ampersand,
Literary: Bagong Alaala
“Ayoko, mapapagod lang ako d'yan.”
“Dali na!” pilit mo.
“E, ayoko nga!” Sagot ko sa text mo.
“Bakit naman? Minsan na nga lang ako mag-aya ayaw mo pa.”
“Mapapagod nga lang ako d'yan, isa pa, magsasayang lang ako ng pera at oras.”
“Ito naman minsan lang… E kung libre ko?”
Napaisip ako. Sa katunuyan, ayaw ko lang naman pumayag dahil natatakot ako—hindi pa kasi ako nakapupunta sa kahit anong peryahan. Sabi ng iba kong kaibigan, masaya raw roon, may rides, may mga palaro, at isa pa, maraming tao. Pero kung ikaw naman ang makakasama ko sa una kong punta sa peryahan, bakit naman hindi?
“Sige na nga!”
Bilang alas-otso ng gabi nagbubukas ang peryahan at pasado alas-syete na, nagmadali na ako sa pagkilos—kumain, naligo, nagbihis, nag-ayos, nag-toothbrush, at umalis.
Pagdating ko sa waiting shed, tinawagan kita upang tanungin kung nasaan ka na, “Andito na ako sa waiting shed, nasaan ka na?”
“Malapit na ako, teka lang, mga 5 minuto pa.”
“Bilisan mo a!”
“Oo na! Eto na nga o, pinapalipad ko na si manong drayber!”
Hindi ako nakasagot kaagad dahil hindi ko mapigilan ang aking pagtawa. Iyon ang isa sa mga nagustuhan ko sa’yo—ang angkin mong sense of humor. Hindi ko alam kung bakit kahit hindi naman ganoong nakatutuwa ang sinasabi mo, automatic na natatawa ako, bentang-benta pa nga sa akin e.
“Sige na, ibaba ko n—”
“Ito na ‘ko, nakikita na kita.”
Binaba ko na ang telepono at nakita kitang kumakaway-kaway mula sa malayo. Sinenyasan kita para bilisan mo ang ‘yong paglakad habang pinipigil ang tuwa na aking nararamdaman.
“O, halika na bilis! Nagsisimula nang humaba ang pila sa bilihan ng tiket!”
“Anong bilis? E ikaw nga yung maaga dumating tapos ang bilis mo pa maglakad ‘di ba?” pabiro na may halong inis kong sagot.
Habang nakapila, tumitingin ako sa palagid at napansin kong totoo nga na maraming tao sa peryahan at ako’y nag-alala. Paano kung mawala ako? Bahala na, sigurado namang hindi mo ako hahayaang mawala.
“Halika na! Pasok na tayo!” At hinatak mo ako papasok ng peryahan na naging sanhi ng aking kilig.
Paano ba magpigil ng kilig? Ikaw? Hahawakan? Ang? Kamay? Ko? Mukhang magiging masaya ang gabing ito!
“O, saan tayo magsisimula?” Tanong ko.
“Saan mo ba gusto?”
“Ikaw bahala… First time ko nga rito ‘di ba?” Paalala ko.
Nagsimula tayo sa mga simpleng laro para “mag-warm up” sabi mo. Nagbato ng mga bola para itumba ang mga lata, nag-shoot ng mga rings sa mga bote, nagtapon ng mga barya, at bumaril ng mga target. Exciting lalo na dahil may pag-asang makakukuha tayo ng premyo. Pero mas nagalak ako dahil nakikita ko ang lahat ng iyong mga ngipin dahil sa laki ng iyong ngiti.
“Naka-warm up ka na?” Tanong mo.
“Oo! Ready na ako!” At nagpatuloy tayo sa susunod na atraksyon.
“Vikings!” Laking gulat ko habang nakaturo, ‘yon kasi ang ride na ikinuwento sa akin ng mga kaibigan ko nung isang araw. Ano kayang pakiramdam na sumakay d’yan?
Nakasusuka—ang sagot ko sa sarili kong tanong bago kami sumakay. Feeling ko mawawalan ako ng malay habang pababa ng Vikings pero okey lang, ikaw naman ang umaalalay sa akin.
“Kaya mo pa?”
Dahil sa hilo, tango na lang ang nagawa ko.
“Gusto mo ba sumuka?”
“H-hindi… kaya ko pa…”
“Sigurado ka a…”
Pagkatapos, dinala mo ako sa Oktopus. Nakapagtataka, dahil ito ang unang beses kong makakita ng ganitong ride, never ko rin itong narinig. Habang nakapila, bakas sa aking mukha ang pagtataka at kaba sa kung ano ang mangyayari sa ride na ito. Paakyat ng ride, palakas nang palakas ang tibok ng aking puso dahil sa kaba. Nagsimula na ang paggalaw ng oktopus at sinimulan ko na rin ang pagsigaw para mailabas ang kaba sa aking dibdib.
“Grabe, hindi ko kinaya!” Biro ko.
Wala kang ibang sinagot bukod sa paghagikgik mo habang nakatingin sa akin. Ang cute mo pala talaga ano?
“Pwedeng magpahinga muna tayo? May bilihan ba ng pagkain dito? O kung saan pwede umupo?” Tanong ko sa’yo dahil sa pagod.
“Sige, pahinga muna tayo. Sabihin mo sa akin kung gusto mo nang magsimula ulit.”
Syempre, hindi naman pwedeng iwan muna kitang mag-isa, kaya nagpasama akong kumain at tumitig sa kalawakan. Kalawakan na nakikita ko lang sa ’yong mga mata.
“Halika na, ayos na ako.”
Ngumiti ka’t tinulungan mo akong tumayo para pumunta sa horror house.
Iba-iba pala ang mararamdaman mo sa peryahan, ‘no? Ngayon, grabeng takot naman ang aking nadarama.
“Basta sa likod lang kita lagi, ha?”
Hindi ako nakakibo. Teka lang. Gusto mo rin kaya ako?
Sigaw rito, sigaw roon, at kapit sa ’yo ang tanging nagawa ko habang binabaybay ang daan palabas sa horror house. Grabe, feeling ko ikaw si Superman at ako naman si Lois Lane. Sana horror mansion na lang ang pinuntahan natin para mas matagal ang oras kong nakakapit sa ‘yo.
Pagkalabas sa horror house, tinanong mo ako, “handa ka na ba para sa huli nating atraksyon?”
Sabay tayong tumungo sa ferris wheel. Iba-iba ang aking nararamdaman habang papalapit nang papalapit dito. Hindi ko alam kung dahil ba sa takot, kaba, o dahil ito na ang huli nating pagsasamahan. Mukhang mas tama ang pinakahuling dahilan.
Sa ating pagpila, pagsakay, sa unti-unting pag-akyat, at hanggang sa patuloy na pag-ikot ng ferris wheel, hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama. Gusto nga kita.
“Gusto mo rin kaya ako?” Naku, napalakas yata ang sigaw ng utak ko.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, sumagot ka, “Oo.”
“Matagal na.” Dagdag mo.
Nabigla ako sa aking narinig at napatulala hanggang sa hindi ko namalayan, pinabababa na pala tayo.
“Uwi na tayo?” Tanong ko.
“Sige...”
“Ingat!”
“Ingat ka rin, marami pa tayong pag-uusapan.”
0 comments: