Elliot,

Literary: Annual Peryahan sa Barangay Larangan

2/28/2020 09:20:00 PM Media Center 0 Comments






Alas-kwarto na ng hapon nang dumating mula sa eskwelahan ang mga batang nais makilahok sa mga larong inihanda ng peryahan. Ang mga estudyante ay nagsitakbuhan patungo sa mga sakayan at iba’t ibang booth na pumukaw sa kanilang interes. Sa gilid ng entrance malapit sa barrier, makikita mo akong tila hindi mapakali. Sinusuri ko ang bawat taong lumalabas at pumapasok sa perya, hinahanap ko ang matangkad na chinitong nakasalamin at kung manamit ay parang napag-iwanan na ng panahon. Labinlimang minuto na ang nakalipas at napansin na ako ng aking inay, ang pinuno ng komite para sa pagdiriwang na ito. 


“O, Kiko, anak, bakit nariyan ka lang? Ito oh, isandaang piso, maglaro ka dun sa color game na paborito mo.”


“Sige lang Ma, pupunta rin ako roon mamaya, inaantay ko lang si Charles, iyon ay kung darating siya.


“O, basta huwag kalimutang mag-enjoy ah. Marami pa akong gagawin, kung kailangan mo ako, may cellphone ka naman na, tawagan mo lang ako.” 


Umupo ako sa tabi ng ticket booth at ipinagpatuloy ang paghahanap. Kapag 5:30 pm na at wala pa rin siya, hindi na ako aasa. Makalipas ang ilang minuto, nag-text si Charles.


“Magpeperya ka ba? Magperya ka na! Pupunta ako!” Hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Biglang bumilis ang tibok ng aking puso at nanumbalik ang sigla sa aking mukha.


Siyam na taon pa lamang kami noon nang magsimula ang ‘Annual Peryahan sa Barangay Larangan’. Sobrang mahiyain pa ako noon, takot akong makipaglaro sa ibang mga bata, at laging akong nakabuntot kay Mama. Bilang isa siyang miyembro ng komite, marami siyang inaasikaso kaya nama’y naiwan akong mag-isa sa tent. Nilapitan mo ako at kinukulit, bilang isang naturang pikon, pinatulan ko ang pang-aasar mo at naghabulan na tayo. Hanggang sa naglalaro na tayo sa iba’t ibang booths, lalo na sa baril-barilan kung saan nagpaparamihan ng napatumbang laruan. Aaminin ko, isa ito sa mga paborito kong araw ng buhay ko.

Kahit isang beses kada taon lamang tayo nagkikita, natutuwa ako na hindi nagbabago ang sigla na ibinibigay natin sa isa’t isa.


Labintatlong gulang na tayo noon at pinayagan na tayong sumakay ng rides. Halata sa mga mukha natin na kabadong-kabado tayo kahit nakapila pa lamang tayo sa “Poseidon”. Bago pa magsimulang gumalaw ang sakayan, hinawakan mo ang aking kamay at kailanma’y hindi mo ito binitiwan. Hindi ko alam kung bakit pero biglang bumilis ang tibok ng aking puso, biglang bumagal ang mundo at ikaw lang ang nakikita ko. Niyakap mo ang braso ko at bigla kang umiyak. Natatawa ako nung una dahil para kang ibon kung umiyak ngunit nag-aalala na ako nang nagpatuloy kang umiyak kahit tapos na ang ride. Umupo tayo sa gilid at nang huminahon ka na, ikinuwento mo sa akin ang mga nangyayari ngayon sa iyong tahanan at ang mga problema mo sa eskwelahan. Hindi ko alam kung bakit at papaano ngunit pagkatapos mong magkwento ay nag-iba ang pagtingin ko sa’yo.


Labinlimang taong gulang na tayo at hindi pa rin umaalis ang kakaibang nararamdaman ko para sa iyo. Kapag nakikita kita, bumibilis ang tibok ng aking puso, namamawis ang aking mga kamay, at iba ang saya na aking nadarama. Sa puntong ito, litong-lito na ang isip at puso ko. Buong buhay ko, lagi akong sinabihan na ang lalaki ay para sa babae lamang kaya hindi ko malaman kung bakit ganito ang nararamdam ko para kay Charles.

Nung sumunod na taon, hinintay kita buong gabi ngunit ‘di ka sumipot. Napuno ako ng galit at lungkot. Dito ko napagtanto na iba na nga ang nararamdaman ko para sa’yo. Nangako ako sa sarili ko na sa susunod na taon, kapag nandito ka, aamin ako sa aking tunay na nararamdaman ngunit kung wala ka, itatago ko na lamang ang damdaming ito. Malay mo, yugto lang talaga ito at lilipas din, tulad ng sabi ng iba.  


Naramdaman kong nag-vibrate ulit ang phone ko at bigla akong napatayo sa tuwa.


“Kiko asan ka? Nandito na ako sa may entrance.”


“Nandito ako sa may ticket booth, teka bakit hindi kita nakita? Hahaha! May sasabihin pala ako. Ayun nakita na kita, puntahan kita, bye.”


“Uy Kiko! Kumusta ka na? Sorry wala ako last year, busy lang talaga ako sa school.”


“Ah Charles, Kasi -- “


“Ay oo nga pala! May ipakikilala ako”


“Ha?”


“Si Monica, girlfriend ko.”


Dumating ang isang babaeng may hawak na corndog at ngumiti.


“Uy, hi! Ang swerte naman ni Charles sayo, you’re very pretty."


“Hello po! Ikaw pala si Kiko, lagi kang nakukwento ni Charles.”


“Tsk. Nako, never ka niyang naikwento sa ‘kin, payag ka dun? Hahaha. Anyways, kailangan ko nang umuwi. Pinapauwi na ako ni Mama”


Ha, akala ko head ng committee si Tita, at saka may sasabihin ka pa ‘di ba?”

“Ah, eh, hindi, este, tinatawag na ako nung labahin namin sa bahay. Alam mo naman si Mama, nagiging leon kapag hindi nasusunod ‘yung mga utos niya. Alam mo 'yan. At saka yung sasabihin ko, wala lang 'yun kumpara sa balita mo. Hahaha! Sasabihin ko sana maganda yung mga banda na inimbita ni Mama. Hahaha! Monica, pro tip, huwag kayo sasakay sa Poseidon, iyakin yang si Charles. Hahaha! Sige mauuna na ako, mag-enjoy kayo!

You Might Also Like

0 comments: