filipino,

Literary (Submission): Pebrero 14

2/14/2020 09:31:00 PM Media Center 0 Comments




Pebrero 12

Aba, kaybilis talaga ng panahon, malapit na naman ang Araw ng mga Puso. Naglilipana na naman ang kanya-kanyang pakulo ng mga tao. Sa tabi-tabi, makikita ang mga lobong hugis puso at pati na rin ang iba’t ibang kulay at anyo ng bulaklak. Talagang ramdam na ramdam kaagad ang simoy ng pag-ibig tuwing papalapit ang Pebrero 14.

Biglang pumasok sa isipan ko, oo nga, malapit na nga ang araw na iyon, kailangan ko nang bumili ng regalo para sa kanya. Lagot ako kapag hindi ko siya nabigyan. Ano kaya ang ibibigay ko sa kanya?

Pebrero 13

Pagkagising ko sa umaga, regalo agad ang inisip ko. Habang kumakain ng almusal, naalala kong bughaw ang paborito niyang kulay at mahilig din siya sa mga bulaklak. Aha! Alam ko na ngayon ang bibilhin kong regalo para sa kanya. Maghahanap ako ng kulay bughaw na bulaklak.

Sobrang saya ko nang makahanap ako ng bughaw na bulaklak, pero parang nakukulangan ako.
“Hmmmm."

Ay oo nga pala, mahilig din siya sa mga tsokolate. Tiningnan ko ang wallet ko at laking swerte ko na may tira pa pambili ng mga tsokolate. Matapos makabili, kuntento na ako sa mga hawak ko. Handang-handa na akong ibigay ang mga ito sa kanya bukas.

Pebrero 14

Ito na ang araw na hinihintay ko, Araw ng mga Puso. Naghanda ako nang maigi, nagsuot ng pormal na kasuotan, tumingin at kinausap ang sarili sa salamin at sinabing “Handa na ako."

Dala-dala ang mga regalo, nakangiti akong naglakad patungo sa kaniyang bahay. Binabati ko rin ang lahat ng aking nakakasalubong. Habang naglalakad, pansin ko ang diwa ng araw na ito. Kaliwa’t kanan ang mga pulang lobong hugis puso, mga magkasintahang magkasama, at mga nagbibigay ng mga bulaklak sa kanilang irog. Buhay na buhay ang araw na ito.

Pagkarating ko sa tapat ng bahay niya, dali-dali akong kumatok. Sinalubong ako ng nanay niya sa pinto, pero parang dismayado siya nang makita ako. Bago ako makaimik, bigla niya akong binulyawan.

“Nababaliw ka na ba? Anong ginagawa mo rito sa pamamahay namin? Dalawang buwan na nang maghiwalay kayo 'di ba? Anong pumasok sa isip mo?,” sabay sarado ng pinto.

Dinig ko sa loob ang hagulgol ng kanyang ina. “Grabe napakasungit naman ni Inay,” ito na lamang ang nasabi ko.

Bago umuwi, dumaan muna ako sa paborito naming simbahan. Hinanap ko yung paborito naming upuan kung saan sabay kaming nagdarasal. Laking gulat ko nang makita ko siya roong nakaupo tila nag-aabang sa pagdating ko. Nakapagtataka ring walang ibang tao sa oras na iyon. Pagkaupo ko sa tabi niya, bigla siyang nagtanong sa akin.

“Oh, bakit parang ang tagal mo naman?”

Tumugon ako. “Ah, dumaan pa kasi ako sa bahay ninyo, siyempre, bago tayo lumabas nang magkasama, kailangan munang magpaalam 'di ba?”

“Grabe, hindi ka pa rin talaga nagbabago, haha, napanatili mo pa rin ang mabuti mong ugali.”

Sa haba ng aming usapan, nakalimutan kong may dala pala akong regalo para sa kanya.

“Oh, ito, bughaw na bulaklak at tsokolate, 'di ba mga paborito mo ito? Ay, Happy Anniversary at Valentine’s Day rin pala sa ating dalawa.”

Tumugon siya nang nakangiti. “Grabe, napakalambing mo pa rin talaga, hindi mo talaga nakalimutang dalhan ako ng regalo.”

Nagpatuloy ang aming mahabang usapan hanggang sa niyaya niya akong magdasal nang sabay. Lumuhod kami nang sabay, parehong nakangiti, at sabay pumikit para magdasal nang mataimtim. Pagdilat muli ng aking mata, tumingin ako sa kanya pero wala na siya sa tabi ko at doon ay naiwan ang mga regalo ko. Tumayo ako mula sa upuan, kinuha ang mga regalo at lumabas na lamang sa simbahan.

Pagkagaling sa simbahan ay dumiretso ako sa bagong tirahan niya. Mabuti na lang at matulungin ang mga tao roon kaya’t mabilis ko siyang natagpuan. Nang mahanap ko siya ay binaba ko ang mga regalong dala-dala.

“Mahal ko, alam kong nasa Kaniya ka na pero hinding-hindi kita kalilimutan. Napalayo ka man sa piling ko, nandito ka palagi sa puso ko. Hindi ko kailanman titigilan ang pagmamahal sa iyo. Sana’y masaya ka na sa piling Niya, Siya na ang bahala sa iyo. Alam kong hindi ka rin Niya pababayaan. Pahinga ka na kasama Niya. Alalahanin mo na lang na mahal na mahal na mahal kita.”

Iniwan ko sa kanya ang bughaw na bulaklak pati na rin ang mga tsokolate. Umuwi na lamang ako nang lumuluha ngunit may ngiting makikita.

You Might Also Like

0 comments: