Eloisa Dufourt,
Opinion: Kabuhayan Lockdown?
Photo Credits: Noemi Hechanova
Inilagay sa “Total Lockdown” ang mga barangay na nakapaligid sa Bulkang Taal noong Enero 22 dahil sa naging pag-aalburuto nito. Ang “Total Lockdown” ay kung saan hindi maaaring balikan o bisitahin ng mga mamamayan ang kanilang mga tahanan. Iniangat ng PHIVOLCS ang Alert Level 4 sa bulkan na nangangahulugang maaari na itong pumutok sa loob ng ilang oras o sa mga darating na araw. Umabot ang ashfall nito hanggang sa ilang bahagi ng Metro Manila maging sa CALABARZON. Ang mga mamamayan namang naninirahan malapit sa bulkan ay pinalikas sa mga evacuation center.
"May mga residente kasi ng Talisay na bumabalik sa kanilang mga bahay para i-check ang kanilang mga gamit at mga alagang hayop na pawang napakadelikado" pahayag ni William Lipit, isang Regional Incident Management Team (RIMT) Operations Chief, sa ulat ng Rappler.
Hindi nakarating sa mga residente ang anunsyong pagpapatupad ng "Total Lockdown" sa kanilang lugar kung kaya’t nagdulot ito ng pagkabalisa’t pagkagulat sa mga mamamayan ng Batangas. Nagresulta ito sa pagtutol ng mga mamamayan dahil marami pang mga hayop na kanilang inalagaan para sa kabuhayan, ang naiwan sa kani-kanilang mga bahay. Kasama ring naiwan ang kanilang mga kagamitan. Mayroon ding mga residente na nanakawan at nasiraan ng mga gamit.
“Wala ng gamit sa bahay, wala ng TV. Sira pintuan namin. Wala ng padlock. Nakakadena, umuwi si misis kagabi. Kahapon, galing akong trabaho, nagdu-duty ako, nagbabantay ako ng ibang company pero sarili kong bahay, hindi ko maaalagaan, nawawalan [pa] ako ng gamit.” Pahayag ni Jonathan Mirafuentes, isang residente, sa Rappler.
Mauunawaan naman kung bakit iyon ang naging desisyon ng mga awtoridad – ito ay upang maisaalang-alang ang kaligtasan ng kanilang mga tao. Gayunpaman, dapat silang gumawa ng mga hakbang upang maingatan ang mga gamit maging ang mga alagang hayop ng bawat mamamayan lalo na't ang mga ito ang kanilang pangunahing kabuhayan.
Bago pa man ipinatupad ang “Total Lockdown”, dapat ay sinigurado muna nilang naipaalam ito nang maayos sa lahat ng mga mamamayan upang sila'y maging handa sa mangyayari sa kanilang lugar. Sa panahon ngayon, hindi na gaanong mahirap ipalaganap ang balita at anunsyo lalo na't marami na ring paraan upang magbigay ng impormasyon. Maaari nila itong maiparating sa pamamagitan ng mga tarpaulin, radyo at iba pang uri ng midya. Hindi rin naman ganoon kahirap na pumunta sa evacuation center at mag-anunsyo.
Bilang pagtatapos, dapat lamang na bigyang importansya ng namamahala ang seguridad ng mga mamamayan maging ang kanilang mga ari-arian lalo na ang kanilang mga kabuhayan. Dapat din nilang tiyaking anumang mahahahalagang anunsyo ay agad na maiparating sa kanilang nasasakupan. //ni Eloisa Dufourt
0 comments: