Showing posts with label pikachu. Show all posts

Literary: Media Center




Nagsimula ang lahat sa papel at bolpen. Sabi ko lang ay gusto kong magsulat--gusto kong subukan. Malay mo ito ang talento kong ‘di ko pa natutuklasan.

Sinubukan kong bumuo ng konsepto, nagsulat ng mga malalalim at mababaw na salita, pinasa sa UPIS Media Center, pero sa araw ng pub, hindi ito nailathala.

Napaisip ako na baka wala nga naman kasi akong talento roon, pero natuwa ako noong nagsulat ako. Kakaibang tuwa ang naramdaman ko, parang punong-puno ang puso ko. Kaya sabi ko, isa pa, baka naman hindi ko lang naihayag nang maayos ang mga nais kong sabihin.

Kaya sinubukan ko ulit. Bumuo ulit ako ng konsepto, nagsulat, pinasa sa UPIS Media Center, at nailathala sa pangalang Pikachu.

Noong araw na iyon, isinilang ang bagong ako. Mistulang ospital kung saan ipinapanganak ang mga sanggol na wala pang muwang sa mundo. Sa room 115 kung saan talento ko’y unang nabuo.

Sa’yo, MC, maraming salamat sa pagpapakilala sa akin kung sino ako. Sa pagbibigay-buhay sa bagong bersyon ko at sa paghubog sa akin kung sino ako ngayon.

Sa pagtatapos ng aking paglalakbay bilang si Pikachu, napagtanto ko na higit pa sa ligaya ang nararamdaman ng puso ko tuwing nagsusulat ako. Ngayong patapos na ang lahat, aking babaunin lahat ng itinatak mong aral sa akin, MC.

Literary: Mailap




“May kahahantungan pa ba tayo?”

“Mayroon naman, matagal lang at nakaiinip pero sigurado akong mayroon.”

“Bakit tila wala naman? O nag-aaksaya lang tayo ng oras? Gusto ko na lang matapos lahat eh.”

“Matatapos lang ang lahat kapag tumigil na ang pagpihit ng orasan, malayo pa ang lalakbayin natin, hintayin mo lang, makararating din tayo.”

“Makakarating saan? Wala akong ideya kung saan tayo dadalhin ng atin mga paa, hayaan na lang bang kapalaran natin ang magdikta?”

“Basta, magtiwala ka lang. Maglakad lang tayo nang maglakad kahit ‘di natin nakikita ang dulo.

“Magtiwala? Kanino? Sa Diyos? Wala ngang maibigay na paliwanag sa akin ‘yon. Bakit ba kasi kailangan pa natin tahakin ang mga daan na ‘di naman natin ginusto?”

“Magtiwala ka sa akin dahil tayo lang naman ang makapagdidikta kung saan tayo pumunta. Kung hindi naman natin gusto, bakit pa tayo dito mananatili? Hindi ba’t panahon na para hanapin natin ang daan na para sa atin? ‘Yung gusto natin at magiging masaya tayo.”

“Alam mo may punto ka. Lahat naman ng bagay lumilipas, sa palagay mo ba mararating natin ang nais nating maabot?”

“Oo. kung ikukumpara mo sa hagdan, mataas man ang kailangang abutin, kung patuloy lang tayo na hahakbang, mabilis man o mabagal, maaabot din natin ang tuktok."

“Doon ko na ba makikita lahat ng ninanais kong maabot?”

“Pwede. ”

“Ngunit ano-ano ang susunod na mangyayari kapag tayo’y nasa itaas na?”

“Eh di aakyat ulit tayo. Panibagong daan. Panibagong adventure.”

“Ha? Hindi ba nakakapagod ‘yun?”

“Nakakapagod nga pero kapag naabot mo na lahat hindi ba’t nakapapawi ‘yun ng pagod na naramdaman mo?”

“Pero paano ko malalaman kung oras na ba para huminto sa pag-akyat at paghanap ng panibagong daan?”

“Hindi ko na alam.”

“Paanong hindi mo na alam?”

“Saan ka mapapadpad kapag nasa itaas ka na? Ano ang balak mong gawin? Hanggang titig na lamang ba ang iyong gagawin?”

“Kung ano bang mayroon ako ngayon, dala ko pa rin hanggang makarating ako sa taas?”

“Hindi ba ako magbabago kapag narating ko na ‘yung matagal ko nang hinihintay?”

“Huy, sagutin mo ako.”

Literary: Sablito




Limang taong gulang pa lang siya noong unang beses siyang pumasok sa UPIS. Tahimik. ‘Di gaano nagsasalita. Wala siyang kaalam-alam sa mangyayari sa hinaharap. Wala siyang kaalam-alam na ang unang tapak niya sa UPIS ay unang tapak niya na rin sa pangalawa niyang tahanan.

KAT noon.

Pinagsisintas siya ng sapatos. Sabi niya, “ayaw ko na.” Sinong mag-aakala na sa halos 13 taon niya rito, “ayaw ko na,” ang linyang paulit-ulit niyang sinabi.

Ayaw ko nang mag-aral. Ayaw ko nang pumasok. Ayaw ko nang gumising nang maaga.

Pero ayan siya, nag-aaral hanggang madaling araw, kumpleto ang attendance at maaga pa rin kung gumising.

Pagod
Sabi nila, kapag nasa tahanan ka na, doon mo mararamdaman na payapa ang mundo mo, walang kahit na anong mabigat na pakiramdam. Kapag daw nasa tahanan ka na, mararamdaman mong buhay na buhay ka kasi nakapaligid sa’yo ang mga taong mahal mo at nandiyan lang sila sa tabi mo. Pero bakit ganoon? Nasa UPIS naman siya 4 na beses sa 1 linggo, nasa ikalawang tahanan siya pero bakit ang bigat bigat ng nararamdaman niya? Ang bigat pagsabay-sabayin ng pag-aaral, pagiging anak, pagiging ate. Wala na siyang oras para sa sarili niya kundi ‘yung tulog--tulog na madalas kulang pa at hindi umaabot ng 8 oras. Palagi siyang pagod.

Pero nakita mo ba na ‘yung paslit na unang beses tumapak sa gusali ng k-2 noong 2007? Ito na oh, malapit nang makalabas. Tapos na sa K-2, tapos na sa 3-6, nakapaghakbang na noong 2013, tapos na sa mga prom, tapos na sa thesis niya at ngayo’y malapit nang matapos sa UPIS. Naalala mo pa ba kung gaano siya kapagod? Oo, pero alam niyang magiging worth it sa dulo, kaya siya nagpatuloy.

Buhay
Parati niyang tinatanong, “buhay nga ba ako?” Mali, mali--

“Lahat nga ba ng humihinga ay buhay pa?” Naguguluhan siya. Hindi na niya maramdaman ang sarili niya. Nawawala na siya sa landas. Hindi niya na rin alam kung anong nangyari, maayos naman ang simula niya rito sa UPIS pero bakit sa kada taong lumilipas parang hindi na niya alam kung karapat-dapat ba siyang mag-aral dito.

Uulitin ko, buhay pa nga ba siya? Ano bang pinagkaiba ng patay at buhay? Humihinga ang buhay pero ang patay, hindi? Bakit siya? Buhay naman yata siya dahil humihinga siya pero pakiramdam niya patay na siya dahil sa dami ng kanyang iniisip. Kumalas na yata ang kaluluwa niya sa katawan niya.

Pero nakita mo ba ‘yung taong palaging nagtatanong kung buhay pa ba siya? Kay ganda niyang pagmasdan habang suot ang sablito niya noong araw ng grad pictorial. Mula sa diretso niyang buhok, kumikinang na mga mata at matamis na ngiting bumagay sa suot niyang kimona.

Ngayon, napagtanto niya na lahat ng “pahirap” na ito ang humulma sa akin sa kung sino ako ngayon...Oo, sa bagong ako. Ang taong tinutukoy ko kanina ay ang dating ako. Nabuhay ako sa mga salitang “ayaw ko na,” na nagpatuloy sa akin sa halos 13 taon. Araw-araw puro ayaw ko na pero sigurado ako na kahit humihinga ako at patay na ang kaluluwa ko, mabubuhayan itong muli kapag nasuot ko na ang kay tagal kong hinintay na sablito.

Literary: Dulo ng walang hanggan




TAUHAN:
Clarissa – nakaitim na hoodie, shorts at sneakers, may kaunting make-up na suot at nakapusod ang buhok
Nico – nakaputing t-shirt, itim na pantalon, itim na leather jacket at sapatos

TAGPUAN:
Alas-nuwebe ng gabi sa isang madilim na parke, nakaupo sa upuan si Clarissa at Nico. Maulap nang gabing ito at tila malapit nang umulan. Tahimik lamang ang paligid at tanging mga kuliglig lang ang naririnig.
May mahinang spotlight na nakatutok sa dalawang karakter.

NICO: I’m sorry (yuyuko nang bahagya)

(Muling tatahimik ang palagid nang ilang segundo)

CLARISSA: May mali ba ako? May kulang ba? Sobra? Kaya ko namang dagdagan o bawasan. (nakatingin sa malayo)

NICO: (titingin muna kay Clarissa bago magsalita) Wala kang kulang, sobra pa nga lahat ng ibinibigay mo e. ‘Yun nga lang, sumobra at umabot doon sa punto na hindi ko na kayang suklian. Buong-buo mo nang ibinibigay sa—(mapapatigil sa pagsasalita nang magsalita agad si Clarissa)

CLARISSA: Hiningi ko bang suklian mo?

(Tatahimik muli ang paligid)

NICO: Hindi ka dapat tinatrato nang ganito. You deserve someone better and I’m sorry that I can’t be that better person for you.

CLARISSA: (bahagyang tatawa nang mapait at titingin kay Nico) I deserve someone better pero simula pa lang naman ikaw na ‘yung best sa paningin ko.
(Maririnig ang kulog mula sa malayo)

NICO: Malapit nang umulan.

CLARISSA: Nico, (mahinang boses) naisip mo ba kung gaano kaya kabigat ‘yung dinadala ng mga ulap para umiyak sila nang malakas at parang walang katapusan?

(Magkakatinginan sila pero mag-iiwasan din agad)

CLARISSA: Buti pa sila, hindi nauubusan ng luha. Parang kalawakan ‘yung naiiyak nila, walang katapusan, walang kasawaan, walang hangganan, infinity. Samantalang ako ngayon, hindi ko alam kung anong gagawin ko dahil para akong ulap na ang bigat-bigat ng dala. Dito oh (medyo tataas ang boses at ilalagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib)

NICO: Sorry, pakiramdam ko kasi kung ipagpapatuloy pa natin ‘to mas masasaktan lang natin ‘yung isa’t isa at ayaw ko ‘yun. Tama na ‘yung lahat ng sakit na binigay ko sa’yo. Masyado na akong nagui-guilty.

CLARISSA: Anong nangyari? Akala ko ba walang hanggan? Akala ko to infinity and beyond? (magiging malamya ang boses)

NICO: Hindi na kita kayang isabay sa mga responsibilidad ko. Masyado nang marami.

CLARISSA: Kaya ako ‘yung pinili mong bitawan? (titingin sa mga mata ni Nico at ngingiti at tatawa nang kaunti habang umiiyak) Mahal kita.

NICO: Clarissa— (muling mapuputol ang pagsasalita dahil kay Clarissa)

CLARISSA: Pwede ko bang marinig ulit ang mga salitang iyon mula sa’yo? Kahit hindi na totoo? Kahit hindi na galing sa puso mo? Gusto ko lang marinig ulit, please?

NICO: Mahal na mahal kita…

(Lalaki ang ngiti ni Clarissa, patuloy lang siyang iiyak at hindi magsasalita)

NICO: Kaya pakakawalan na kita.

(Parehong tatayo)

CLARISSA: Nico, huling hiling na--

NICO: Ano iyon?

CLARISSA: (yuyuko) Pwede ba kitang mayakap sa huling pagkakataon?

(Lalapit si Nico kay Clarissa at yayakapin ito nang mahigpit, kasabay ng pagyakap nila ay bubuhos ang malakas na ulan, mananatili silang magkayakap ng mga 10 segundo, pagkatapos ay mahina at mapait na tatawa ang dalawa. Pagkatapos ng yakap ay sabay silang maglalakad palayo sa magkaibang direksyon.)

Literary: Isang Araw




Isang araw
Napakaganda mo, Pilipinas
Napaliligiran ka ng mga kabundukan,
Punong nagsisitaasan,
Malilinaw na tubig-dagat

Isang araw
Napakayaman mong bansa
Pero puno ng magnanakaw ng iyong kagandahan
Puno ng mga sakim at makasariling nilalang
Puno ng mga taong pumapatay sa kalikasan
Palihim na ginagawa’t nagtatago sila sa iyong ganda

Isang araw
Paunti-unting nawala ang iyong kariktan.
Nauubos na ang mga kabundukan,
mga puno’y putol na.
Malinaw na dagat, napuno ng basura

Isang araw
Mga mangingisda mo’y ‘di na makapaglayag sa sariing dagat
Sa halip, mga banyagang barko
na pilit kang inaagaw sa mga Pilipino.
Itinatago’t pinagtatakpan pa sila ng gobyerno
Baka isang araw
Hindi ka na para sa mga Pilipino

Literary: Umaga




Noon, sa bawat pagtama ng sikat ng araw
Naaalala ko ang salitang ikaw
Ikaw na nagbibigay ng liwanag
Sa bawat umaga ko

Ngayon, sa bawat pagtama ng sikat ng araw
Hinihiling kong sana hindi na lang
Sana hindi na lang ito sumikat
Kasi ayaw ko na

Ayaw ko na maalala kung paano ako nagigising nang wala ka na
Ayaw ko na maalala kung paano tayo nag-usap
Simula madaling araw hanggang sa sumilay ang liwanag
Ayaw ko na maalala kung paano mo ako iniwan

Noong umaga na sinabi mo sa akin na ayaw mo na
Tila ba nawala ang sikat ng araw
Pero simula pa lang ng umaga
Mahaba pa ang araw

At sa tingin ko, ayos lang
Ayos lang naman yata ako
Sana, siguro?
Mali, magiging ayos lang ako

Dahil kinabukasan may panibago na namang umaga
Panibagong sikat ng araw na gigising sa akin
Panibagong liwanag—mas maliwanag pa sa dati
Kaya sigurado na ako, magiging ayos din ako

Literary: Prom




Journal #1

February 14, 2019
O…M…G… ayan na nag-prompose ka na, hindi ko alam gagawin ko. Sige, pipigilan ko itong kilig ko kahit kaunti lang. Ay ano ba? Hindi ko na alam. Ang lakas ng kabog ng puso ko.

“Will you be my promdate?”

Syempre, oo agad. Gusto kita simula pa noong grade 4. Ngayong niyaya mo na ako sa prom, tatanggi pa ba ako? Malamang hindi.

Teka, ang pagaya mo sa akin sa prom, ibig sabihin ba nito ay gusto mo ako? Baka naman gusto mo lang ng promdate pero wala kang ibang maaya kaya ako na lang? Sana naman hindi ganoon, pero may pag-asa kaya ako sa’yo?

Journal #2

February 24, 2019
7:00PM
Prom na! Dala-dala ko pa rin ang maliit na journal na ‘to. Witness siya sa lahat ng mangyayari ngayong prom.

Ang gaganda ng gayak ng lahat-- shining, shimmering, splendid. Pero isang tao lang ang nakakuha ng atensyon ko-- ikaw. Oo, ikaw.
“Promdate ko ba talaga ‘to? Ang swerte ko naman.” ‘Yan ang paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko nang magkita tayo.

“Ang ganda mo.”

Ano daw? Ang ganda ko daw? Muntik yata akong himatayin doon.

Ito na ba talaga iyon? Nalilito ako, posible ba? Posible bang maging tayo?

Journal #3

February 24, 2019
11:30PM

“Last song na. Isayaw niyo na lahat ng gusto n’yong isayaw.”

Inaya mo ako papunta sa dance floor.

Hanggang prom, litung-lito pa din ako. Aamin na ba ako? Paano kung hindi naman pala kami pareho ng nararamdaman? Paano kung iniisip ko lang na may gusto siya pero wala naman pala? Paano kung—

“Gusto kita.”

Tulala. Tulala na naman ako.

“Ano ‘yun?” Siguraduhin muna natin baka mamaya hindi ko lang narinig nang maayos.

“Gusto kita. Dati pa,” nakangiti mong sagot.

Hindi na ata kinakaya ng puso kong ikaw ang sinisigaw—ay!

“Sure ka ba? Bakit ako? Anong nakita mo sa akin?”

Natataranta na ako.Hindi ko na alam ang gagawin ko. Tatakbo? Tatalon? Isisigaw ang pangalan mo? At sasabihing akin ka na? Ang harot!

“Ang daming tanong. Basta gusto kita, ‘yun lang ang alam ko. Gusto mo rin ba ako?” Nag-aalala mong tanong.

Sumabog na yata ang heart ko. Parang hindi ko na kinakaya lahat ng nangyayari. Ang dami kong tanong sa unang dalawang entry na sinulat ko pero nasagot mo lahat ngayong gabi. May pag-asa ba ako sa’yo? Oo. Mayroon. Posible bang maging tayo? Oo. Posible. At oo, gusto din kita.

Literary: Dito sa Paraiso Nating Dalawa




Sa tinagal-tagal ko rito sa mundo
Puro mapanakit na tao
Ang palagi kong nakakasalamuha
Sila at sila lang ang nakakasalubong araw-araw

Nasanay akong sila lang ang nakapalibot sa akin
Pero lahat ay nagbago
Nang ika’y nakilala ko
Ikaw ang nagbigay ng saya at kulay sa mundo ko

Ang yakap mo’y tila isang paraiso
Mahigpit pero pakiramdam ko malaya ako
Mainit pero kampante ang loob ko
Ayaw ko nang kumawala mula sa’yo

Sa piling ng yakap mo
Mananatili akong masaya
Dito sa kung saan malapit ako sa’yo
Naramdaman ko ang tunay na paraiso

Literary: Wave at 11:11



February 13, 2019
11:11 PM
You waved at crush! Waiting for crush…
You: Hala, sorry po. Napindot po :(
11:12 PM
Crush: AHAHA it’s okay
End of Conversation

Pebrero 14, 2018—ito ang araw na hindi ko malilimutan. Nagmimistulang relief center ang canteen sa dami ng tao. Kahit na siksikan ang mga estudyante iisang tao lang ang nakikita ko. Tila ba may mga bituin sa paligid niya na dahilan kung bakit nasa kanya lamang ang mga mata ko. “Uy crush mo.” Bulong sa akin ng kaibigan ko, bigla na lamang akong ngumiti sa hindi malamang dahilan sakto naman na nagkatitigan tayo habang nakangiti ako.

At tumigil ang mundo nang mag-wave ka sa akin kaya nag-wave din ako

February 14, 2019
11:11 AM
You and crush waved at each other!

Literary: Ngiti




“Minamasdan kita nang hindi mo alam”
Panibagong sikat ng araw, panibagong pag-asa ngunit manantiling pareho ang iyong ngiti. Mula paggising hanggang sa pag-aasikaso ko papuntang simbahan, iisa lang ang nasa isip ko. Makikita ko na naman ang ngiti mo. Ngiti mo na nagiging dahilan ng pagsikat ng araw sa mundo ko kahit pa umuulan. Pagdating sa simbahan na sampung taon ko nang pinupuntahan, nakita kita, nakita ko ang napakatamis mong ngiti. Ilang minuto ang lumipas at lumapit ka sa mga instrumento at kinuha ang gitara mo para tumugtog, hindi ko mapigilan ang mga mata ko na mapatingin sa’yo at sa tuwing nagtatama ang ating mga mata, ako ang nauunang umiwas, minsan nama’y ikaw – ikaw na palagi kong pinagmamasdan.

“Pinapangarap kong ikaw ay akin…”
Hindi nagtagal, inanyayahan ang lahat na magdasal nang taimtim, binalot ng katahimikan ang lugar pero para akong nabibingi sa lakas ng kabog ng dibdib ko nang tumingin ako sa’yo. Lord, siya na lang po. Pinagdarasal ko na sana – kahit sana man lang – balang-araw, maging akin ka.

“Sa iyong ngiti, ako’y nahuhumaling…”
Pagkatapos ng misa, umupo ka malapit sa mga instrumento at kinuha ulit ang iyong gitara. Pinagmasdan kita habang kinakanta mo ang paborito kong kanta. At nang magtama ang ating mga mata ay ngumiti ako sa unang pagkakataon at ngumiti ka rin pabalik. Sa palagay ko, kulang pa ang salitang nahulog ako sa’yo. Nahumaling – nahumaling ako sa ganda ng iyong ngiti na hindi ko na magagawang alisin pa sa aking isipan.

“At sa tuwing ikaw ay gagalaw, ang mundo ko’y tumitigil para lang sa’yo…”
Napakaraming tao sa loob ng simbahan pero ikaw lang na naglalakad papalapit sa akin ang nakikita ko. Para akong kakapusin ng hininga at paulit-ulit na tinatanong kung ito na ba? Ito na ba ang pagkakataon para sabihin na nahulog ako sa mga ngiti mo. Ngiti na mistulang magandang panaginip na ayaw kong matapos dahil sa oras na matapos ito, natatakot ako na baka hindi ko na ulit ito makita. Handa na ba akong magising sa panaginip ng iyong ngiti? Hindi. Hindi pa ako handang aminin sa’yo dahil natatakot pa rin akong baka hindi naman pala tayo pareho ng nararamdaman. Baka ako lang pala ang nahulog o di kaya’y baka may iba ka nang nagugustuhan.

“Ang awit ng aking puso”
Tumayo ka sa aking harapan at tumingin sa mga mata ko. “Di ba mahilig kang makinig sa OPM? Gusto mong pumunta ng UP Fair? Tara.” Kahit ano pang tanong ‘yan, oo ang sagot ko basta kasama kita. Ikaw ang palaging awit ng puso ko.

“Sana’y mapansin mo rin”
UP Fair, sa kalagitnaan ng ingay habang pinapanood ang paborito nating banda, habang nakikipagsiksikan sa maraming tao at habang ang mga bituin ay patuloy na kumikinang, ngiti mo pa rin ang nagpaliwanag sa aking gabi. Sana. Ikaw ang palagi kong sana.

“Ang lihim kong pagtingin.”
Nilakasan ang loob, hinamon ang puso’t isipan, hinamak ang lahat para maalis lamang ang bara sa aking lalamunan. “Gusto kita.” Tumingin ka sa akin na para bang gulat na gulat. “Nahulog ako sa’yo. Nahulog ako sa mga ngiti mo na hindi limitado sa mundo, ngiti mong abot hanggang kalawakan at ngiti mong mas maliwanag pa sa mga tala ngayong gabi.” Ilang segundo muna ang lumipas bago ko muling nasilayan ang napakalawak mong ngiti at saka ka nagsalita,

“Sana napansin mo ang mga lihim kong pagtingin. Gusto din kita.”

Literary: Mama




“Ma, paano ‘yan?”

Palagi kong iniisip, paano kaya nagagawa ni mama lahat. Magluto sa umaga, alagaan kaming magkakapatid, maglinis, magtrabaho, lahat yata nagagawa niya. Hindi ko pa naririnig mula sa kanya ang mga salitang, “Anak, hindi ko kaya e.”

“Halika, tuturuan kita kung paano,” aya sa akin ni mama.

Isa, dalawa, tatlo. Bagsak!

Hindi ko kaya ang mga ginagawa niya, hanggang tatlo lang ako, hindi na ako umabante pero bago pa ako mahulog sa sahig nakaabang na agad ang mga kamay niya para saluhin ako. Sa bawat pagkadapa ko, umiiyak ako, ang hirap pero niyayakap niya lang ako at sinasabing, “Anak, ayos lang mahirapan basta ‘wag susuko.”

Bawat hakbang ay nakaalalay siya. Palagi niyang pinapaalala na lagyan ko lamang ng balanse ang bawat galaw ko. Hindi pwedeng magmadali at hindi rin pwedeng masyadong mabagal.

“Ma, nakakayanan ko nang mag-isa!”

Halos maiyak na siya sa tuwa nang makita niyang nakakatayo na ako sa aking sariling mga paa. Mula pre-school, elementarya, hayskul at ngayo’y malapit na magtapos, nandoon si mama. Sa bawat pagtatanghal na ginagawa namin, tuwing powerdance at buwan ng wika, nakahanda lagi siyang panoorin ako, pumapalakpak at proud na proud sa akin. Sobrang saya ko.

Hanggang isang araw may tumawag sa akin. Umuwi na raw agad ako at ‘wag nang dumalo sa ensayo. Nasa ospital daw si Mama at gusto niya akong makita. Dali-dali akong pumunta sa ospital at doon nakita ko siya. Hinang-hina na siya pero nang makita niya ako, sumilay ang napakaganda niyang ngiti. Alam naming dalawa na ito na ang mga huling sandali pero ayaw ko itong paniwalaan.

“Anak, nakakatayo ka na sa iyong mga paa, naaalala mo pa ba noong mga panahong kailangan mo ng saklay at wheelchair? Palagi kang nagpapaturo sa akin kung paano maglakad kasi sabi mo gusto mo tumakbo sa kalsada tulad ng ibang mga bata, ngayon gamitin mo ang iyong pakpak para lumipad at maabot ang mga pangarap mo. Mahal na mahal ka ni mama.”

Biglang nag-flat ang heart rate ni mama at nagkagulo ang lahat, sunod-sunod ang pasok ng mga doktor at nurse, pilit nilang binubuhay si mama pero hindi na nila nagawa.

Parang may sumabog sa loob ng dibdib ko.

Ma, salamat sa pagsilbing mga paa ko noong mga panahong hindi ko kayang maglakad, salamat sa tiyaga mong turuan ako kung paano ibuka ang aking mga pakpak para mabuhat ang sarili ko. Salamat, mahal na mahal din kita, ma.

Literary: She




Mirror mirror on the wall
Who’s the person I’m seeing
With tears running down like rainfall
She blames herself and continues crying

My heart is breaking as I hear her saying
“I am a disaster no one will ever love me,”
But she forgot to listen to the voice of her soul
She was messing up and talking foul

She then flipped the mirror and I saw myself
Smiling like everything is fine
She was too focused on everybody else and forgot herself
And she lost her shine

Behind her face filled with happiness everyday
Is a girl who’s always drowning
Drowning with the scars of yesterday
But her happy self will be back after crying

She believes that a storm with sunshine becomes a rainbow
She learned how to go with the flow
She was dying inside but she has a reason to not stay low
And that reason is her afterglow

Literary (Submission): Maroon Star x Another Cheerleader




Maroon Star


I’m a player
She’s a cheerleader
In each game, from my eye’s corner
I see her
Blooming as ever

I hear her voice
Cheering for the maroons
And from that moment
I fell in love even more

Admiring her is not a choice
As she danced with pure passion and poise
Her team captured my attention
But she captivated my heart

I admire her for who she is
Even though she’s a bit far
And when I look at her, my cheerleader
I can clearly see my maroon star

Another Cheerleader

He was a player, so I didn’t bother
For I was the type of girl
Who just stays in the corner

So I never really pictured
The thought of us together
Knowing his affections
Were for another cheerleader.

I saw him play and cheer for the scores
I still wonder how and why,
I became the one he adores.
For I always thought
That his stares and glances
were only because
He likes a cheerleader’s dance.

Funny how naïve one can be,
And how hard it was
For me not to easily see.
I think its sweet of him to say such things.

I still can’t imagine us together,
since my heart has been stolen by another
And she’s my fellow cheerleader.

Literary: Prophecy




Weapon
Weapons once used to protect and unite
Now a hand to divide and conquer

Assassination
If killing was once a crime
Once barbaric, brutish
With the order as is
It will be legal in time

Guiltless
Then, man was seen as innocent ‘til proven guilty
Now kids innocent and carefree
Are not exempt from such scrutiny

Fate
They can be killed at night
Despite watchful eyes and oaths to right
Day by day
We're slowly taking away their life's light

Phase
This generation is reaching its end
Another era approaches, new and cold
One where man will no longer care
Where each straight path in life will bend
Where every man will preach
Repent, repent

Remains
But when they walk past the ashen fields and rotting sea
Plagued corpses with hollow core
They will stare.
Nothing more.

Literary (Submission): Ikaw



Ikaw ‘yong uri ng tula na ayaw kong simulan
Alam mo kung bakit?
Kasi takot akong ito’y wakasan
Dahil gusto ko, na may tayo pa rin hanggang kinabukasan.

Pero kahit magsulat ako ng masasayang tula
Nag-uunahan pa ring bumagsak ang aking mga luha
Sa pag-asang magkakaroon muli ng bagong simula
Para sa ating dalawa, para sa salitang “tayo” na nawala.

Kasama ng mga pangako mo, naglaho kang parang bula
Iniwan mo akong sa langit ay nakatulala
Umiiyak, nagtatanong, “Ano bang hindi ko naibigay
At pinili mong bitawan ang aking mga kamay?”

Pero ngayon lalagyan ko na ng wakas
Pagkat patay na ang mga rosas.
Patay na ang salitang tayo
Dahil mayroon nang kayo.

Literary (Submission): Ikaw ba sana ay akin?




Nagtagpo tayo sa ilalim ng buwan
Napapaligiran ng dilim at katahimikan
Pero nang ako’y iyong nginitian
Tila nagliwanag ang kalangitan

Nginitian kita at naglakad papalapit
Pero bawat hakbang ko’y bumibigat
Natakot akong ipilit
Natakot akong baka hindi ako sapat

Umaatras-abante ang damdamin
Hindi ko mahanap ang salitang dapat sabihin
Pinili kong umatras pagkat hindi ko kakayanin
Kung ano man ang aking haharapin

Kabiguan o kaligayahan
Natakot akong subukan
Natakot akong sabihin ang nararamdaman
Dahil baka ako’y iyong ayawan

Pero ano kayang nangyari kung ako’y umamin
Kung naipahayag ang damdamin
At kung hindi lang ibinulong sa hangin
Ikaw ba sana ay akin?