filipino,

Sports: UPIS, wagi kontra UE sa High School Basketball Tournament

2/07/2020 08:10:00 PM Media Center 0 Comments



TAGUMPAY. Bakas ang emosyon sa mukha ni Aldous Torculas matapos maitira ang huling 3-point shot. Photo credit: The UAAP (Facebook Page)

Sabay-sabay napasigaw ng "Atin to!" ang UP crowd sa pagkapanalo ng UPIS Junior Maroons kontra UE Junior Warriors sa kanilang huling laro sa UAAP 82 High School Basketball Tournament na ginanap sa Filoil Flying V Center noong Pebrero 5, 2020.

Sa unang dalawang minuto ng laro, nagpakawala na kaagad si Aldous Torculas ng 3-point shot na maya-maya'y sinundan ni Jordi Gomez de Liano na nakaambag na ng 12 puntos sa koponan sa iskor na 21-8. Hanggang sa huling minuto ng kwarter, hindi pa rin natitibag ng Junior Warriors ang Junior Maroons na lamang ng 15 puntos.

Sa pangalawang kwarter, nagpasiklab ng 2-point shot si Collin Dimaculangan na naging dahilan ng 16 puntos na lamang ng UPIS at tumira pa ng suwabeng 3-point shot sa iskor na 36-19. Sa huling limang segundo ng kwarter ay nag-init ang laro at nakatatlong puntos si Jonas Napalang na tinapos ang unang semestre sa iskor na 59-32, 27 points na lamang ng UPIS kontra UE.

Ang Junior Warriors ang unang nakapuntos sa ikatlong kwarter pero agad namang bumawi ang Junior Maroons sa magkasunod na pag-iskor nina Jelo Canillas at Dimaculangan. Nagpaulan din ng magkakasunod na 3-point shot sina Ray Torres at Dimaculangan na nagresulta sa 34 puntos na lamang ng UPIS.

Tambak ang iskor ng UE sa pagbubukas ng huling kwarter ng laro pero hindi nakampante ang Junior Maroons na patuloy na lumaban. Nagpakawala si Abel Lopez ng magkasunod na 2 at 3-point shots ngunit pagdating sa iskor na 82-50, tumindi ang laban noong unti-unting nakahabol ang UE. Sa huling dalawampung segundo ng laro, 1 puntos na lang ang pagitan ng UE at UPIS ngunit nagpakawala ng 3-point shot si Torculas at sa iskor na 86-81, nagwagi ang Junior Maroons sa mainit na laro.

"Sobrang proud ako sa sarili ko kasi dahil dun [huling 3-point shot], na-stop namin yung momentum ng UE and yung shot na ‘yun, hindi 'yun para sa ‘kin, para 'yun sa team, sa buong UP community, and of course sa family ko din. Thank you," saad ni Aldous Torculas. //ni Rochelle Gandeza at Rain Tiangco

You Might Also Like

0 comments: