filipino,

Literary: Eskinita

10/21/2019 08:30:00 PM Media Center 0 Comments





Madilim ang gabi at ako’y naglalakad
Nasanay na sa malamig na yakap ng hangin
‘Pag ako’y nag-iisa.
Mga anino ng gusali’t edipisyo
Ang palabas ng nag-iisang buwan sa itaas
Sinasamahan ng orkestra ng trapiko
At amoy ng pagod ng mga taga-lungsod.
Isang kaliwa papasok sa eskinita
Pagkitid ng naaabot ng mga ilaw sa kalye
Nasukluban ng kongkreto ang busina ng mga kotse
At aking nadatnan ang katahimikan sa siyudad.
Hanggang sa isang saglit, biglang pagpalit
Isang tuluy-tuloy na pulso
Ng mga hakbang sa aking likuran.
Hindi akin ang hakbang.
Tumalon ang aking puso
Nanlamig ang balat
Tumigil ang katawan.
Paghinto ng hininga, naghihintay
At ako’y nangahas ng sunod na hakbang.
Tanging narinig ay yabag na mabigat
Ilang segundo matapos ang sarili.
Sinugal na tumingin papalikod
Taong papalapit nang papalapit--
Takbo.
Tambol sa aking tainga, tibok ng aking puso
Mabilis, bumibilis
Hindi na tumitigil
Hindi ko na kaya pang bilisan
Bawat sikap at bawat pag-usad,
Tila putok ng baril sa binti
Bawat galaw, nasusundan ng tatlo pa, apat ng kaniyang hakbang
Na mabilis, bumibilis
Isang segundo lamang ng pag-atubili
At tapos na ang karera.
Natutuyo ang lalamunan at natitikman ang dugo
Kasabay ng kagat ng luha sa aking mga mata
Wala nang tulong ang mga ilaw sa kalye
Sa pag-alis ng takot at kaba ng pag-iisa.
Napakahaba pa ng eskinita
Kailanman, hindi naging ganito kalayo
Tuluy-tuloy, pagbitiw ng hininga mula sa bibig,
Malakas, tila may itinutulak papalayo
Isang dasal, lima, lahat ng dasal
Pagmamakaawa
Ngunit natatapakan ko na ang kaniyang anino
Sa lapit ng kaniyang kadiliman.
Sa aking balikat, pagkabit ng kaniyang kamay
At ako’y tapos na
Kukong nakakawit sa aking mga damit
Pinababagsak ang aking puso, kabuhayan, damdamin
Huwag kang titigil
Sigaw sa aking katawan na huwag titigil
Tumakas ako mula sa kaniyang kapit, ipinilit
Hindi ngayon, tanging bumabalot sa isipan
Bilis pa
At iyon, iyon na
Ang dulo ng eskinita
Ungol ng halimaw ang sigaw na humahabol
Walang tinutunguhan kundi ang ilaw sa harapan
Ingay ng mga taong naghihintay pa ng sasakyan
Ilang hakbang na lamang—
Isa pa, dalawa—
Inangat ko ang aking ulo
At sa gitna ng karagatan ng tao
Ligtas.

You Might Also Like

0 comments: