Damdamin,

Literary: Palabas

2/14/2020 08:03:00 PM Media Center 0 Comments




Isa-isa nang
pinatay ang mga ilaw
na kanina lang ay
nagniningning at kumukuti-kutitap.
Binalot na ng kadiliman
ang gubat,
ang kastilyo,
ang tore kung saan kita sinuyo.
Hindi na maaninag ang
ang mga magkaternong burda
at sequins ng
ating kasuotan.
Maging ang kasibulan
ng mga bulaklak na inialay
ko sa’yo noon.

Hindi ko na marinig
ang awit na ating kinakanta
noong una tayong
nagkita.
Wala na rin
ang orkestrang tumugtog
ng mga himig
sa tuwing mababakas ko
sa mga ngiti mong
iniibig mo rin ako.

Pilit kong pinipigilan ang aking pagluha
nang unti-unting binaba
ang telon.
Tapos na ang ating kuwento,
Tapos na ang ating dula.

Hindi ako mahiwaga
sa tunay na buhay.
Wala akong lakas at tapang
ni baluti at sandata
para sumabak
sa mga giyera at pagsubok.
Walang mga propesiya o orakulo
ang makapagsasabi sa akin
kung anong dapat
kong gawin.

Pagkatapos ng palabas,
hindi ako ang bida
at hindi rin kita prinsesa.

You Might Also Like

0 comments: