filipino,

Literary: Ang Pag-ulit ng Kasaysayan

9/01/2018 08:52:00 PM Media Center 0 Comments






Pananakot at Militar

Nasasandatahang hukbo
Ang naging susi ng dating pangulo
Sa pagpapatakbo ng mga pulo
At pananatili sa puwesto
Tumahimik ang bansa
Hindi dahil mapayapa
Kundi sa takot na naghari
Sa puso ng mga inapi.


Matinding Pagdurusa

Libo-libong pagkulong
Libo-libong pagtortyur
Libo-libong pagkawala
Libo-libong pagpatay
Libo-libong nagdurusa
Ang nangyari sa kaniyang diktadura
Kahit inosente’y walang magawa
At pag lumaban ka, finish na.


Naipong Galit

Bawat pagtitimpi
Bawat lihim na pighati
Bawat sigaw na paloob
Bawat pagtitiis ng kirot
Ay naipon at nagsama-sama
Hanggang sa umapaw ang galit sa sisidlan
Sa pang-aabuso ng punong sukab
Poot ng madla’y naglalagablab


Nagkaisa


Sa EDSA ay nagtipon-tipon,
Lahat ng taong napilitang itago ang kanilang emosyon
Lalong-lalo na ang kanilang galit at dalamhati
Sa araw at lugar na iyon,
Nailabas nila ang kanilang nagbabagang damdamin
Sa pamamagitan ng isang mapayapang rebolusyon
At dahil sa kanilang pag-iisa,
Nagwakas ang tiraniya


Umuulit na Kasaysayan

Kontrol ng presidente sa militar?
Libo-libong nawawala?
Libo-libong hindi na muli nakita ng pamilya?
Libo-libong pinapatay?
Libo-libong biktima ng inhustisya?
Pamilyar ba ang mga eksenang ito?
Bakit tila bumabalik lamang tayo
Paulit-ulit ang malupit na siklo?


Galit na (Naman na) Mamamayan

Dahil sa kasaysayan ng bayan
Ang mga Pilipino ay natuto na
Walang kalapastanganan sa kababayan
Na palalampasin basta na lamang
Ang mga mali ay itatama
Di madadaan sa “Move on na lang”
‘Pagkat ang sugat kung maghilom man
May iniiwang pilat na di mapaparam


Pagkakaisa
?

Pangako sa ati’y pagbabago
Sa ganitong klase ng pamumuno?
Yumuyurak sa karapatang pantao
Di nakikinig sa mga pagsusumamo
Nagpapanatili pa rin sa mga abusado
At naglulugmok pa sa ating lalo?
Ang mga pagkakamaling ito na bumabalik
Sa pagkakaisa lamang natin maitatama ulit.

You Might Also Like

0 comments: