filipino,

Literary: Para sa Aking Paborito

9/01/2018 08:22:00 PM Media Center 0 Comments






Para sa aking paborito,

Sa sulat na ito, nais kong malaman mo na isa ka sa mga pinakapaborito ko. Alam mo ba? Madalas ko ring maramdaman na ako ang paborito mo. Sa lahat nga ng taong kilala ko, ikaw nga lang yata ang may paborito sa akin. Maraming tao ang nahihirapan akong unawain. Ngunit, pagdating sa ’yo, parang madali lang naman akong intindihin. Bata pa lamang ako, alam na alam mo kung ano ang gagawin sa tuwing ako’y malungkot, masaya, o kaya nama’y sinusumpong. Hindi kaya sadyang magaling ka lang talagang umunuwa?

Noong bata pa ako, ang hilig-hilig kong mag-overnight sa bahay ninyo. Mas gusto ko kasi ang pakiramdam kapag natutulog sa inyo, lalo na’t ikaw pa ang katabi ko. Palaging ang himbing ng tulog ko. Dito ko nararanasang maging makulit at pasaway dahil alam kong walang sasaway sa akin.

Naaalala ko pa nga noong unang beses akong magkaroon ng cell phone, ikaw agad ang una kong naging ka-text. Palagi mo akong tinatanong noon kung kumain na ba ako at kung ano ang ulam ko. Naaalala ko pa noong graduation ko noong prep, niregaluhan mo ako ng sobrang kapal na diksiyonaryo na napakaliit ng mga sulat. Sabi mo, para magamit ko hanggang pagtanda ko. ‘Ayun, hanggang ngayon nasa kuwarto ko pa rin at nagagamit ko pa.

Sa tuwing luluwas kami ng Bulacan, ang pakikipagkuwentuhan sa ‘yo ang pinakainaabangan ko. Sa bawat kuwentuhan natin ay iba ang laman. Minsan, tungkol sa araw-araw mong ginagawa sa bahay, madalas naman ay tungkol sa mga pinsan ko. Hindi mo rin ako nakakalimutang kumustahin sa aking pag-aaral, kung kumakain ba ako sa oras, at kung may boyfriend na ba ako. Hinding-hindi iyon nawawala sa mga tanong mo.

Palagi mo pa ngang nababanggit na ang ganda-ganda ko. Dahil siguro hindi naman tayo araw-araw nagkikita kaya napapansin mo agad kung may nagbago sa akin. Alam mo ba? Ikaw lang ang nagsasabi niyan sa akin. At sa mga simpleng salita na ito ay napapasaya mo na ako. Nararamdaman ko kasing hindi mo ako binobola.

Kaya naman ang saya-saya ko noong huling umuwi kami ng Bulacan. Tawang-tawa ka sa mga pinaggagawa ko. Ginagaya ko ang sayaw ng mga bata ko pang pinsan. Sabi mo kasi, ang tanda-tanda ko na, pero parang bata pa rin akong mag-isip. Sobrang saya ko noong araw na ‘yon dahil alam kong talagang napasaya kita.

Iyon na pala ang huli. Paglipas ng tatlong araw, kakalabas ko lang ng review center, nakatanggap ako ng tawag mula kay Mama. Umuwi raw ako agad dahil kailangan daw naming umuwi ng Bulacan. Pagdating ko ng bahay, saka ko lang nalaman na inatake ka na raw sa puso. Nagulat ako sa kadarating lang na balita. Agad akong nagdasal nang marinig ko iyon.

Parang noong isang araw lang, nagtatawanan pa tayo. Noong isang araw, ang sigla-sigla mo pang magkuwento. Bakit parang biglaan?

Nasa sasakyan pa lang kami noon, sinusubukan ko nang huwag umiyak. Ngunit, nang makarating kami roon, wala na...

Wala na akong magiging ka-text.

Wala na akong pakikinggang kuwento kapag uuwi kami ng Bulacan.

Wala nang magtatanong kung may boyfriend na ba ako.

Wala nang magsasabi at magpaparamdam sa akin na ang ganda-ganda ko.

Nabawasan na ang isasama ko sa graduation.

Malungkot man, ngunit laking pasalamat ko pa rin na napangiti kita noong araw na ‘yon, Lola. Isa ka sa mga dahilan kung bakit nagsusumikap akong makatapos ngayon. Maraming salamat. Hindi kita bibiguin.

Nagmamahal,

Ang iyong paboritong apo (sana)

You Might Also Like

0 comments: