Cooky,

Literary: "KATOK"

10/05/2019 08:38:00 PM Media Center 0 Comments





Alas tres na ng madaling araw pero heto ako, gising na gising pa rin. Hindi ko alam kung bakit hindi talaga ako inaantok kahit malamig naman.
Kakaiba naman ang lamig na ‘to parang hindi normal...
Unti-unti kong inaayos ang aking posisyon baka sakaling ako ay makatulog pero makalipas ang ilang minuto, naisipan ko na lang na pumunta sa kusina at kumuha ng makakain, baka sakaling ako ay antukin ‘pag nagkalaman ang aking tiyan.

Paglapag ng aking paa sa sahig, nakaramdam ako ng kakaibang lamig. Tila may nakatingin, dahil sa presensyang aking nararamdaman na para bang titig na titig sa akin. Kumabog lalo ang aking dibidb nang may marinig akong yabag ng paa na parang papalapit, pero laking pasasalamat ko nang paglingon ko’y wala akong nakita maliban sa nakabukas na bintana.

Hahahaha, ‘kala ko multo na!

“Hangin lang pala," sambit ko sabay lapit sa bintana upang isara.
Kaya pala sobrang lamig, nakabukas ang bintana.

Pero bakit kaya nakabukas ang bintana sa aking kwarto? Madalang ko lang din naman itong buksan...

Blag!

Isang malakas na tunog na nanggaling sa bubong ang narinig ko na gumising muli sa takot na kanina lang ay naramdaman ko.
Nakita ko ang isang pusang itim na sa tingin ko ay tumalon mula sa puno papuntang bubong. Naalala ko tuloy ang mga sabi-sabi na malas ang pusang itim.

“Ay lintek, nakakainis na pusa, ang galing manggulat."

Tumingin sa akin ang pusa, napansin kong kakaiba ito. Parang walang mga mata. Pero naisip ko na baka dahil sa sobrang itim nito, nakatago na ang mga mata niya sa kanyang balahibo.

Ipinagwalang-bahala ko na lamang ito at tuluyan nang bumaba papunta sa kusina. Pagdating na pagdating ko sa kusina’y dumiretso agad ako sa ref upang kumuha ng makakain.

Tok tok tok tok


Habang ako’y kumakain, may narinig akong katok sa pinto. Sino ba naman ang kakatok ng ganitong oras, eh alas tres y medya pa lang?

Muli akong kinabahan. Naisip kong baka multo iyong nasa labas dahil wala namang ibang kakatok ng ganitong oras, bigla ko tuloy naalala ang mga scary stories na kanina ay binabasa ko lamang. Hindi ko na binuksan ang pinto dahil sa takot.

Tok tok tok tok

Ngunit ang mga katok ay lalong lumakas, na lalong nagpakabog sa dibdib ko. Hindi ko na sana papansinin at tatakbo na lang paakyat sa kwarto pero narinig ko ang isang pamilyar na boses.

“Jade, ano ba! Buksan mo ang pinto, ako ‘to si Lina."


Dali-dali kong binuksan ang pinto.

“Lina, ba't nandito ka na? Akala ko ba ay alas sais pa ang iyong uwi mula sa trabaho? Eh mag-aalas kwatro pa lamang."

“Napaaga ang aking uwi dahil nagbago ang aking iskedyul."

“Ahh, ganoon ba? Kung gayon, umakyat ka na para makapagbihis at makapagpahinga na."

Tumango si Lina; mukhang pagod na pagod talaga siya dahil sa trabaho. Si Lina ay pinsan ko na nakikitira ngayon sa aming bahay. Isa siyang call center agent kaya naman paiba-iba ang iskedyul ng kanyang trabaho. Tatlo lamang kaming nakatira sa bahay na ito -- ako, ang aking nanay, at si Lina. Maliit lamang ang aming pamilya kaya sobra-sobra ang pagmamahal at pagpapahalaga namin sa isa’t isa. Mahal na mahal ko ang aking ina. Siya ang patuloy na nagtatrabaho para sa pag-aaral ko at para sa mga gastusin sa bahay. Kaya hindi ko kakayanin na mawala ang aking ina.


Napahaba yata ang pag-iisip ko sa mga bagay-bagay, gusto ko na lang humiga ngayon...

Dahil sa antok na aking nararamdaman, umakyat na ako papunta sa aking kwarto, ni-lock ko ang pinto at humiga sa aking malambot na kama. Unti-unti kong ipinikit ang aking mata at ilang sandali lang ay nakatulog na ako.

Kring kring kring kring!

Nagising ako sa tunog ng cellphone ko. Sino ba ‘tong tumatawag na ito? Kay aga-aga pa. Istorbo!

“Hello?”

“Oy Jade, mahuhuli ako ng uwi, pakisabi na lang din kay tita, baka mag-alala na kayo 'pag hindi ako nagsabi."

“Lina? Ha? Anong male-late? E kanina ka pa nasa kabilang kwarto di ba? Niloloko mo ba ‘ko?” pagalit kong tinanong.

“Ha? Eh nasa opisina pa ako. Inaantok ka pa ata, kung ano-ano ang sinasabi mo!” pagalit ding sagot ni Lina.

Tok tok tok tok!

Sunod-sunod na katok sa pinto ng aking kwarto ang narinig ko. Nanginginig ang katawan ko sa takot.

Kung wala si Lina dito, e sino yung pinagbuksan ko ng pintuan kanina?

Binuksan ko ang pinto gamit ang nanginginig kong kamay.

“L-Lina?”

Bumungad sa akin ang aking pinsang si Lina, duguan ang kanyang damit. Nanlumo ako sa aking nakita. Hila-hila niya sa likod ang katawan ng aking ina na halos hindi na makilala dahil sa dugo sa kanyang mukha. Parang hinukay ang lamang-loob ng aking ina dahil sa dami ng dugo nito sa bandang tiyan at nakikita ko na rin ang iba nitong mga lamang-loob. Sa kabilang kamay niya, ay mayroon siyang hawak na puso ng tao na unti-unting humihina ang tibok. Kumalat sa buong kwarto ang malansang amoy ng dugo. Hindi ko na napigilan na maiyak sa aking nasaksihan, at ang tanging nasa isip ko na lamang ay gusto kong makaligtas at patayin ang aswang. Parang kabaliwan lang ang lahat, hindi ako makapaniwala.


Mama!

Iyon ang mga salitang paulit-ulit na naririnig ko sa aking isip. Ang mga luha kong patuloy sa pag-agos. Hindi ko maibuka ang aking bibig, gusto ‘kong mag salita pero hindi ko magawa. Sa huli ay isang sigaw lang ang lumabas sa aking bibig.

“Ahhhhhhhh!” isang napakalakas na sigaw na puno ng takot at galit ang namutawi mula sa bibig ko.

“Jade! Anong nangyayari?!” nag-aalalang tanong ni Lina na kausap ko sa cellphone.

Hindi ko napansin, hawak ko pa pala ang aking cellphone, dumugo ang aking kamay dahil sa sobrang kapit ko sa cellphone.

Unti-unting lumapit sa akin ang impostor na Lina, mukhang natakam ito sa amoy ng dugo. Nag-iba ang anyo nito, tila naging isang aswang na may mga matutulis na kuko at ngipin, ang buhok nitong umabot sa sahig ang haba. Ang mukha nito na kanina ay hawig ng itsura ni Lina ay naglaho na. Isa na itong kakaibang nilalang na may nakakatakot na anyo.

Nabitawan ko ang cellphone na kanina ay hawak-hawak ko lamang. Tumakbo ako palabas ng aking kwarto at dumiretso sa kusina para kumuha ng matulis na bagay.

Ang kutsilyo!

Dali-dali ko ‘tong dinampot. Hindi ko napansin na nasa likod ko na pala ang nakagigimbal na nilalang.

“Huwag kang lalapit!” sigaw ko.

Nag-iba uli ang anyo ng nilalang, ginamit muli ang mukha ni Lina.

“Jade, ako ito, si Lina. Anong ginagawa mo?” umiiyak na sabi ng nilalang habang nakatakip ang mga kamay nito sa kanyang mukha.

“Aswang ka!” galit kong sabi

Tila nagalit ang nilalang sa sinabi ko. Bumalik ito sa orihinal nitong anyo, ang mga matutulis nitong ngipin at kuko, ang buhok nitong abot-sahig ang haba.
Sa sobrang bilis ng pangyayari, hindi ko napansing nasa harapan ko na pala ang nilalang.

“Anong sinabi mo?! Aswang?!” galit na galit na sambit ng nilalang sabay hawak sa aking leeg.

Bumaon ang matutulis nitong kuko sa aking balat. Naramdaman ko ang aking dugo na dumadaloy sa sarili kong balat.

“B-bitawan mo ako," nahihirapan kong sinabi.

Hindi ako makahinga. Unti-unti nang nilalamon ng dilim ang aking paningin. Bago ako tuluyang mawalan ng malay ay nakita ko kung paano umamba ang nilalang na para bang handang-handa na akong kainin.

“Anak!”

Narinig ko ang boses ng aking ina. Halata sa boses nito ang pag-aalala. Unti-unting pumasok sa isipan ko ang lahat.

Panaginip lang ang lahat!

Dali-dali akong bumangon na hinihingal pa. Hinawakan ko ang aking mukha na basa dahil sa luha.

Niyakap ko nang sobrang higpit ang aking ina. Hindi ko na napigilan na lalong umiyak dahil sa takot at sa tuwang nandito pa ang aking ina, na panaginip lang ang lahat.

“Ano ba ang nangyayari, anak?” alalang-alalang sabi ng aking ina.

“Wala, Ma, na-miss lang kita."

“Huwag kang mag-alala anak, nandito lang ako lagi sa tabi mo.” Bigkas ng aking ina.

Napatingin ako sa gilid ng aking kama kung saan nakapatong ang isang libro na kagabi ay binabasa ko lamang. Kumawala ako sa yakap ng aking ina, at kinuha ang libro. Ngayon ko lang napansin na ang cover ng libro ay kaparehas ng itsura ng aswang na nakita ko sa aking panaginip. Ang aswang daw na ito ay kilala bilang isang aswang na pinaglalaruan muna ang emosyon ng biktima nito bago kainin. Nagpakawala na lang ako ng isang malalim na buntong-hininga.

Siguro, last na ito. Hindi na ulit ako magbabasa ng mga scary stories. Nakakapagod e, pati panaginip ko, pinaglaruan!




You Might Also Like

0 comments: