filipino,

Literary: Paano gumawa ng gayuma

10/05/2019 08:06:00 PM Media Center 0 Comments





Sa malaking kaldero'y paghaluin,
Mga kasangkapang aking babanggitin,
Wala dapat labis, kulang ay ‘wag din,
Nang ‘di sumablay ang gayumang gagawin.

'Sang basong alak para 'di kumupas,
'Sang kutsaritang asukal para tumamis,
Pinunit-punit na mga aklat,
Nang pagkakaintindihan sa pagitan niyo’y makamit.

Nagsisikinangang mga ginto't pilak,
Para masabing ika’y kanyang mahal.
Kalasag, espada, baril, itak,
Para ika'y kanyang ipaglaban.

Kumuha ng paa ng kahit anong hayop,
Para magkaroon ng paninindigan.
Isang kilogramo ng nilutong sago,
Para boladas mo'y kanyang sakyan.

Ihi ng tao para 'di ka matiis,
Litrato mo para lagi kang ma-miss,
Tukong buhay para lagi mong kadikit,
Sa panahong ika'y puno ng hinagpis.

Halu-haluin lamang sa tamang bilis,
Sa ilalim ng apoy na naglalagablab,
Para hinding-hindi manlamig
Ang pag-irog na iyong pinapangarap.

Huling idadagdag sa gayumang nililikha,
Para epektibo ito talaga,
Ang tumulo mong pawis, bunga ng iyong pagtitiyaga,
Nang paghihirap mo’y tumatak sa kanya.

Matapos gawi'y ipainom sa kanya,
At awitan mo siya ng kundiman
Maghintay ng minuto, isa, dalawa,
Matapos ang lahat, siya'y mapapasa’yo na.



You Might Also Like

0 comments: