Showing posts with label flerida. Show all posts

Literary (Submission): Hanggang dito na lang.




Lagi ko siyang nakikita,
At kapag nagkataon ay siya lamang ang tinitingnan ng mga mata
Ako’y natutuwa sa kanyang presensya,
Mga ngiti niya’y nagpapasigla sa aking umaga,

Lagi ko siyang nakikita,
At kapag nagkataon ay nagbabago ang lahat
Napapangiti tuwing umaga
Sumisigla sa kanyang presensya

Pero hanggang tingin lamang ang magagawa ko
‘Di kami bagay, ‘di kami wasto.
Brilyante siya’t ako ay bato
Marami sa kanyang nagkakagusto.

Pero hanggang pagngiti lamang ang aking kaya
Ayokong tumaya.
Kuntento na akong
Ngumingiti lamang dahil sa kanya.

Pero bakit ganoon?

Nagagalit ako sa tuwing siya’y may kasama
Naiinis kapag may kausap siyang iba
Sa isip ko ay nalulungkot
Kaya naiisipan kong ‘di ka muna makita.

Sa tuwing mawawala siya
Siya ay gustong hanapin
‘Di mapakali
kung siya’y mawala sa paningin.

At kung magkataon

Bakit naman ako ang pipiliin niya?
Bakit niya sasayangin ang oras sa tulad ko?

Magiging tama ba ako sa kanya?
Kaya ko bang panagutan ang pag-ibig na nabuo?

Kung noon ay kami lang ang nagtitinginan
Ngayon pati na rin ang iba
Ano kaya ang masasabi nila
Sa aming pagsasama?

Higit sa pagngiti
Dapat ay tibayan namin ang aming mga sarili,
Paano kaya sa panahong mapapait?
Paano kung lumala at bumitaw sa kapit?

Masakit mang isipin
Ngunit ako’y higit na sasaya
Kung mas karapat-dapat
Ang iibigin niya.

Maraming iniisip
Gulong-gulo ang isipan
Gustong umibig
Pero takot masaktan

Pero sa kanya lamang
Tumitibok ang puso ko
Siya lamang
Ang laman ng isip ko

Pero hanggang tinginan
hanggang ngiti
hanggang dito na lang
Patawad.

Literary: Asawa ko





Asawa ko
Kailan mo ba ko mapapansin?
Nandito ako,
Ikaw ba sa aki’y may pagtingin?

Sa tuwing ika’y nakikita,
Ako’y nahuhumaling
Sa’yong hubog at ganda,
Lumalakas ang bugso ng aking damdamin.

Ngiti mong kay tamis,
Tumunaw sa puso kong naghihinagpis
Sa tuwing ika’y mag-isa,
Ayaw ko nang umalis.

Dug-dug! Dug-dug!
Tibok ng puso ko ba’y rinig mo?
Gabi-gabi ay ‘di kita malimot.
Ang dami-dami kong gustong gawin sa’yo.

Pinipilit kong ipagkrus ang ating landas,
upang magkaroon tayo ng pag-ibig na wagas
Ngunit sumusubsob ka,
May nakikilalang iba.

Pero ako’y ‘di nawalan ng pag-asa,
Hindi ako papayag na hindi maging tayo.
Paraan, ako’y gagawa
Susundan kita.

Asawa ko
Kailan ka mapapasaakin?
Nandito ako,
Sa likod ng iyong paningin

Tumalikod ka,
Ika’y sa akin mahumaling
Sa tagal kong naghihintay lamang
Ika’y dapat nang mapasaakin.

Buhok mong kay kapal,
Nais kong haplusin at samyuin
At kung tayo na lang dalawa,
Ika’y matagal kong hahagkan at yayakapin.

Tok! Tok!Tok! Tok!
Buksan mo ang iyong pinto!
Ipararamdam ko sa’yo ang aking pag-irog!
Wala nang tutulong sa’yo!

Nanay, Tatay, minartilyong malakas,
Ate, kuya, binalatang parang patatas,
Mga dating kasintahan mo? Wala na sila.
Pag ‘di mo ‘to binuksan, ika’y susunod na.

Literary: Paano gumawa ng gayuma





Sa malaking kaldero'y paghaluin,
Mga kasangkapang aking babanggitin,
Wala dapat labis, kulang ay ‘wag din,
Nang ‘di sumablay ang gayumang gagawin.

'Sang basong alak para 'di kumupas,
'Sang kutsaritang asukal para tumamis,
Pinunit-punit na mga aklat,
Nang pagkakaintindihan sa pagitan niyo’y makamit.

Nagsisikinangang mga ginto't pilak,
Para masabing ika’y kanyang mahal.
Kalasag, espada, baril, itak,
Para ika'y kanyang ipaglaban.

Kumuha ng paa ng kahit anong hayop,
Para magkaroon ng paninindigan.
Isang kilogramo ng nilutong sago,
Para boladas mo'y kanyang sakyan.

Ihi ng tao para 'di ka matiis,
Litrato mo para lagi kang ma-miss,
Tukong buhay para lagi mong kadikit,
Sa panahong ika'y puno ng hinagpis.

Halu-haluin lamang sa tamang bilis,
Sa ilalim ng apoy na naglalagablab,
Para hinding-hindi manlamig
Ang pag-irog na iyong pinapangarap.

Huling idadagdag sa gayumang nililikha,
Para epektibo ito talaga,
Ang tumulo mong pawis, bunga ng iyong pagtitiyaga,
Nang paghihirap mo’y tumatak sa kanya.

Matapos gawi'y ipainom sa kanya,
At awitan mo siya ng kundiman
Maghintay ng minuto, isa, dalawa,
Matapos ang lahat, siya'y mapapasa’yo na.



Literary: b a h a g h a r i




Bakit ganito ang nararamdaman ko?

Ano ang aking nakita sa iyo?

Hangal ba ako kung magkagusto sa isang tulad mo?

Ako'y nagtataka dahil sa lahat ng aking nakilala, ikaw lang ang laging naaalala.

Gugustuhin mo rin ba ako? Akong umaasa lamang? Ako na wala sa iyong paningin?

Hari ako na naghahanap ng iibigin, at isang araw ay nasilayan kita. Ikaw na mabait, ikaw na napakamasiyahin, at ikaw na napakatapang.

Alam ko sa sarili kong walang magaganap sa atin, dahil hindi maipagkakailang ito'y suntok sa buwan.

Romantiko man ang nararamdaman ko, kumusta naman ang sa iyo?

Iibigin mo ba ako kung hari tayo pareho?