filipino,
Ang aking mga mata'y
Napapikit,
Nasilaw
Sa liwanag ng mga gintuang ilaw
Na kumukurap, kumikislap
Waring mga bituing abot-kamay na at
Sa liwanag ng ngiti mong abot-tainga
Na kaytamis, kaywagas,
Isang munting kandilang
Nagpainit sa aking puso
Ngayong malamig na gabi.
Nilapitan mo ako,
Mukha'y isang perpektong larawan
Ng ligaya.
Ang mga bilugan mong mata'y
Tumingin sa akin
At sa isang kurap,
Nabuksan ang pinto ng aking puso.
Hinawakan ko ang iyong kamay,
Hindi man eksakto ang kamay mo sa loob ng akin,
Ang kapit natin sa isa't isa'y mahigpit,
Tila ayaw nang bumitiw.
Nang nagtatalon-talon,
Sabay tayong umakyat sa plataporma
At nagmadali ka namang tumakbo,
Naghanap ng kabayong sasakyan.
Bakas ang pagkamangha sa iyong mukha
Kung kaya't hindi ko nasabi sa iyo
Na hindi sila totoo,
Na sila ay gawa lamang sa plastik,
Walang buhay,
Walang mahika, at
Hindi espesyal.
Pinanood kitang tumakbo-takbo,
Abalang namimili sa mga kabayo't
Magagarbong karwahe.
Sinubukan mong umakyat,
Tumuntong upang makasakay
Ngunit hindi mo maabot ang upuan.
Dali-dali naman akong sumunod,
Sinalo ang paa mong nadulas
At iniangat ka para makaupo.
Umandar ang sinasakyan nating carousel,
Umikot ang mundo.
Naging musika sa aking mga tainga ang iyong bawat agikik.
Mga kamay ko'y nakaalalay,
Gumagabay,
Handang saluhin ka kung sakaling
Mahulog ka o
Mahilo sa pag-ikot ng mundo.
Sa pagtagal,
Mas lalo kang napuno ng aliw
At 'di ko na rin napigilang ngumiti
Sa kabila ng mga plastik na kabayong
Natatanggalan ng pintura.
Tinanggal mo ang aking kapit sa iyo,
Inanyayahan akong tabihan ka't
Sumakay sa kabayong akyat-baba sa isang posteng kinakalawang.
Dahan-dahan akong lumayo,
Nakangiti, pinagmasdan ka
Nang hiwalay sa akin.
Napansin ko ang mga palamuting makukulay
Ngunit hindi makapantay ang mga ito
Sa kulay ng iyong diwang sumasalimyog
Kahit na paikot-ikot lamang tayo.
Paglingon ko ay halos hindi ko na makilala
Ang prinsesang aking katabi.
Nasaan na ang batang aking nakilala
Na hindi maabot ang tuntungan
At tuwang-tuwa sa bawat pag-akyat at pagbaba
Sa ating mga kabayo?
Natagpuan ko naman siya kaagad
Noong nilingon ako ng prinsesa
Nang may isang ngiting
Mula pa noon ay
Kaytamis, kaywagas,
Isang munting kandilang
Nagpainit sa aking puso
Sa malalamig na gabi.
At tumunog ang orasan,
Hatinggabi.
Kailangan ko nang ihatid ang prinsesa.
Bumaba ako mula sa aking kinauupuan,
Inalok ang aking kamay.
Ngayon, abot mo na ang
Plataporma
At nang walang hirap ay makatatayo
Ngunit ang kamay ko'y
Inabot mo pa rin.
At ngayon,
Tamang-tama na ang kamay mo sa loob ng akin.
Dahan-dahan tayong naglakad.
Tinitigan mo ang mga gintuang ilaw
At ang mga kabayong walang buhay
Kasama ng mga karwaheng hindi na kailanman
Umusad.
Tinitigan ko ang iyong mga matang bilugan,
Mga matang aking minahal nang ilang taon na.
Hinalikan ko ang espasyo sa pagitan nilang dalawa
At naaninag ang isang anino sa iyong likuran.
Binati niya ako,
At nang may tingin na kilalang-kilala ko
Bilang pag-ibig,
Humarap sa iyo
At ngumiting nahihiya.
Sinagot mo ang kanyang ngiti.
Binitawan ko ang iyong kamay,
Iniabot sa suwerteng prinsipe.
Tumingin sa akin ang minamahal kong prinsesa.
"Salamat, Pa."
Literary: Carousel
Ang aking mga mata'y
Napapikit,
Nasilaw
Sa liwanag ng mga gintuang ilaw
Na kumukurap, kumikislap
Waring mga bituing abot-kamay na at
Sa liwanag ng ngiti mong abot-tainga
Na kaytamis, kaywagas,
Isang munting kandilang
Nagpainit sa aking puso
Ngayong malamig na gabi.
Nilapitan mo ako,
Mukha'y isang perpektong larawan
Ng ligaya.
Ang mga bilugan mong mata'y
Tumingin sa akin
At sa isang kurap,
Nabuksan ang pinto ng aking puso.
Hinawakan ko ang iyong kamay,
Hindi man eksakto ang kamay mo sa loob ng akin,
Ang kapit natin sa isa't isa'y mahigpit,
Tila ayaw nang bumitiw.
Nang nagtatalon-talon,
Sabay tayong umakyat sa plataporma
At nagmadali ka namang tumakbo,
Naghanap ng kabayong sasakyan.
Bakas ang pagkamangha sa iyong mukha
Kung kaya't hindi ko nasabi sa iyo
Na hindi sila totoo,
Na sila ay gawa lamang sa plastik,
Walang buhay,
Walang mahika, at
Hindi espesyal.
Pinanood kitang tumakbo-takbo,
Abalang namimili sa mga kabayo't
Magagarbong karwahe.
Sinubukan mong umakyat,
Tumuntong upang makasakay
Ngunit hindi mo maabot ang upuan.
Dali-dali naman akong sumunod,
Sinalo ang paa mong nadulas
At iniangat ka para makaupo.
Umandar ang sinasakyan nating carousel,
Umikot ang mundo.
Naging musika sa aking mga tainga ang iyong bawat agikik.
Mga kamay ko'y nakaalalay,
Gumagabay,
Handang saluhin ka kung sakaling
Mahulog ka o
Mahilo sa pag-ikot ng mundo.
Sa pagtagal,
Mas lalo kang napuno ng aliw
At 'di ko na rin napigilang ngumiti
Sa kabila ng mga plastik na kabayong
Natatanggalan ng pintura.
Tinanggal mo ang aking kapit sa iyo,
Inanyayahan akong tabihan ka't
Sumakay sa kabayong akyat-baba sa isang posteng kinakalawang.
Dahan-dahan akong lumayo,
Nakangiti, pinagmasdan ka
Nang hiwalay sa akin.
Napansin ko ang mga palamuting makukulay
Ngunit hindi makapantay ang mga ito
Sa kulay ng iyong diwang sumasalimyog
Kahit na paikot-ikot lamang tayo.
Paglingon ko ay halos hindi ko na makilala
Ang prinsesang aking katabi.
Nasaan na ang batang aking nakilala
Na hindi maabot ang tuntungan
At tuwang-tuwa sa bawat pag-akyat at pagbaba
Sa ating mga kabayo?
Natagpuan ko naman siya kaagad
Noong nilingon ako ng prinsesa
Nang may isang ngiting
Mula pa noon ay
Kaytamis, kaywagas,
Isang munting kandilang
Nagpainit sa aking puso
Sa malalamig na gabi.
At tumunog ang orasan,
Hatinggabi.
Kailangan ko nang ihatid ang prinsesa.
Bumaba ako mula sa aking kinauupuan,
Inalok ang aking kamay.
Ngayon, abot mo na ang
Plataporma
At nang walang hirap ay makatatayo
Ngunit ang kamay ko'y
Inabot mo pa rin.
At ngayon,
Tamang-tama na ang kamay mo sa loob ng akin.
Dahan-dahan tayong naglakad.
Tinitigan mo ang mga gintuang ilaw
At ang mga kabayong walang buhay
Kasama ng mga karwaheng hindi na kailanman
Umusad.
Tinitigan ko ang iyong mga matang bilugan,
Mga matang aking minahal nang ilang taon na.
Hinalikan ko ang espasyo sa pagitan nilang dalawa
At naaninag ang isang anino sa iyong likuran.
Binati niya ako,
At nang may tingin na kilalang-kilala ko
Bilang pag-ibig,
Humarap sa iyo
At ngumiting nahihiya.
Sinagot mo ang kanyang ngiti.
Binitawan ko ang iyong kamay,
Iniabot sa suwerteng prinsipe.
Tumingin sa akin ang minamahal kong prinsesa.
"Salamat, Pa."
0 comments: