filipino,
Literary: Pamamaalam
Sana magkita rin tayo sa perya. Kahit magparamdam ka lang sa akin, sapat na ‘yun. Iparamdam mo lang sa akin na nariyan ka sa aking tabi, hawak-hawak ang aking kamay at buong liksi mong sinasabi ang lahat ng iyong mga gustong laruin o puntahan. Gusto kong makita na masaya ka sa regalong inihanda ko para sa iyong kaarawan noong nakaraang buwan.
Nakabili ako ng 2 ticket. Isa sa iyo, isa para akin. Sana’y maging sulit iyan para sa iyo. Kahit saan mo gustong pumunta, okey lang sa akin. Kung saan ka masaya, susuportahan kita.
Alam ko rin kasing hindi ka naging masaya noong mga araw na iyon. Kaya eto, sulitin mo muna bago ka tuluyang umalis.
Pero bago ka umalis sa aking piling, pasukin na natin ang perya.
Malaki ang perya. Puno ng tao at napakagulo. May kani-kaniyang lakad ang bawat isa at malaya silang mamili kung ano-anong bagay ang pwede nilang gawin habang nasa loob nito. May gustong maglaro, may gustong tumambay, may gustong bumili ng pagkain, may gustong makipag-picture at marami pang iba. Tulad ng sabi ko, magulo ang perya dahil may kani-kaniyang gawain ang tao. Ngunit ang kaguluhang ito ang siyang nagdudulot ng kagandahan sa perya.
Isipin mo na lang kung ano ang kinaibahan ng peryang maraming tao sa peryang walang kahit isang tao. Siyempre, mas masaya ang perya kapag may mga tao di ba? Kapag wala ang mga tao, baka hindi na perya ang tawag doon. Siguro parang itong isang abandonadong gusali na kailangan nang gibain o sasakyang tumirik na at kinakailangang itapon. Mawawalan ng halaga ang perya kapag nawala ang mga tao.
Sige, para makapagdesisyon ka na kung saan mo gustong pumunta, libutin muna natin ang buong perya.
Eto, merry-go-round. Alam mo kung anong ginagawa rito? Pipili ka lang ng kabayo tapos sasakyan mo. Maaari kang mahilo ngunit maaari ka rin namang maging masaya sa kaiikot. Pero siyempre, di mo maiiwasang magsawa kung paikot-ikot ka lang.
Umupo ako sa kulay asul na kabayo at hinawakan ang tubong nakakabit dito. Matapos i-on ni manong ang switch, unti-unting umusad ang merry-go-round at nagsimulang umikot.
Habang umiikot, may naririnig akong musika sa background. Tuwang-tuwa naman ang mga kasama ko sa paligid. May kumukuha ng litrato, may nagtatawanan, may kumakain ng cotton candy habang nakasakay, at ang iba naman ay tulad kong tahimik lang na nakasakay at tumitingin sa paligid habang umiikot ang merry-go-round. Wala akong masyadong nakita. Puro mga taong palakad-lakad lang na abalang-abala sa kani-kanilang mga ginagawa. May mga magulang na hinahabol ang anak, may mga magkakabarkadang nagsisitawanan, at may mga batang naghahabulan. Ang iba naman ay tahimik naglalakad patungo sa kanilang ninanais na puntahan.
Maganda namang manood ng mga tao habang umiikot ang merry-go-round. Kaya lang, madali akong mabagot at magsawa sa aking ginagawa. Para bang gusto kong umalis sa aking kinalalagyan at sumama sa kanilang mga ginagawa.
Ngayon, dahil nagsawa na tayo, maghanap pa tayo ng mapupuntahan. Heto, roller coaster. Mataas, matarik, at mapapasigaw ang mga tao tuwing bumubulusok bigla ang kanilang cart. Nakakatakot nga sa unang tingin at unang pagsakay, pero habang tumatagal, mas nagiging masaya. Ngunit ang uri ng kasiyahang ito ay naiiba sa kasiyahang naidudulot ng pagtingin lamang sa iyong paligid tulad ng kapag ikaw ay nasa ferris wheel. Mas nagpapagising, at nagbibigay sa iyo ng thrill at higit na mas masaya kaysa sa merry-go-round. Binigyan ko ng coupon si kuya na nakabantay sa roller coaster. Umupo ako sa bandang harap at isinuot ang seatbelt na nakakabit dito.
Nang mapuno na ang cart, nagbigay ng signal si kuya na maaari nang umandar ang aming sasakyan. Kumapit ako nang mahigpit sa gilid ng aking upuan, at nagdasal habang mabagal na umaakyat ang cart sa riles. Ang mga tao sa aking likod ay tumatawa sa nerbiyos, habang ang iba naman ay sumisigaw na. Randam na randam ko ang lamig ng hangin na humahampas sa aking mukha, at ang panginginig ng aking katawan. May halong takot at pananabik ang aking pakiramdam habang umaakyat ang naturang cart.
Nang nakarating ito sa pinakatuktok ng riles, ako’y napapapikit at sabay huminga nang malalim. . .
Biglang bumulusok ang cart. Mas lumakas ang hiyawan ng mga tao, at mas lumakas ang ihip ng hangin na tumatama sa aking mukha. Mas nanigas ang aking katawan at hindi ko napigilang mapasigaw sa pangyayari. Nakakatakot nga, pero masaya!
Mabilis lang ang pangyayari, at ilang minuto lang ay nasa ibaba na kami. May mga nahilo, may mga tumawa at may mga mangiyak-ngiyak pa sa labis na nerbiyos.
Nang umalis na ako mula sa aking cart, napatawa rin ako. Nawalan ako ng boses sa kasisigaw at nanghina rin ang aking katawan. Pero kahit ganoon ay mas nag-enjoy naman ako.
Ikaw? Sana hindi ka na natatakot ngayon. Tara, tumungo naman tayo sa mga palaruan. Doon tayo sa “shooting range” booth ng perya.
Ang ganda, ang daming stuffed toy na nakasabit sa booth. May mga lobong nakadikit sa likod na bahagi ng tent. Binigyan ako ng pulang baso na gawa sa plastik. Ito’y naglalaman ng limang piraso ng maliliit na spikes. Ayon kay kuya, kailangan ko raw ibato itong mga spikes papunta sa lobong nais kong paputukin. Kapag naputok ko ang isa at may lumabas na makikinang na bagay ay may mapapanalunan akong premyo.
Kinuha ko ang isa sa mga spikes. Tiningnan ko ang mga lobo at isa-isang kinilatis ito. Nang nakapili na ako ng lobo ay saka ko inihagis ito.
Mula una hanggang pangatlong hagis, nalaglag lang ang lahat ng mga ibinabato ko. Sa ikaapat na hagis, muntikan na. Sa huling hagis, itinutok ko nang maigi ang aking pamutok at saka ko muling inihagis.
Doon ako pinalad. Nanalo ako ng isang kulay luntiang bear stuffed toy na may puting lasong nakatali sa leeg nito. Mahigpit kong niyakap ang aking premyo.
Umupo ako sa may bangketa sa perya at nagmuni-muni sa mga nangyari ngayong araw. Tunay ngang marami akong matutunghayan sa pagpunta ko sa lugar na ito. Upang magpaalam sa aking kaibigang tuluyan nang aalis, ito na ang naging mensahe ko sa kaniya...
Kung may nangyaring masama sa atin, huwag tayong sumuko kaagad. Ang buhay ay para lang isang perya. Ano ang saysay ng buhay kung itatago mo lang ang iyong sarili mula sa ibang tao? Magiging katulad mo lang yung mga nasa merry-go-round, paikot-ikot ka lang sa iyong ginagawa. Walang pinagbago, kasi pinanonood mo lang ang mga tao. Kung lumabas ka, huwag kang matakot na masaktan. Tingnan mo nga yung sa ferris wheel, ang saya-saya mo kahit nakakatakot na sumakay rito. Natatakot ka na magkamali? Iyan ang “shooting range” natin. Patuloy ka lang sa paghagis ng spikes hanggang sa makamit mo ang iyong “target”.
‘Ika nga nila, “Life is not a contest. But rather, a playground.”
Hinubad ko ang itim kong jacket, at suot ko na ngayon ang kulay dilaw kong damit nang may kasamang ngiti. Hindi na ako magtatago. Hindi ko pagsisisihan itong buhay na ito. Matapos huminga nang malalim ay lumisan na ako sa perya upang ipagpatuloy ang aking buhay nang puno ng ligaya.
0 comments: