'21,

Literary: Nobyembre Uno

10/05/2019 08:54:00 PM Media Center 0 Comments





Ako si Jose E. Santos, trenta-nuebe anyos, at ito ang aking kuwento.

Nobyembre uno noong 1990, ipinagdiriwang namin ng aking pamilya ang araw ng mga patay sa probinsya ng Samar, sa bayan ng Calbayog. Labing isang taong gulang na ako ngunit nababagabag ako sa sa mga usap-usapan doon tungkol sa nawawalang bayan ng Biringan, isa raw itong mahiwagang lugar na mayaman sa magagarang bahay at kagamitan . Kahit sinasabing maganda ang lugar na iyon, walang taong gustong sumubok na lakbayin ito dahil sa paniniwalang mga engkanto ang naninirahan dito. Narinig ko na ang iba’t ibang kwento at babala tungkol sa bayan na ito subalit isang bagay ang hindi nila naikuwento...

Pinuntahan namin ang puntod ng aking lola sa may sementeryo malapit sa gubat na sinasabing malapit sa bayan ng Biringan. Pinagbabawalan kaming maglaro sa lugar na ito dahil may kasabihan na kapag binulabog mo ang gubat ay kukunin ng mga engkanto ang iyong kaluluwa.

Hindi ko sila pinakinggan, at pinairal ko ang aking kuryosidad. Habang pinagdarasal ng mga magulang ko si lola, ako’y lumabas at naglakbay sa gubat. Wala namang hindi karaniwan sa gubat na ito maliban lamang sa pakiramdam na marami ang nakatingin sa iyo.

Nang makitang lumulubog ang araw, napagdesisyunan ko nang bumalik dahil baka hinahanap na ako ng aking mga magulang. Habang naglalakad, nakarinig ako ng yabag ng paa, na parang may sumusunod sa akin. Bumilis ang tibok ng puso ko pero sinubukan kong kalmahin ang sarili at pagmasdan ang lugar. Matapos ang ilang minuto ay narinig ko na naman ito. Sinundan ko ang mga yabag at nakarating ako sa isang mahiwagang lugar. Tila paraiso ang itsura nito, ginto ang mga kagamitan, nakakalat na mga alahas, at puno ng mga makukulay na bulaklak ang palasyo.

“Totoo nga! Ito pala ang bayan ng Biringan.”

Kukuha sana ako ng isang kuwintas ngunit may humablot sa aking braso. Puti ang kanyang suot at malamig ang kanyang kamay. Binawi ko ang aking braso mula sa hawak niya at nagulat ako nang makita ko ang repleksyon ko sa kanyang mata. Nakita kong may tumutulong dugo sa aking ulo ngunit noong hawakan ko naman ito ay wala naman akong naramdamang dugo. Kinilabutan ako at tumakbo nang mabilis pabalik sa sementeryo.

Bawat lingon ko ay nakikita ko siya na para bang wala akong takas. Nagtago ako sa loob ng puno ng balete; umaasang hindi niya ako makikita. Pero nagkamali ako. Sinilip ako ng isang puting babae, ngumiti at may lumalabas na dugo mula sa kanyang labi. Mula roon, nagdilim ang lahat.

Nagising ako sa sinag ng araw sa may patag sa pagitan ng sementeryo at gubat. Pinuntahan ko ang puntod ng aking lola at laking tuwa ko nang makita ko ang aking mga magulang. Nilapitan ko sila at niyakap nang mahigpit .

" ‘Nay, ‘Tay, nandito na po si Jose, anak po ninyo, nakabalik na po ako!”

Nakaramdam ako ng matinding kaba nang makita ang kanilang malalig na salubong . Hindi ba nila ako naaalala? Niyakap ko silang muli, umaasang iba ang magiging resulta. Bakit parang hindi nila ako makita? Parang hindi nila ako marinig? hindi nila ako maramdaman? Bumilis ang tibok ng aking puso, nagsimula nang mamuo ang luha sa aking mga mata.

“Nay, Tay nandito na po ako, si Jose po, nakalimutan niyo po ba ako? anak niyo po ako labing-isang taong gulang na, mahilig pong maglaro sa labas kaya nga po nawala ako eh, tay naalala niyo po ba noong tinuruan ninyo ako mag maneho? Nay natatandaan niyo po ba na tinuruan niyo po ako magluto ng isda pero takot na takot po ako sa mantika? Nay, Tay….?

Bumuhos ang aking mga luha at nang tumingin ako sa kanilang direksyon, doon tumigil ang mundo ko.

Jose E. Santos
Born 1979-1990
Dito nakahimlay ang isang mabuting anak.

…………………

Bente-nuebe taon na ang nakalipas nang mawala ako sa gubat. Isa akong kaluluwa na naglalakbay kung saan-saan, hindi matahimik, hindi mapakali. Kaya iho't iha, mag-ingat kayo. Makinig sa payo ng mga nakatatanda kung ‘di baka malaman ninyo…

Isa na pala kayong kaluluwang ligaw.

You Might Also Like

0 comments: