bluemoon,
Literary: Kolehiyo? Kolehiyo.
Pebrero na. Napakaraming magaganap ngayong taon kahit na nagsisimula pa lang ang taon. Kaba at takot na ang bumabalot sa akin dahil sa mga paparating na resulta ng mga unibersidad na pinagkunan namin ng exam.
Unang linggo pa lamang napapaisip na ako sa tungkol sa aking magiging kolehiyo dahil maliit na ilabas ang mga resulta . Ang nakakatawa dito tatlong unibersidad lang ang pinagkunan ko ng exam: UP, Ateneo, at PUP. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman dahil hindi ko alam kung sapat na ang bilang ng mga unibersidad na pinagkunan ko ng exam.
Linggo ng hapon, nag-chat sa batch gc namin ang aking batchmate. Lumabas na raw ang resulta ng mga kumuha ng De La Salle University College Admission Test o DCAT. Nakita ko ang mga post ng aking mga batchmate na sila ay nakapasa.
Hindi ako nag-exam sa La Salle dahil una, ito ay malayo sa aking tinitirahan at pangalawa, mahal ang tuition fee rito. Kahit ganoon, tiningnan ko pa rin ang mga resultang sinend nila sa group chat at natuwa akong tingnan na marami sa kanila ang pumasa ngunit nakaramdam din ako ng lungkot at kaba. Maraming pumasok sa isip ko tulad ng papaano kung wala akong kolehiyong mapuntahan? Paano na ako?
Sa takot kong mabigo ang mga magulang ko at mapahiya sa buong batch at sa mga kaibigan ko, halos araw-araw akong umiiyak at nalulungkot. Parang kapag humaharap ako sa mga kaibigan ko ang bukambibig ko ay 'pag hindi ako nag-college magvo-vlog na lang ako sa youtube. Ang importante ay pagkatapos itatago ko sa tawa ang kaba at takot na nararamdaman ko.
Hanggang sa hindi ko na kinaya, kinausap ko na ang aking kaibigan at sinabing hindi ko na alam ang gagawin ko. Humaharap ako sa mga tao nang masaya at malakas, pero kapag nakatalikod na ako puro pagdadalawang–isip, lungkot, kaba, at takot ang nararamdaman ko. Binuhos ko lahat ng nararamdaman ko sa kaibigan ko. Ngunit ang mga binitawan niyang salita sa akin ang nakapagpagaan ng loob ko. Sinabi niyang hindi naman nasusukat ang aking pagkatao kung saan at gaano karaming unibersidad ang naipasa ko. Dagdag pa rito, sinabi niya rin na kahit anong mangyari ay proud silang mga kaibigan ko at mga magulang ko sa akin kung ano man ang kolehiyong mapuntahan ko. Ang importante ay ginawa ko ang aking makakaya. Mas nabuhayan akong maging positibo sa kung ano man mangyari sa akin sa kolehiyo. Kaya ko ito ginagawa ay para sa aking sarili, kaibigan at pamilya. Kaya hindi dapat ako nawawalan ng pag-asa sa kahit anong bagay. Patuloy akong aabante kahit sa mga pagkakataong pasuko na ako.
0 comments: