filipino,

Literary: Nanay Mo

9/01/2018 07:49:00 PM Media Center 1 Comments






Bigla na lang akong kinapitan ni Mama nang mahigpit, kinaladkad habang umaagos ang luha sa pisngi, at walang pag-aatubiling hinagis ang marupok kong katawan mula sa kataas-taasan ng aming bahay na may ilang talampakan ang taas.

Hindi ko inaasahang gagawin sa akin 'yon ni Mama kahit gaano pa man kalala na ang kaniyang sitwasyon.

Sabay kaming ipinanganak ni Kuya sa loob mismo ng aming bahay. Silang dalawa lang naman ang kilala ko, e. Matagal na raw kasi kaming iniwan ni Papa bago pa man kami isilang. Siguro dito nagsimulang lumubog ang simangot ni Mama.

Napapansin ko na palagi siyang problemado. Hindi siya mapakali, lagi niyang kinakausap ang sarili at puro siya lakwatsa. Naiiwan kami ni Kuya sa bahay buong maghapon, naghaharutan, nagkukuwentuhan at nagkakantahan. Kung minsan naman, napapatitig na lang kami sa mga tao sa ibaba.

"Kuya, ano kaya’ng mayroon doon?" tanong ko.

"Ewan," tahimik niyang sagot.

Matapos ang ilang oras, babalik si Mama mula sa isa na naman niyang ekspedisyon. Pagbalik ay pakakainin niya kami. Minsan, gumagalaw pa nga ‘yung mga dala niya, e.

Araw-araw na lang kaming ganito. Gising, laro, kain, tulog. Gising, harutan, lamon, tulog. Hanggang sa nainip na lang ako at biglang sinapian ng pagtataka.

"Kuya! Labas tayo ng bahay! Baba tayo doon!" sigaw ko.

"Ayaw," sagot niya.

"Hagis kita d’yan, e," panakot ko.

"Nanay mo! Hagis ka dyan?!" depensa niya.

Barado ako.

Hindi ko na lang siya pinansin at tumakbo ako patungo sa labas upang salubungin ang mundo. Narinig ko ang katakot-takot niyang hiyaw na naglalaman ng simpleng mensahe: HUWAG!

Inararo ko ang lahat ng bagay na nasa daan. Sa gitna ng magaslaw kong pagpadyak, mabilis din akong napahinto. Walang ibang daan palabas sa maliit naming tahanan kundi ang nag-iisang makitid na pintuang gawa sa kahoy doon sa kabilang dulo ng bahay. Kung hindi lang sana ako huminto, malamang nalaglag na ako para sagipin ni Kamatayan.

Narinig ko ang pagdating ni Mama.

Huli ako sa akto. Nagtagpo ang aming mga mata. Napansin ko na tila may dumulas na sa kaniyang pagkatino.

"Ano’ng gawa mo, Beh?" usisa niya.

"Naglalaro lang po kami ni Kuya, Mama."

"A, gusto n’yo palang maglaro, ha?"

Nakangiti niyang sinunggaban si Kuya at itinapon sa ere. Walang lumabas ni isang salita ngunit dinig na dinig ko ang kaniyang kaba at takot.

"Gusto mo bang sundan ang kapatid mo para makapaglaro kayo sa labas?"

"A...a... ayaw ko po, Ma," bulong ko sa sarili habang kinikilabutan.

Nang lumapit siya, sinubukan kong magtago sa isang sulok ng aming bahay. Ngunit nagawa niya agad akong hablutin sapagkat wala nga palang sulok sa aming bahay.

Nalaglag ako at sumigaw. Pagewang-gewang at takot na takot. Palapit nang palapit ang lupa. Mundo ko’y tila gumuguho na. Naging bato ang aking katawan at tinanggap na lamang ang aking kapalaran. Ipinikit ko ang aking mga mata.

Ang tagal.

Dahan-dahan akong dumilat. Bumagal ang kapaligiran. Nasilayan ko sa unang pagkakataon ang mga puno, tao, bulaklak, at iba pang hayop nang ganito kalapit. Hindi ko napigilang ngumiti. Ang kaba at takot ay naging ligaya at galak. Nahumaling ako sa mga nakikita ko at sumiklab ang aking pagnanasa para sila’y galugarin.

Bakit ako matatakot bumagsak? Nasa kalikasan ko ang bumangon muli at lumipad patungo sa himpapawid!

Ibinuka ko ang aking mga pakpak.

Imbis na bumagsak, unti-unti akong tumataas. NAKAKALIPAD NA AKO. Pakiramdam ko’y nasa tuktok na ako ng mundo at may kapangyarihang gawin ang lahat ng nais kong gawin.

Habang papalapit ako sa aming bahay, nakasalubong ko si Kuya na ngayon ay nakakalipad na rin. Napansin ko pa na nakatitig sa amin ang isang bata mula sa likod ng malaking bintana sa ibaba.

"Papa! Si Twittie, marunong nang lumipad, o!" sigaw niya.

You Might Also Like

1 comment: