filipino,

Opinion: Kapuna-punang Pundasyon

2/21/2020 08:10:00 PM Media Center 0 Comments



Photo Credits: Yel Brusola

Noong mga nakaraang taon, halos palagi nating naririnig sa balita ang pagkakaroon ng aberya sa mga tren natin dito sa Pilipinas. May nangyari sa power line ng tren, tumirik yung makina, may nasirang pinto, may umusok, pumutok, sumabog, naputol, lumihis, nawasak at iba pa. Dahil dito, maraming tao ang posibleng madisgrasya dulot ng mga sira sa tren. Kung hindi naman ay mapipilitan silang maglakad papunta sa kanilang mga trabaho o maghanap ng masasakyan kung sakaling may masasakyan pa sila. Dahil rush hour, maraming tao ang nagmamadaling makapunta sa kani-kanilang mga opisina o klase, kaya nagiging kaakibat na problema ang lumalalang traffic. Dulot naman ng traffic, marami ang nahuhuli sa kanilang mga trabaho. Sayang naman ang perang maiipon sana nila sa mga oras na iyon. Ayon nga sa Japan International Cooperation Agency (JICA), 3.5 bilyong piso ang nasasayang kada araw dulot ng traffic na nararanasan natin sa Metro Manila.

Hindi lamang din iyon ang problema. Dahil sa traffic o kaya ay aberya sa tren, papasok tayo sa paaralan o opisina nang pagod, at uuwi pa tayo sa ating tahanan nang pagod. May mga trabaho tayong hindi natin nagagawa nang maayos, at dahil nga sa sobrang pagod, nahihirapan ang mga mag-aaral na makapagpokus sa klase. Minsan, may mga naaantala pa tayong obligasyon sa ibang tao dahil nauubusan na tayo ng oras sa traffic.

Pero kung tutuusin, tayo ang kauna-unahang bansa sa Timog-silangang Asya na nagkaroon ng metro-railway system. Ngunit sa lagay ng ating tren dito sa Pilipinas, siguro ay hanggang dito na lamang ang kaya nating maipagmalaki.

Ayon sa Build, Build, Build Program, nagtakda ang gobyerno ng 100 proyekto na naglalayong ayusin ang imprastruktura ng Pilipinas sa limang aspeto: water, information and communications technology, urban development and renewal, power, at ang panghuli, ang transportation and mobility.

Sa ilalim ng kategoryang transportation and mobility, may nakatakdang 71 na proyekto ang gobyerno na nagkakahalaga ng 3.9 trillion pesos. Ilan sa mga proyektong nakapaloob dito ay ang pagpapatayo ng iba't ibang tulay tulad ng Bohol-Leyte Link Bridge, Cavite-Bataan Interlink Bridge, ang pagpapatayo ng panibagong Manila International Airport, at ang Metro Rail Transit (MRT) Line 11 Project na itatayo mula Balintawak, Quezon City, papuntang siyudad ng San Jose del Monte, Bulacan.

Kung titingnan ang mga nabanggit na proyekto, tiyak na mas mapadadali ang buhay ng mga tao kapag naisakatuparan ang mga ito. Hindi na mahihirapan ang mga tao na maghanap pa ng masasakyan para makapunta sa malalayong lugar. Subali't mas maganda na sana ang kalidad ng mga ito lalo na't ang taong bayan ang gumastos o nagbayad para rito. Tulad nga ng sinabi ni Pangulong Duterte; "Sabi ko sa kanila, ayoko ng build. Do not give me that kind of s***. I want build, use, build, use, build, use. Eh kung build, build, build lang, parang yung bilbil."

Ayon sa pangulo, nakatakdang matapos ang lahat ng mga imprastrukturang ito sa taong 2022.

Kumusta na kaya ang pagpagpapagawa sa mga ito? Kahit ang pangulo rin mismo, hindi nasiyahan sa naging pamamalakad sa programa dahil sa sobrang bagal ng pag-usad ng pagpapagawa. Kung nariyan na ang kanilang pera, materyales at plano, ano pa ba ang kanilang hinihintay sa paggawa ng mga ito? Dagdag pa, tinawag ni Senate Majority Floor Leader Franklin Drilon ang Build Build Build Program ng gobyerno na isang "dismal failure."

"We only have two and a half years left of this administration. I don't think any substantial progress insofar as the program is concerned will be achieved. The execution is simply dismal." Sabi niya.

Binanatan naman ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo: "Senator Frank, look at the administration you previously belonged. Six years, not a single infrastructure na nagawa. Malayong-malayo sa dami."

Hindi nga talaga magandang repleksyon ng pamumuno kung wala itong naipatayo ni isang imprastruktura sa loob ng kaniyang termino. Sa kabilang banda, hindi rin maganda na may itinayo nga sila subalit kulang naman sa kalidad, maliban pa sa napakabagal na usad ng pagpapagawa. Kapag nagpatuloy ang ganitong klase ng sistema, malaki ang posibilidad na hindi na naman matuloy ang mga plano at masasayang lamang ang kaban ng bayan. Alalahanin natin na ayon sa TRAIN, malaking porsyento mula sa ating buwis ang mapupunta sa pagpapatayo ng mga imprastruktura.

Sa halip na magbanatan ang iba't ibang administrasyon tungkol sa dami ng imprastrukturang naipatayo, unahin muna sana nilang gawin ang kanilang mga trabaho. Kapag naisakatuparan ang mga ito, magiging maganda na ang lagay ng mga tren natin dito sa Pilipinas, hindi na umuusok, tumitirik, o napuputol ang linya. May mga sapat nang ospital at paaralan sa mga probinsya at kumpleto na rin ito sa gamit at pasilidad. May maayos at ligtas na ring mga daanan sa wakas na magagamit ang mga batang buwis buhay na tumatawid pa sa rumaragasang ilog para makapunta sa paaralan. Muli, ang inaakala nating walang kamatayan na problema sa trapiko sa Metro Manila ay maaayos na rin. Imbes na maghilahawan pababa ang mga manunumo para lamang masabing nakaaangat ang kanilang naging termino, magkaroon na lamang sana ng pagtutulungan o pagkakaisa ang lahat ng mga nangakong maglilingkod nang tapat upang matapos ang mga kinakailangang gawin para sa ikabubuti ng bayan. Nariyan ang mamamayang Pilipino na naghihintay para sa kanilang serbisyo kapalit ng buwis na kanilang ibinabayad. Kung ang mamamayan nga mismo ay nagtatrabaho upang makapagbayad ng buwis, silang mga humahawak sa kaban ng bayan ay may higit lalong tungkuling magtrabaho.

Panghuli, sana gamitin nila ang pera upang makabili ng mga matitibay na materyales na tatagal, lalo na kapag ginagamit ito araw-araw. Huwag din sanang tipirin ng gobyerno ang mga materyales para lang makapagbulsa sila ng napakalaking halaga ng pera. Hindi naman bibili ang tao ng isang mumurahing kagamitan na madali lamang masira. Kaya rin ito bumibili ng gamit ay para gamitin, hindi para itapon. Kapag sa una pa lamang ay talagang tinipid at mahina na ang pundayson ng isinagawang imprastruktura, babalik na naman sa atin ang problemang nagdudulot lamang ng sakit ng ulo at kapahamakan sa mga tao. //ni Kathleen Cortez

You Might Also Like

0 comments: