filipino,
Literary (Submission): Mga Marupok
Nahulog sa Sahig
May babasaging baso na matagal nang binili ng isang kilalang negosyante. Inalagaan niya ito nang matagal at hindi niya hinayaang mahawakan ng sinoman. Isang beses, nakapatong ito sa isang lamesa ngunit sa kasamaang palad, may isang taong nakatabig nito. Dahil dito, nahulog ang baso at *crash*. Nabasag ang matagal nang inalagaang baso. Nakita ito ng may-ari at ninais sanang habulin ang nakatabig ngunit siya’y nabigo dahil kumaripas at agarang nakalayo ang salarin. Matapos ang pangyayari, kalat-kalat na ang mga bubog ng basong iyon sa sahig at nilinis na lamang ito ng may-ari. Ninais niyang bumili ulit ng isa pang basong babasagin pero hindi na niya ito ipapatong sa lamesa nang ‘di binabantayan. Natutunan ng negosyante na kahit anong uri ng pag-aalaga o pagbabantay ang kanyang gawin, madaling mababasag ang isang baso sapagkat ito’y likas na marupok.
Nahulog sa Kanya
Isa akong mag-aaral na seryoso sa pag-aaral. Dinanas ang hirap sa paaralan pero kailanma’y hindi bumagsak o nakatikim ng kapit sa patalim na marka. Isang beses, ninais kong mag-react sa post ng isa kong kaklase. Sa kasamaang palad, ang malokong gawaing iyon ay nauwi sa simula ng mga mahahabang usapan araw-araw. ‘Di ko napansin na unti-unti akong nahulog sa kanya at biglang *crush* ko na pala siya. Dahil dito, nawala sa katinuan ang aking isipan at hindi na gaanong naging seryoso sa pag-aaral. Ninais kong habulin ang taong ito ngunit sa kasamaang palad, ako’y nabigo nang ilang beses. Matapos ang mga pagkabigo, naging kalat-kalat ang buhay ko at pilit kong nilinis ang mga pagkakamaling nagawa. Ninais kong bumalik na lamang muli sa buhay ng seryosong pag-aaral. Natutunan ko na kahit anong uri ng pagseseryoso o pag-iwas ang aking gawin, madali akong mapapaibig sa isang tao sapagkat katulad ng babasaging baso, isa rin akong likas na marupok.
0 comments: