filipino,

Literary: Kampai!

9/01/2018 08:38:00 PM Media Center 0 Comments






Draft #1
          Naaalala ko pa noong mga bata pa tayo, noong edad nati’y nabibilang pa ng mga daliri ng dalawang munting kamay, kinaugalian natin ang paghahabulan sa damuhan. At kung sumunod tayo sa utos nina Mama na umidlip nang isang oras sa hapon ay papayagan pa nila tayong magbisikleta. Naaalala mo pa ba? Na lagi tayong nahuhulog at nasusugatan sa tuhod. Pero wala lang ‘yun, tinatawanan lang natin ito dahil tulad nga ng lagi mong isinisigaw sa tuktok ng mga padulasan, “Magaling tayo!”
          Ito ang pinakapinahahalagahan kong alaala natin…


Draft #7
          Noong tayo’y nasa elementarya na, tayo’y palaging magkasama tuwing recess para sagutan ang mga takdang-aralin. Iyon kasi ang payo nina Mama kaya hinayaan na lamang natin sa paglalaro ang ating mga kaklase. Naaalala ko pa, nagpapataasan tayo ng mga grado at aasarin mo ako dahil mas mataas ka palagi. At ito naman ako, maiiyak sa harapan mo. Ngunit dahil pusong-mamon ka, bigla ka ring maiiyak sa harapan ko! Ang sabi mo noon, umiiyak ka dahil magagalit sa iyo sina Titser… Pero alam kong sa loob-loob mo’y ang dahilan ay ito: ayaw mo ang nakikita akong malungkot.
Ito ang paborito kong alaala natin.
          Ito ang pinakanakatutuwang katangian mo.


Draft #14
          Pagdako sa hayskul, tayo pa rin ang magkasama. Patuloy na nagdebelop ang ating pagkakaibigan, ngunit sa kasamaang-palad… sumibol din ang lihim na pagtingin ko para sa iyo. Hindi mo lang alam na kinikilig ako sa tuwing magkasama tayo. Tumagal ito nang tatlong taon, akalain mo ‘yun? Ngunit pagdating ng Grado 9, nasaktan mo ako nang sobra.

          Bakit siya ang niyaya mo sa prom? Kahit ang pangako mo sa ’kin noong mga paslit pa tayo’y ang tanging dadalhin mo sa espesyal na gabing iyon ay ang pinakaespesyal na babae para sa iyo? Napakasakit nang malaman kong hindi pala ako iyon.


Draft #15
          Naaalala mo pa ba? Noong nasa Senior High na tayo’t panahon na ng pagkuha natin ng mga College Entrance Test? Todo-todo na ang pag-aaral ng ating mga kaklase, pero ito ako… naiiyak na lamang sa kaba. Gustong-gusto kong magpatulong sa iyo, pero may kasama ka nang iba. At hindi mo lang alam… pero ako’y umiiyak gabi-gabi dahil sa paghihirap, stress, at sakit na aking nadarama, hanggang naisipang huwag na lamang kumuha ng eksam.
          Pero hindi. Lumaban ako nang mag-isa.
          Nagpatuloy ako dahil matapang ako.


Final Draft
          Aking Erik, hindi ako makapaniwala na dumating na ang araw ng iyong kasal. Matagal mo na itong hinihintay, di ba? Tingnan mo ‘tong ngiti ko… maniwala ka man o hindi, tunay na maligaya ang mga labi kong ito. Maligaya para sa iyo. Bilang Maid of Honor ninyo ngayong gabi, nais kong magpasalamat sa lahat ng alaala natin mula bata pa tayo, elementarya, hayskul, at hanggang ngayon. Pero nais ko ring humingi ng tawad dahil sa isang punto ng ating pagsasama’y tinalikuran kita nang biglaan.

          Nais kong malaman mong lumayo ako dahil napagtanto kong dati-rati’y sabay tayong nahuhulog, iiyak, at sabay babangon. Ngunit habang tumatanda tayo’y bakit tila ako na lamang ang bumabagsak? Parang ako na lang palagi ang nahihirapan at umiiyak, habang ikaw ay nakikita kong maniningning ang mga mata, napakasaya’t walang kaproble-problema.

          Pero ang mas importanteng bagay na aking natamo ay ito: Erik, ikaw ang pinakamahalagang bagay na nangyari sa aking buhay. At kahit masaya ka na sa piling ng iba, hinding-hindi na kita tatalikurang muli, dahil kahit ganito ako―isang apoy na patuloy na nawawalan ng buhay, ikaw naman ang ningas na palaging bumubuhay sa akin. Sa tuwing kasama kita, ako’y lumalakas at tumatapang. Kapag nandito ka, patuloy akong nakababangong muli.

You Might Also Like

0 comments: