Showing posts with label bluemoon. Show all posts

Literary: Kolehiyo? Kolehiyo.




Pebrero na. Napakaraming magaganap ngayong taon kahit na nagsisimula pa lang ang taon. Kaba at takot na ang bumabalot sa akin dahil sa mga paparating na resulta ng mga unibersidad na pinagkunan namin ng exam.

Unang linggo pa lamang napapaisip na ako sa tungkol sa aking magiging kolehiyo dahil maliit na ilabas ang mga resulta . Ang nakakatawa dito tatlong unibersidad lang ang pinagkunan ko ng exam: UP, Ateneo, at PUP. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman dahil hindi ko alam kung sapat na ang bilang ng mga unibersidad na pinagkunan ko ng exam.

Linggo ng hapon, nag-chat sa batch gc namin ang aking batchmate. Lumabas na raw ang resulta ng mga kumuha ng De La Salle University College Admission Test o DCAT. Nakita ko ang mga post ng aking mga batchmate na sila ay nakapasa.

Hindi ako nag-exam sa La Salle dahil una, ito ay malayo sa aking tinitirahan at pangalawa, mahal ang tuition fee rito. Kahit ganoon, tiningnan ko pa rin ang mga resultang sinend nila sa group chat at natuwa akong tingnan na marami sa kanila ang pumasa ngunit nakaramdam din ako ng lungkot at kaba. Maraming pumasok sa isip ko tulad ng papaano kung wala akong kolehiyong mapuntahan? Paano na ako?

Sa takot kong mabigo ang mga magulang ko at mapahiya sa buong batch at sa mga kaibigan ko, halos araw-araw akong umiiyak at nalulungkot. Parang kapag humaharap ako sa mga kaibigan ko ang bukambibig ko ay 'pag hindi ako nag-college magvo-vlog na lang ako sa youtube. Ang importante ay pagkatapos itatago ko sa tawa ang kaba at takot na nararamdaman ko.

Hanggang sa hindi ko na kinaya, kinausap ko na ang aking kaibigan at sinabing hindi ko na alam ang gagawin ko. Humaharap ako sa mga tao nang masaya at malakas, pero kapag nakatalikod na ako puro pagdadalawang–isip, lungkot, kaba, at takot ang nararamdaman ko. Binuhos ko lahat ng nararamdaman ko sa kaibigan ko. Ngunit ang mga binitawan niyang salita sa akin ang nakapagpagaan ng loob ko. Sinabi niyang hindi naman nasusukat ang aking pagkatao kung saan at gaano karaming unibersidad ang naipasa ko. Dagdag pa rito, sinabi niya rin na kahit anong mangyari ay proud silang mga kaibigan ko at mga magulang ko sa akin kung ano man ang kolehiyong mapuntahan ko. Ang importante ay ginawa ko ang aking makakaya. Mas nabuhayan akong maging positibo sa kung ano man mangyari sa akin sa kolehiyo. Kaya ko ito ginagawa ay para sa aking sarili, kaibigan at pamilya. Kaya hindi dapat ako nawawalan ng pag-asa sa kahit anong bagay. Patuloy akong aabante kahit sa mga pagkakataong pasuko na ako.

Literary: O Pag-ibig Mo




Harana. (Parokya ni Edgar)

“Puno ang langit ng bituin,
at kay lamig pa ng hangin.
Sa'yong tingin ako'y nababaliw giliw.
Isang magandang harana,
ang ibibigay sa'yo aking sinta.
Haranang magdadala,
Sa buhay na puno ng saya.”

Torete. (Moonstar88)

Sandali na lang
Maari bang pagbigyan
Aalis na nga
Maaari bang hawakan ang iyong mga kamay
Sana’y kasama kita sa aking paglalakbay
Handa akong isugal sa'yo ang aking buhay
Ngunit hindi na dahil ikaw ay nawalay


Dahil Mahal kita. (Boyfriends)

“At dahil mahal kita handa akong magparaya,
Kahit katumbas nito'y kasawian pa.
Dahil mahal kitasa 'yo lamang liligaya.
Dahil mahal kita,
satingin ko ay panahon na.
Upang ibigay sa’yo,
ang singsing na mahalaga.”


Araw-araw. (Ben&Ben)

Mahiwaga
Pipiliin ka sa araw-araw
Mahiwaga
Ang nadarama sa 'yo'y malinaw
Ikaw ang gusto kong natatanaw
Ang aking puso ay sa’yo nababalik
Alam mo ang pipiliin ko ay ikaw
ngunit ‘di na kita abot ng aking tanaw

Hawak-Kamay. (Yeng Constantino)

“Hawak-kamay,
di kita bibitawan sa paglalakbay,
Sa kinabukasan ng ating hinihintay
Tayong dalawa'y hindi na malulumbay,
Simula hanggang dulo'y 'di maghihiwalay.”

Kung ‘di rin lang ikaw. (December Avenue)

Kung hindi rin lang ikaw ang dahilan
Pipilitin ba ang puso kong hindi na masaktan?
Kung hindi ikaw ay hindi na lang
Pipilitin pang umasa para sa'ting dalawa
Wala akong hinanap na iba
Alam ko sa’yo ako magiging handa
Pero ako’y naging hangal

Panalangin. (Apo Hiking Society)

“Makapiling ka,
makasama ka.
‘Yan ang panalangin ko aking sinta.
Habambuhay,
Magmamahalan tayong tunay.
Ang buhay nati'y magkakakulay,
di nadidilim at lulumbay.”

Kahit maputi na ang buhok ko. (Rey Valera)

Kung tayo ay matandana
Sana'y di tayo magbago
Kailan man
Nasaanma'y ito ang pangarap ko
Gusto ko man maging tayo
Makasama ka sa tuwina
Ngunit ito’y ay malabo na



Ikaw. (Yeng Constantino)

“Ikaw ang pag-ibig na binigay,
sa akin ng Maykapal.
Biyaya ka sa buhay ko,
Ligaya't pag-ibig ko'y ikaw.

Ika’y mamahalin,
Tinig ko'y iyong dinggin.
Ika'y laging iisipin,
lahat ng pagsubok dalawa nating susuungin.”

Tagpuan. (Moira Dela Torre)
At nakita kita sa tagpuan ni Bathala
May kinang sa mata na 'di maintindihan
Tumingin kung saan
Sinubukan kong lumisan
Lahat ng ating pagsasama ay ‘di ko malilimutan
Nakita ko kung paano mo ako pinaglaban
Ngunit bibigyan na kita ng kalayaan


Hinahanap-hanap Kita (Rivermaya)

“Sa umaga't sagabi,
Sa bawat pagpihit ng tadhana.
Hinahanap-hanap kita.
‘Yan ang datikong ginagawa.
Ako ba'y masaya pa,
o maghahanap na lang kaya ng iba?”

Kisapmata. (Rivermaya)

Sa aking unang kisapmata,
Ikawagad ang aking unang nakita.
Sa aking pangalawang kisapmata,
Tila nawawala ka na.

Bawat salita mo’y naalala,
Mga sinabi mong sa aki’y nagpaniwala.
Ngayo’y nasaan ka na?
Iniwan mo akong lumuluha.


Di nanatuto. (Gary Valenciano)

Di na natuto,
ang puso kong ito.
Naiwan na namang mag-isa,
hahanap pa ba ng iba?
Mgasalita mong nagpapaalala,
Kakalimutan na kaya?
Naiwan ako sa ibaba,
nasaan ka na kaya?

Literary: Para Kay Lolo




Dear Lolo,

Ikaw ang aking naging pangalawang tatay. Lagi kang nagpapatawa. Hindi ko kailanman nakitang hindi ka nakangiti. Bata pa lang ako, ikaw na ang naghahatid-sundo sa akin kasama si lola dahil maraming ginagawa sina nanay. Tuwing tapos na ang klase namin, makikita ko ang polo shirt mong stripes na asul & puti at ang iyong maluwag na itim na pantalon. Tatakbo ako sa iyo at yayakapin ka nang mahigpit.

Lagi mong binibili ang paborito kong pagkain bago tayo umuwi, ikukwento ko sa ‘yo lahat ng nangyari sa araw ko, ipapakita ko sayo yung mga stars na nakukuha ko at mga matataas ng score sa mga gawain namin.Kung minsan may mga jokes ka na hinahanda para patawanin ako. Natatandaan kong tinanong mo ako kung anong kotse ang pinakamaliit. Nagtaka ako kung ano ang sagot. Hinintay mo akong mahulaan ito hanggang sa sumuko na ako. Ang sagot pala ay KOTSE-rita at ako naman ay tawang-tawa. Natatawa ako sa kahit anong mga jokes na sinasabi mo sa akin.

Pumunta ka sa Hakbang namin noong grade 6 at tuwang-tuwa ka sa akin dahil hayskul na ako sa susunod na pasukan. Pag-uwi natin sa probinsya,kinuwento mo sa mga kumpare mo na sobrang proud ka sa akin.‘Di ko mapigilang ngumiti sa sayang binibigay mo.

Ikaw ang lolo ko na laging nandyan sa akin masaya man o malungkot ako. Ano na lang kaya ang gagawin ko kung wala ka, Lolo. ‘Di ako makapaniwala kung gaano ako kaswerte na ikaw ang aking naging lolo.

Pero isang araw, nalaman kong nasa ospital ka dahil sa iyong sakit sa puso. Bumuhos ang luha ko dahil naisip ko, paano kung dumating ang araw na mawala ka na. Wala na akong katawanan, kaasaran, o kaya’y kasamang kumain ng mga paborito kong pagkain. Hindi ko kakayanin kapag iyon ay mangyari.

Nakita kita sa kuwartong nakahiga at may mga nakatusok sa iyong kamay at dibdib. Ngunit kahit ano pa ang nararamdaman mong sakit, hindi mo pinakitang mahina ka sa amin, lalo na sa akin. Lagi ka pa rin masaya at mapagbiro.

Isang gabi habang tulog ka, ‘di ko mapigilang maluha at hawakan ang iyong kamay. Sinasabi kong ‘wag ka munang aalis, bigyan mo muna ako ng oras na makasama ka. Bigla kang nagising at tinanong mo kung bakit ako umiiyak, hindi ako nakasagot sa lungkot. Pinatahan mo ako at niyakap.

Sinabi mong, “Ayaw kong nakikita kang malungkot, apo. Tandaan mo na lagi akong nandito para sa’yo kahit hindi mo na ako makita. Mahal na mahal ka ni Lolo, kaya tahan na, apo.” Hinawakan mo ang aking kamay at hinalikan mo ako sa noo. Nakatulog akong hawak ang iyong isang kamay habang ang kabilang kamay mo naman ay nasa aking likod.

Sa aking pagising ay nakita ko ang iyong tulog na muhka. Nagising ka rin at tiningnan ako nang matagal, hawak-hawak mo pa rin ang kamay ko at sinabi mong “Ang ganda ng aking apo. Kamuhka mo ang iyong lola.”

Nakangiti mo namang sinabi ang mga susunod na kataga “Salamat Panginoon at binigyan mo pa ako ng oras.” Nagtaka ako sa iyong sinabi at biglang pumikit ang iyong mata.

Umingay ang ECG at nag-flat line ito. Nagulat ako sa nangyari at hindi ko napigilang umiyak nang umiyak. Hinila ako ni lola dahil dumating ang mga doktor. Niyakap na ako ni lola at hinihimas ang aking likod upang ako ay kumalma. Sa aking pag-iyak, sinabi ng doktor na wala na si lolo. Wala na ang taong nang-aasar sa akin, wala na ang taong nagpapangiti sa mga araw na malungkot ako at wala na ang lolo kong laging nandyan para sa akin.

Lumipas ang mga araw malungkot pa rin ako ngunit unti-unti kong tinanggap ang lahat. Alam kong ikaw ay nasa isang paraiso na ngayon, kung saan hindi ka na mahihirapan. Hindi man kita nakikita ngunit nararamdaman ko pa rin na nandiyan ka lang, nakabantay sa akin. Salamat sa lahat ng masasayang araw na kasama kita at salamat sa Diyos na binigyan ka pa ng oras na manatili ka sa amin. Mahal na mahal kita lolo, hintayin mo na lang ako sa magandang paraiso kung nasaan ka ngayon.

Nagmamahal,
Ang iyong apo

Literary: Bahaghari




Ang dami kong gustong sabihin sa’yo
Bawat kulay sa bahaghari ay mapagkukumparahan ko
Ikaw ang nagbibigay ng kulay sa aking buhay
Kaya naman sa’yo ako’y patay na patay

Isa kang kulay pula dahil ikaw ang aking iniibig
Ikaw ay ang lagi kong bukambibig
Kapag nakikita ka, ako’y namumula sa kilig
Kaya di ko mapigilang sa ‘yo ay mapatitig

Kahel naman dahil determinado akong piliin ka
Kahit maging sino o ano ka pa
Hindi magbabago ang pagtingin ko sa’yo
Dahil ikaw rin ay kaibigang minamahal ko

Dilaw, ikaw ang nagbibigay ng saya at liwanag sa aking buhay
Binibigyan mong galak ang kahit anong bagay
Ayaw mong nakikita akong malungkot
Kaya naman ang aking puso’y lumalambot

Berde dahil pakiramdam ko ‘pag kasama kita, ligtas ako
Hindi ko kailangan baguhin ang sarili ko para sa’yo
Kilalang-kilala mo ako mula ulo hanggang paa
Kaya hindi kita ipagpapalit kahit kanino pa

Asul ang lungkot tuwing kulang ang panahon sa isa’t isa
Hindi na tayo makahanap ng oras dahil sa dami ng ginagawa
Ngunit naiintindihan kong kailangan nating unahin ang pag-aaral
Ayos lang dahil ikaw naman para sa akin ay espesyal

Indigo, handa akong suportahan ka sa lahat ng bagay
Dahil dito, tayo’y mas magiging matibay
Makikilala pa natin nang mas mabuti ang ating mga sarili
Para hindi mapunta ang ating direksyon sa mali

At huli, lila, marami ang nagtataka kung bakit ikaw
Para sa aking puso ikaw ang sinisigaw
Hindi mo pinaramdam na hanggang magkaibigan lang tayo
Dahil pinapasok mo ako sa iyong puso