filipino,

Literary: Mama

9/25/2018 08:14:00 PM Media Center 0 Comments




“Ma, paano ‘yan?”

Palagi kong iniisip, paano kaya nagagawa ni mama lahat. Magluto sa umaga, alagaan kaming magkakapatid, maglinis, magtrabaho, lahat yata nagagawa niya. Hindi ko pa naririnig mula sa kanya ang mga salitang, “Anak, hindi ko kaya e.”

“Halika, tuturuan kita kung paano,” aya sa akin ni mama.

Isa, dalawa, tatlo. Bagsak!

Hindi ko kaya ang mga ginagawa niya, hanggang tatlo lang ako, hindi na ako umabante pero bago pa ako mahulog sa sahig nakaabang na agad ang mga kamay niya para saluhin ako. Sa bawat pagkadapa ko, umiiyak ako, ang hirap pero niyayakap niya lang ako at sinasabing, “Anak, ayos lang mahirapan basta ‘wag susuko.”

Bawat hakbang ay nakaalalay siya. Palagi niyang pinapaalala na lagyan ko lamang ng balanse ang bawat galaw ko. Hindi pwedeng magmadali at hindi rin pwedeng masyadong mabagal.

“Ma, nakakayanan ko nang mag-isa!”

Halos maiyak na siya sa tuwa nang makita niyang nakakatayo na ako sa aking sariling mga paa. Mula pre-school, elementarya, hayskul at ngayo’y malapit na magtapos, nandoon si mama. Sa bawat pagtatanghal na ginagawa namin, tuwing powerdance at buwan ng wika, nakahanda lagi siyang panoorin ako, pumapalakpak at proud na proud sa akin. Sobrang saya ko.

Hanggang isang araw may tumawag sa akin. Umuwi na raw agad ako at ‘wag nang dumalo sa ensayo. Nasa ospital daw si Mama at gusto niya akong makita. Dali-dali akong pumunta sa ospital at doon nakita ko siya. Hinang-hina na siya pero nang makita niya ako, sumilay ang napakaganda niyang ngiti. Alam naming dalawa na ito na ang mga huling sandali pero ayaw ko itong paniwalaan.

“Anak, nakakatayo ka na sa iyong mga paa, naaalala mo pa ba noong mga panahong kailangan mo ng saklay at wheelchair? Palagi kang nagpapaturo sa akin kung paano maglakad kasi sabi mo gusto mo tumakbo sa kalsada tulad ng ibang mga bata, ngayon gamitin mo ang iyong pakpak para lumipad at maabot ang mga pangarap mo. Mahal na mahal ka ni mama.”

Biglang nag-flat ang heart rate ni mama at nagkagulo ang lahat, sunod-sunod ang pasok ng mga doktor at nurse, pilit nilang binubuhay si mama pero hindi na nila nagawa.

Parang may sumabog sa loob ng dibdib ko.

Ma, salamat sa pagsilbing mga paa ko noong mga panahong hindi ko kayang maglakad, salamat sa tiyaga mong turuan ako kung paano ibuka ang aking mga pakpak para mabuhat ang sarili ko. Salamat, mahal na mahal din kita, ma.

You Might Also Like

0 comments: