filipino,
Literary: Filos
“Labas tayo, my treat...”
Hanggang ngayon, tanda ko pa ang mga eksaktong salitang sinabi mo sa akin, para ayain akong lumabas, at kung paano ako kinilig. Unang beses kasing may nagtanong sa akin ng ganyan na hindi ko kaibigan, yata, hindi ako sigurado. Pangalawa, ikaw ang unang taong nagustuhan ko na sinubukan kong harutin, ‘ika nga nila. Sabi pa nila noon na ‘wag ako ang mag-first move. Pero sabi ko, ako ang may gusto kaya bakit naman hindi?
Bilang istrikto ang aking mga magulang, hindi ko alam kung paano magpapaalam. Kung sasabihin ko ang totoo, hindi sila sanay na gumagala ako nang hindi kaibigan ang kasama at isa pa, hindi ka nila kilala. Kung magdadahilan ako, hindi ako sanay magsinungaling pero ngayon lang naman, at kung para sa ‘yo, bakit hindi?
Nagpaalam ako’t natuloy ang gala natin. Kumain, tumingin ng mga damit, nanood ng sine, naglaro sa Timezone, at naglakad-lakad. Ngunit may napansin ako, bakit hindi ka makatingin sa mga mata ko? Parang kinakabahan ka at pinagpapawisan na tila ba may multo kang nakita. Pero kahit na gano’n, naging masaya naman ang buong araw ko dahil buong araw kong kasama ang taong gusto ko.
Ang gala nating ito ang naging hudyat ng pagsisimula ng ating kakaibang relasyon. Relasyon kung saan nakatatakot linawin kung ano ang nararamdaman mo, baka kasi ang sagot mo ay iba sa ‘yong ikinikilos.
Kahit na may takot, na baka hindi naman talaga totoo ang ipinararamdam mo, nagpatuloy pa rin ako sa kung ano ang mayroon tayo. Dahil ito, ikaw, at kung ano tayo ngayon ang gusto ko.
Hindi natatapos ang mga araw nang hindi ikaw ang una at huli kong nakakausap. Madalas, napagkakamalan kong ikaw ang aking nanay sa dami ng tanong mo sa akin:
“Kumain ka na ba?”
“Aalis ka ba?”
“Sinong kasama mo at saan kayo pupunta?”
O kaya naman,
“Tulog ka na, pagod ka na siguro…”
Sa bawat tanong mo, hindi mo namamalayan na unti-unti at palalim nang palalim ang pagkahulog ko sa ‘yo.
At sa bawat sagot ko, hihingi ka ng tawad. “Sorry kung I always ask questions, ayoko lang kasi iparamdam sa mga taong mahalaga sa ‘kin kung ano ang ipinagkait sa akin ng mga magulang ko.”
Sa kabila no’n, mayroon namang mga panahon na tila ba hindi mo ako makilala. Sa panahong ganito, nais ko na lang paniwalaan na iba talaga ang ikinikilos mo sa ‘yong nararamdaman.
Ako ang magsisimula ng ating batian, tanungan, at kwentuhan dahil ang tanging sigurado lang naman ay ako ang may gusto sa ‘yo at hindi ikaw ang may gusto sa akin.
Pagkatapos, wala, babalik ulit tayo sa dati. Babatiin mo ako at babatiin kita. Magtatanong ka’t ako ang sasagot. Magkukuwento ka at ako naman ang magkokomento. Kung suswertehin, magyaya ka ulit lumabas.
“Bon Chon tayo? G?”
At ito ako, patol lang nang patol. Sanayan lang ‘yan! Ikaw ang unang nagkagusto ‘di ba?
“Sige, kaso may klase ako no’n.”
“Okay lang, I’ll just wait na lang sa labas ng school mo.”
Noong araw na ‘yon, nadatnan kita sa may gate ng paaralan ko, nakatayo at naglalakad-lakad.
“Let’s go?” Nahihiyang tanong mo sa akin.
“Tara!”
Gano’n pa rin, katulad ng una nating paglabas. Pero ngayon, hindi na lang ako ang masaya, at tila ba mas komportable ka na sa akin.
Sa paglipas ng mga buwan, nagpatuloy tayo sa ganitong sitwasyon, ngunit dumating sa punto kung saan nais ko nang itigil ang pagiging malabo nito.
Isang gabi, ako’y ‘yong tinawagan.
“Bago ka matulog, I want to tell you something.” Pagkarinig na pagkarinig ko ng sinabi mo, pumasok sa isip ko na ang mga salitang sinabi mo ang magsisimula nang pagtatapos ng ating “relasyon.”
“Ano ‘yon?” Gulat na tanong ko. Noong gabing ‘yon sana kita tatanungin kung ano nga ba ang nararamdaman mo para sa 'kin. Pero bakit pa nga ba kailangang magtanong kung sa kilos mo pa lang ay alam ko na mahal mo 'ko. Sabi nga nila, “Actions speak louder than words,” ‘di ba?
“May Philophobia ako.”
Tatlong salita ang nagpaguho sa aking mundo, ako’y napatulala’t hindi nakasagot kaagad.
“Naguguluhan ako, ibig sabihin ba nito’y hindi pagmamahal ang ipinaramdam mo at ang naramdaman ko?”
“I don’t know, naguguluhan din ako.”
“Baka naman nararamdaman mo na pero ayaw mo lang aminin?” tanong ko, kahit hindi ako sigurado kung maaari bang mangyari ‘to.
“Yes, nararamdaman ko, but…?”
“Baka naman wala na?” tanong ko, kahit hindi ako sigurado kung gaano ba kabilis mawala ang phobia ng isang tao.
“I think wala na, hindi ko naman ito mararamdaman kung meron pa, right?”
“Oo, sa tingin ko.”
“Do you think na magwo-work tayo?”
“Bakit naman hindi?”
“Because, natatakot pa rin ako na… Na baka masaktan kita kasi baka takot pa rin pala akong magmahal? Are you ready to love someone like me?”
“Alam mo, tanggap kita at handa naman ako, may takot ka man o wala, nandito lang ako.”
Ilang segundo rin ang lumipas bago ka nagsalita muli.
“Oo nga ‘no? Why nga ba ako matatakot sa isang thing na matagal ko nang nafe-feel sa ‘yo?” Tanong mo pagkatapos ang ilang segundo ng ‘yong katahimikan na naging hudyat naman ng pagngiti ko.
“Well, never mind, good night.” Dagdag mo.
“Goodnight!” Kahit na nagtapos ang gabi natin sa gano’n, alam kong matutulog ako nang malinaw kung ano ang namamagitan sa atin.
0 comments: