filipino,
Literary: Liham
Aking minamahal,
Kumusta? Kumain ka na ba? Anong oras ka natutulog? Maligaya ka na ba?
Hindi naging madali ang iyong paglalakbay. Humarap ka sa mga mababatong daanan, matataas na bundok, at malalakas na bagyo. Sana'y sa dulo ay makahanap ka ng kapayapaan. Sa iyong paglalakbay, marami kang naging mga kaibigan at malalapitan ngunit sana'y matandaan mong hindi kita iniwan. Sa mga panahong nabasag ka ay tinulungan kitang mabuong muli. Sabay tayong lumaban sa mga pagkakataong wala tayong ibang maasahan.
Ngayong nasa bagong kabanata ka ng iyong buhay, humanap ka ng mga bagay na makapagpapasaya sa’yo. Ang kasiyahang tuturuan kang lumangoy sa dagat ng problema at handa kang hatakin sa kadiliman ng kalungkutan. Kilalanin mo ako at sabay tayong tutuklas ng mga bagay na makapagbibigay sa atin ng ligaya. Kilalanin mo ang mga nagpapalakas at humihila sa atin pababa. Sa prosesong iyon, magiging matatag tayo at matutunan mo na rin akong pagkatiwalaan.
Tanging ako lamang muna ang iyong mahalin sapagkat hindi ka pa handa para sa isang pagmamahal na kasama ang ibang tao. Ako muna bago ang iba! Tunog makasarili ngunit darating din ang araw na iyong mauunawaan ang aking nais iparating.
Balang araw, sa panahong natutunan mo na akong mahalin, hindi ka na mahihirapan pang maglakad at sumulong sa mga daanang ibibigay sa’yo ng buhay.
Nagmamahal,
Sarili
0 comments: