filipino,

Literary: Dilim

10/14/2019 08:40:00 PM Media Center 0 Comments





Sa isang madilim na kwarto,
may mga kasama ako
Tahimik kaming lahat
Sinusubukang makakita,
sa paligid na pinagkaitan ng liwanag
Kumukurap-kurap
Baka sakaling may mahanap,
kahit kaunting pag-asa, kahit kaunting sinag

Sa isang madilim na kwarto,
sa sulok ako nakaupo
Yakap-yakap ang binti
Binaon ang mukha sa mga tuhod
Sa kadilima'y wala akong ibang makita
Kaya mas mabuti na sigurong
'Wag nang imulat ang mga mata

Sa madilim na kwarto,
may mga kasama ako
Kanina'y tahimik kaming lahat
nang bigla silang nag-ingay
Tinakpan ko ang aking tenga
Ayaw ko silang marinig
Alam kong imposible pero
sana lunurin ng dilim ang kanilang mga tinig

Sa madilim na kwarto,
may mga kasama ako
Kanina'y tahimik ang lahat
nang bigla silang nag-ingay
"Hindi mo naman kasi kaya 'yan"
"Hindi ka naman kasi magaling"
"Wala ka namang kwenta"
Tinakpan ko ang aking tenga
Ayaw ko silang marinig,
Hindi ko sila mapigilan sa pagsasalita
Alam kong imposible
ngunit sana'y lunurin ng aking luha
ang kanilang mga kataga

Sa madilim na kwarto,
may mga kasama ako
Kanina'y tahimik ang lahat
nang bigla silang nag-ingay
"Hindi mo naman kasi kaya 'yan"
"Hindi ka naman kasi magaling"
"Wala ka namang kwenta"
Tinakpan ko ang aking tenga
Ayaw ko itong marinig ngunit
hindi ko mapigilan ang sarili ko sa pag-iisip
Alam kong imposible akong matahimik
ngunit sana'y lunurin ng aking luha
Ang aking sariling mga salita

Sa isang madilim na kwarto
Iminulat ang mga mata
Sa bakanteng kwarto ko binigkas
Takot akong mag-isa.

Sa isang madilim na kwarto,
sa sulok ako nakaupo
Yakap-yakap ang binti,
nakabaon ang mukha sa mga tuhod,
Dahan-dahan akong tumingala
Pinunasan ang mga luha
Takot ako. Takot na takot.
Pero ang alam ko, sa kabila ng dilim, at pag-iisa
Balang araw, magkakaroon ng sinag, at pag-asa

You Might Also Like

0 comments: