filipino,

Literary: Hala Sige, Sumigaw Ka!

9/11/2018 08:21:00 PM Media Center 1 Comments





Sawang-sawa ka na, di ba?
Sa pagiging tahimik sa gitna ng kaba
Ang nais mo’y kumawala
Sa lipunan kung saan ika’y tinatawag na kakaiba

“Tingnan mo ‘yon, o! Mag-isa na naman, loner.”
“Huwag kang lumapit diyan, weirdo ‘yan.”
Palagi mong naririnig na sinasabi ng ilan
Titingin ka sa kanila habang ika’y iniiwan
Pagkatapos ay tatawanan ka na naman

Nakakapagod, hindi ba?
‘Yung araw-araw na maling pagtrato sa ‘yo ng iba
Pagkatapos ng pag-uukol mo sa kanila ng pansin
Magpapakabulag sila sa iyong halaga

Ngunit ano’ng magagawa mo?
Siguro’y iniisip mo na wala.

Patuloy ka pa ring lumalaban
Di dahil sa gusto mo, kung di dahil kailangan
At may mga pagkakataon pa nga na minsan
Ikaw ay lubhang nag-aalinlangan

Kung minsan nama’y nasa punto
Na ang nais mo na lang ay sumuko
Uupo sa sulok, iiyak at sabay sabi ng,
“Ayaw ko na, talo na ‘ko.”

O di kaya nama’y nais maging malaya
Sa buhay na halos kontrolado na ng iba
Maging mga dapat at di dapat mong gawin, idinidikta nila
Kaya’t hala, sige, sumigaw ka!

Ngunit diyan ka nagkakamali

Matapos ang pagwawala, darating ang lungkot
Ang mundo mo’y iikot sa isang bangungot
Patuloy na dadaloy sa ’yo ang hinagpis
At ang buhay mo’y magiging purong poot

Ngunit ‘wag kang mag-alala

Sa mga panahon na marami ang iniiwasang makausap ka
At ang pagkamahiyain mo’y hindi mawala-wala,
Marahil may nakaranas nang maupo sa iyong silya
At ang iyong nararanasan ay hindi na naiiba

Sa katunayan,

Di ka nag-iisa sa labang ito,
Kasama ka sa nag-iisang libo-libo
Sapagkat ang ganitong pag-iisa,
Maaari nang tawaging epidemya

Ano ang maaari mong magawa?

Ika’y mas maging bukas sa pananalita
Hayaan mong lumapit sa ’yo ang may makikinig na tainga
Iwasan mo ang pambabastos sa kapwa
Nang sa gayo’y walang lalayo at hahanapin ka

Ilabas mo ang kabaitan sa bawat sandali
Hanggang sa masabi mo sa iyong sarili,
“’Uy! Hindi ako nag-iisa ngayong araw,
Marami naman pala ang may katulad kong sigaw.”

You Might Also Like

1 comment: