Showing posts with label Gabriella. Show all posts

Literary: Isa hanggang labindalawa





Mga numerong sumisimbolo sa oras,
Minsa'y bumibilis,
Minsa'y bumabagal
Ngunit kahit anong mangyari
Nagpapahiwatig ito ng wakas.
Tumingin ka sa orasan,
Makikita mo ang mga numero mula isa hanggang labindalawa.
Hindi ka ba nababahala
Na may nawawalang
Oras na hindi nababalikan
Na sadyang lumilipas na lang?
Pagdating sa labindalawa tapos na ang isang araw
Ngunit wala ka pa ring nagagawa.
Mga numerong bumubulong...
"Hawak mo ba talaga ang buhay mo? Kontrolado mo ba ito?
O kami lang ang nagdidikta
Kung kailan ka hihinto, kung kailan ka magsisimula.
Higit sa lahat, kung kailan ka mawawala."
Tumatakbo ang oras, nakahahabol ka ba?
Kahit napapatid, tumatayo pa rin,
Dahil sa takot na hindi mo masabayan
Ang oras na maaari kang iwanan.
Pero ito na nga, dumating na nga ang panahong
Hindi mo na kinaya...
'Gaya ng orasan, para lang tayong binibilangan.
Isa, dalawa, tatlo hanggang labindalawa,
Mistulang nakaririnding babala.
Isa, dalawa, tatlo hanggang labindalawa,
Tapos na, may magagawa ka pa ba?

Literary: Bulong





Oras na aking kinatatakutan --
Paglubog ng araw sa kanluran
Pilit na tinatakbuhan
Ang kadilimang aking iniiwasan

Pawis ko'y tumatagaktak
Kaba, sa puso ko'y sumasaksak
Dahil sa dilim na nakasisindak
Katahimika’y pilit nitong winawasak

Ang ingay sa dibdib ko'y nakabibingi
Nagwawala, hindi mapakali
Tibok ng puso’y tumitindi
Tila may sinasabi

Ilang araw na ang nakararaan
Mula nang mangyari ang hindi inaasahan
Kay lamig ng hanging humampas
Biglang nasulyapan mga aninong lumalabas
Sa dilim, ang bulong nila'y lumalakas

Naunang naramdaman ang hangin noon,
Nadagdagan ng dagundong
Kaluskos, sitsit, bulong
Ng kadilimang ako'y nilalamon

Sa madilim na pasilyo
Natanaw ko ang isang anino
Nasa malayo, ngayon ay nasa harap ko
Sinasambit, "Bakit ka tumatakbo?"