filipino,

Literary: Kaibigan

10/21/2019 08:35:00 PM Media Center 0 Comments





Alas-otso na ng gabi, nasa paaralan pa rin ako.

Ginawa kasi namin ng aking mga kaklase ang proyekto namin sa Araling Panlipunan. Sa sobrang pokus, nakaligtaan na namin ang oras. Isa-isa na naming nilinis ang mga kagamitang nakakalat sa lapag upang kami’y makauwi na.

Sa aming lima, sina Ara at Kiko lamang ang may sundong kotse. Kaming tatlo naman nina Keith at Andrea ay namamasahe.

“O, Kiko, paano ka? Hindi ba’t sinusundo ka ng tiyo mo?” tanong ko kay Kiko.

“Oo, nalimutan ko ngang sabihin na gagabihin tayo. Hayaan mo na, magpapasundo na ulit ako, ” sagot niya. Kinuha niya ang selpon at nag-text na sa kaniyang tiyo.

Pagkatapos mag-text, tinulungan niya kaming linisin ang buong silid.

“Kiko, ikaw na lang din ang mag-uwi ng ginawa natin ha? Susunduin ka naman e.” sabi ni Keith. Tumango naman siya bilang pagsang-ayon.

Kami’y lumabas na ng silid. Paglabas pa lang ay nangilabot na ang aking balat, dulot ng malamig na simoy ng hangin. Habang naglalakad sa tahimik at madilim na pasilyo ng ikalawang palapag ng paaralan, napatingin kami kay Ara na naglalakad nang mabagal sa gilid. Napatingin naman siya pabalik sa amin at sinagot ang mga mukha naming puno ng pagtatanong.

“Ngayon ko lamang nakita ang paaralan natin na ganito kadilim, hindi naman kasi ako inaabot ng gabi rito, ” sabi niya habang nanginginig na pinagmamasdan ang tinatahak naming kahabaan ng pasilyo, patungo sa hagdan.

Habang naglalakad, pinagpaplanuhan na naming kung paano ipiprisinta ang aming ginawa kinabukasan. Nag-assign na kami ng kaniya-kaniyang roles na gagampanan. Bilang ako ang inatasang mamuno sa proyektong ito, ako na ang nag-atas ng gawain.

“Ara, kayo ni Andrea ang magsabi ng introduksyon ng napili nating topic. Kami ni Kiko ang magpapaliwanag ng ginawa nating visual aide, at si Keith naman ang magtatapos ng report,” sabi ko. Tumango naman silang lahat, maliban kay Kiko na nanatiling nakatitig lang sa akin na walang bahid ng emosyon sa mukha.

“O, Kiko, bakit? Ayaw mo ba magpaliwanag ng visual aide?” tanong ko. Pinagmasdan ko ang kaniyang mukha habang hinihintay ang kaniyang sagot, at kapansin-pansin ang biglaang pagbabago ng aura niya. Mula sa pagtitig sa akin nang walang emosyon, bigla siyang ngumiti nang malawak.

“Uy, hindi ah, ayos lang sa akin syempre. Pag-usapan na lang natin bukas kung paano,” sagot niya, nananatiling nakangiti. Nailang ako sa biglaang pagbago ng kaniyang mood at napilitan na lamang akong ngumiti.

“Teka, guys, pwede dalian natin ang pagpunta sa guardhouse? Wala kasing signal dito, hindi ko ma-text ang nanay ko,” singit ni Ara. Tumango kami at binilisan ang lakad.

Nakalabas na kami ng building. Habang papalapit sa guardhouse, unti-unti ring lumabo ang dinaraanan sa labis na pagkurap ng mga ilaw sa bubong ng shed. Inilabas ni Andrea ang kaniyang telepono at binuksan ang flashlight nito, na nakatulong sa aming paglakad.

“Sige, sa guardhouse na lang kami maghihintay ng sundo ni Kiko,” sabi ni Ara at tumabi kay Kiko, ngunit hindi kami umalis.

“Sige lang, Ara, hintayin na naming kayo masundo para sigurado. Madilim na rin kasi rito sa pinaghihintayan niyo,” sabi ni Keith.

“Wow, ambabait naman ng mga kagrupo ko! Sige, salamat ha! Ayos lang ba, eh mamamasahe pa kayo?" Tanong niya. Itinaas na lang naming ang aming hinalalaki upang senyasan na “Ok” lang. Niyakap ni Ara si Keith, napakaconcern daw kasing kaibigan. Hindi naming maiwasang hindi tuksuhin ang dalawa.

Habang nag-aasaran, napansin kong nawala si Kiko sa may tabi ni Ara.

“Oh, asan si Kiko?” tanong ko sa kanila. Habang tumitingin sa paligid, mayroong dumating kotse at bumusina tatlong beses.

“Naku, tiyo ni Kiko ‘yan. Sige na guys, ako na maghahanap sa kaniya, papatulong na lamang ako sa tiyo niya. Mauna na kayo, gagabihin pa kayo. Sige na, ha?” suhestyon niya. Nagdalawang-isip kaming umalis noong una, ngunit napagtanto naming mahihirapan nga kami umuwi kung nanatili pa kami, kaya umalis na kami.
“Sige, pasensya na Ara ha. Gagabihin kasi talaga kami eh. Pahanap na lang siya, nasa kaniya pa naman visual aide natin.” Nagbilin na lamang ako kay Ara na i-text ako kapag nahanap na si Kiko at nakauwi na sila pareho.

Hinintay ko ang kaniyang text hanggang alas-onse ng gabi, ngunit kahit matutulog na ako, wala pa rin akong natanggap. Labis akong nag-alala dahil ako ang kanilang lider sa grupo.

Kinabukasan, inagahan ko ang pagpunta sa klase para makapagpraktis kami ng aming presentasyon, at para na rin makita kung safe ba si Ara at Kiko. Pagdating sa silid, nakita ko na agad si Kiko na sinalubong ako sa pagpasok.

“Kiko! Uy! Bakit ka nawala kagabi? Hinanap ka pa naman ni Ara.” Panimulang bati ko. Ang nakangiting mukha ni Kiko ay napalitan ng pagtataka.

“Anong kagabi? Kaya ako lumapit sa’yo, hihingi sana ako ng paumanhin. Nagkasakit kasi ako kahapon matapos ang klase kaya umuwi na ako bandang alas-singko. Nagawa niyo ba ‘yung proyekto?” sabi niya. Ako naman ang nagtaka ngayon.

“Ano? Pre, eh nasa iyo nga ang gawa natin diba! Pinauwi ko pa sa’yo ‘yun kasi ikaw ‘tong may sundo. Hindi mo siguro naaalala. Natapos natin ang proyekto, inabot nga tayo ng gabi eh.” Habang pinapaalala ko ito’y lalo lang nagtaka si Kiko.

“Pre, eh wala nga ako kahapon. Umuwi na ako. Tignan mo, may excuse letter pa nga ako galing sa nanay ko, bilang paumanhin na hindi ako nakatulong sa proyekto.” Sabi niya.

“E kung wala ka kahapon, sino ‘yong—,” hindi ko na nakumpleto ang aking sinasabi nang makitang lito ang mukha ni Kiko na nakatingin sa akin, habang hawak ang excuse letter niyang may pirma ng magulang at titser, patunay na wala kaming kasamang Kiko kahapon.

You Might Also Like

0 comments: