francis eloriaga,

Opinion: Pusang Gala Naman, O!

9/11/2018 07:10:00 PM Media Center 0 Comments



Photo credit: Marlyn Go at Vea Dacumos 

Sa University of the Philippines Integrated School (UPIS), may namamalagi o naninirahang natatanging hayop na nag-iwan na ng espesyal na marka sa puso ng mga estudyante at mga guro: ang mga pusa.

Kahit saan ay mahahagilap mo sila: sa mga pasilyo ng unang palapag ng Academic Building, sa canteen, sa Practical Arts (PA) Pavilion, sa ramp area, at kung minsan ay sa loob din ng mga silid-aralan. Itinuring na nga silang alaga ng buong eskuwelahan at bahagi na ng buhay sa UPIS.

Kaya naman marami ang nalungkot nang kamakailan ay isa-isang hinuli ang mga pusa.

Umaksyon ang administrasyon ng UPIS upang tuluyan nang mawala ang mga pusa dahil sa mga konsern na natanggap nito mula sa mga magulang ng mga estudyanteng nakalmot o nakagat ng mga ito. Nagbigay ng request letter ang administrasyon ng UPIS noong ika-10 ng Agosto sa University of the Philippines Office of Community Relations (UP OCR) upang hingin ang kanilang tulong na hulihin ang mga pagala-galang pusa.

Ang mga tao ng OCR ay naglagay ng mga patibong upang mahuli ang mga ito. Pagkatapos, ang mga nahuli ay kanilang dinala sa kanilang compound sa loob ng UP kung saan nananatili ang mga pusa.

Tunay na nakadidismaya ang balitang ito dahil minahal na talaga ng mga estudyante’t guro ang mga pusang ito. Sa kabila nito, ang nangyari ay dahil sa kagustuhan ng administrasyon na protektahan ang mga mag-aaral sa mga panganib na maaaring maidulot ng pananatili nila sa eskuwelahan dahil ang mga pusa ay maaaring pagmulan ng rabies at iba pang mga klase ng impeksyon na makapagdudulot ng sakit. Mayroon ding mga estudyante na may allergies sa balahibo ng hayop na maaaring ma-trigger ng mga pusang ito. Kaya’t kung sila’y mananatili ay patuloy na may nakaambang panganib sa kalusugan ng mga mag-aaral, guro, at kawani.

Di talaga masasabing ligtas ang mga pusang itinuring na alaga ng UPIS. Di maiiwasang mangalmot o mangagat ang mga ito dahil sila pa rin ay itinuturing na mailap sa tao. Wala silang itinuturing na among susundin at irerespeto.

Oo, napalapit na sa atin ang mga pusang ito, tulad na lamang ni Snowbell, ang pusang naging alaga ng PA Department. Ngunit ang priyoridad ng eskuwelahan ay bigyan ng tamang edukasyon ang mga mag-aaral at maging ikalawang tahanan nila na mag-aalaga sa kanila habang sila’y naririto. At hangga’t ang mga bata ay nasa loob ng pamantasan ay sisikapin silang protektahan nito mula sa mga panganib sa labas.

Kaya’t dapat intindihin na ang ginawa ng administrasyon ay hindi para kunin ang nagdudulot ng kaligayahan sa mga tao sa loob ng eskuwelahan, kundi para masigurado ang kaligtasan ng bawat isa. //nina Francis Eloriaga at Marlyn Go

You Might Also Like

0 comments: