain ng mga paborito kong pagkain. Hindi ko kakayanin kapag iyon ay mangyari.
Nakita kita sa kuwartong nakahiga at may mga nakatusok sa iyong kamay at dibdib. Ngunit kahit ano pa ang nararamdaman mong sakit, hindi mo pinakitang mahina ka sa amin, lalo na sa akin. Lagi ka pa rin masaya at mapagbiro.
Isang gabi habang tulog ka, ‘di ko mapigilang maluha at hawakan ang iyong kamay. Sinasabi kong ‘wag ka munang aalis, bigyan mo muna ako ng oras na makasama ka. Bigla kang nagising at tinanong mo kung bakit ako umiiyak, hindi ako nakasagot sa lungkot. Pinatahan mo ako at niyakap.
Sinabi mong, “Ayaw kong nakikita kang malungkot, apo. Tandaan mo na lagi akong nandito para sa’yo kahit hindi mo na ako makita. Mahal na mahal ka ni Lolo, kaya tahan na, apo.” Hinawakan mo ang aking kamay at hinalikan mo ako sa noo. Nakatulog akong hawak ang iyong isang kamay habang ang kabilang kamay mo naman ay nasa aking likod.
Sa aking pagising ay nakita ko ang iyong tulog na muhka. Nagising ka rin at tiningnan ako nang matagal, hawak-hawak mo pa rin ang kamay ko at sinabi mong “Ang ganda ng aking apo. Kamuhka mo ang iyong lola.”
Nakangiti mo namang sinabi ang mga susunod na kataga “Salamat Panginoon at binigyan mo pa ako ng oras.” Nagtaka ako sa iyong sinabi at biglang pumikit ang iyong mata.
Umingay ang ECG at nag-flat line ito. Nagulat ako sa nangyari at hindi ko napigilang umiyak nang umiyak. Hinila ako ni lola dahil dumating ang mga doktor. Niyakap na ako ni lola at hinihimas ang aking likod upang ako ay kumalma. Sa aking pag-iyak, sinabi ng doktor na wala na si lolo. Wala na ang taong nang-aasar sa akin, wala na ang taong nagpapangiti sa mga araw na malungkot ako at wala na ang lolo kong laging nandyan para sa akin.
Lumipas ang mga araw malungkot pa rin ako ngunit unti-unti kong tinanggap ang lahat. Alam kong ikaw ay nasa isang paraiso na ngayon, kung saan hindi ka na mahihirapan. Hindi man kita nakikita ngunit nararamdaman ko pa rin na nandiyan ka lang, nakabantay sa akin. Salamat sa lahat ng masasayang araw na kasama kita at salamat sa Diyos na binigyan ka pa ng oras na manatili ka sa amin. Mahal na mahal kita lolo, hintayin mo na lang ako sa magandang paraiso kung nasaan ka ngayon.
Nagmamahal,
Ang iyong apo
Bakit mo ako pinapaiyaaak
ReplyDelete