akrilik,

Literary: Huling Araw ng Pansampung Buwan

10/05/2019 08:00:00 PM Media Center 0 Comments





Sa iyong tahanan,
sila'y maglalabasan
sa huling araw ng pansampung buwan.
Handang wakasan ang 'yong kasiyahan.
Sa kanilang pagdating, sama-sama natin alamin
Mga bagay na dapat nating gawin.

Tikbalang.
Kabayong tao na naninirahan
sa inyong mga puno't halaman.
Sumisilip sa bubong ng ‘yong tahanan,
Kahit ang paghiga mo, ika’y pagmamasdan.
Takpan ang kahit na anong butas,
kung ayaw mong ika’y masilipan.

Bungisngis.
Isang nilalang na laging tumatawa.
Tumahimik ka ‘pag ito'y narinig at nakita.
Malakas ang pandinig ng kanilang mga tainga.
Matalas ang nag-iisa nilang mata,
Magtago agad sa ilalim ng ‘yong kama,
bago ka makain ng nilalang na tuwang-tuwa

Manananggal.
Kumaripas nang takbo, ‘pag ito'y nakita mo.
Kalahati man ang katawan,
kayang kainin ang ‘yong buong katawan.
‘Pag inilipad ka sa itaas,
'wag ka nang manlaban.
Ibabagsak ka lang nito sa kanyang mga kasamahan.

Aswang.
Hindi ito tao,
kaya ‘wag kang magpapaloko.
Isarado ang 'yong pinto,
ilabas ang mga kutsilyo.
Matatalas na mga pangil,
kasimbilis ng hangin.
‘Wag hayaang ika'y makain.

Nuno.
Mag-ingat ka rito,
makamandag ang mga kamay nito.
Kasinliit ng posporo,
kahit ngayon ay pinagmamasdan ka nito.
Laging tandaan na magsabi ng "tabi-tabi po."
At iwasang tapakan ang kaharian nito,
kung ayaw mong lumaki ang mga paa mo.

Bal-Bal.
'Wag na 'wag maglibing ng tao malapit sa 'yong tahanan.
Ilayo ito sa iyong angkan,
nang hindi mo sila masilayan.
Malakas ang pang-amoy nito,
sa bangkay ng mga tao.
'Wag hayaang madamay at makain nito.

Pagsapit ng gabi,
ingatan ang sarili.
Pagsapit ng gabi,
maglalaho ang mga ngiti.

Buksan ang mga mata,
ihanda ang mga tainga.
Ito ay isang banta,
Ilabas na ang sandata.

Sa huling araw ng pansampung buwan,
ikaw ay nasa bingit ng kamatayan.
Isama ang mga kasamahan.
Handa ka na ba sa malagim na labanan?

You Might Also Like

0 comments: